Malinis at maayos na daloy ng trapiko sa Blumentritt

January 22, 2020

IBANG-IBA na ang lansangan ng Blumentritt sa Maynila ngayon kumpara sa nakalipas na administrasyon dahil bukod sa maluwag na ang daloy ng trapiko malinis lagi ang naturang lugar.

Hindi naman tuluyang nawalan ng hanapbuhay ang mga vendor dahil pinayagan pa rin sila ni Mayor Isko Moreno sa mga secondary road tulad ng P. Guevarra, Felix Huertas, Oroquieta at Antipolo Streets basta’t luwagan lang ang gitna na lalakaran ng mga mamimili.

May mga pinapayagan din sa mga bangketa pero hindi sila puwedeng maglatag ng paninda sa kalsada dahil huhulihin at kukumpiskahin ang kanilang paninda.

Kaya lang, may reklamo rin pala ang ilang sidewalk vendors na pinapayagang magtinda sa bangketa dahil kahit maliit lang ang kanilang puhunan, kapag kinumpiska raw ng ilang tauhan ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) ay nawawala na lang parang bula kahit nasa loob ng naturang detachment.

Sabi ng isang vendor, P1,000 lang ang puhunan niya sa pagtitinda at bitbit na niya ang supot na plastic para umalis sa bangketa nang magkahulihan pero pilit pa raw hinablot sa kanya ng isang pulis.  Nang puntahan niya sa PCP, wala ng laman ang kanyang supot na plastic.

Dugtong pa niya, mayroon din daw na nagpapakilalang Station 3 ng MPD ang naniningil sa kanila ng P100 kumporme sa laki ng puwesto bilang proteksiyon para kung sakaling mahuli at makumpiska ang kanilang paninda, tiyak na makakabalik ito sa kanila.

Kung totoo ang mga pahayag ng vendor, na sa tingin ko naman ay hindi nagsisinungaling, malamang na naiisahan o baka talagang sinisi raan talaga ang pamumuno ni Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo na hepe ng MPD Station 3 na nakakasakop sa lugar.

Wala raw kasing tigil ang paninira ng ilang mga grupong naapektuhan sa ginawang all-out drive ni Col. Magdaluyo laban sa illegal vendors at iba pang sagabal sa lansangan kaya may grupo o organizer na naapektuhan na posibleng nasa likod ng paninira para masibak sa puwesto ang opisyal at maiupo ang kanilang gustong maging station commander na madidiktahan.  

Hindi kaya batid ng mga naninira kay Col. Magdaluyo na apektado rin sa kanilang paninira sina Mayor Isko Moreno at MPD Director Bernabe Balba? Kapag natukoy kayo ni Yorme, me paglalagyan din kayong tiyak.
Napa-wow sa drone show

Ibang uri ng karanasan ang nasaksihan ng may 14,000 katao na nanood sa drone exhibition sa Navotas City noong nakaraang linggo na bahagi ng ika-114 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.

Ginamitan kasi ng 180 drone ang pagdiriwang na isinagawa sa Navotas Centennial Park upang ipamalas ang mapa ng Navotas, isda, barko at mga gusali na simbolo ng maunlad na industriya ng pangingisda sa lungsod.

Sabi nga ni Mayor Toby Tiangco, kada taon ay sinisikap nilang gawing maganda at kasiya-siya sa mamamayan ang pagdiriwang ng Pangisdaan Festival bilang pasalamat sa ambag ng mamamayan sa pag-angat ng kabuhayan sa lungsod.

Nakadagdag pa sa saya ng mga manonood ang pagdalo ng mga sikat na artista, mang-aawit, bantog na banda, pati na ang lokal na talent kabilang ang Navotas Art Scholars, Navotas All Stars dance group, pati na ang itinanghal na mutya at prinsipe ng lungsod.

Sa kabila ng kasiyahan, hindi naman pinalagpas ni Cong. John Rey Tiangco ang panawagan sa publiko na ipagdasal ang mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal at humingi rin ng tulong na donasyon na puwedeng ipadala sa City Social Welfare ang Development Office sa Navotas City Hall annex.

Kabilang naman sa hilera ng aktibidad sa panahon ng Pangisdaan Festival ang Street Dance Competition, pagbubukas ng Kalye Fiesta, parangal sa 20 taxpayers, motorcade, boodle fight, zumba competition, Misa ng Pasasalamat, Navoteño Fun Day, motor show, beauty contest ng mga bakla at grand parade na dinaluhan ng mga bantog na artista sa pelikula at telebisyon, sakay ng makukulay na float mula sa 18 barangay ng lungsod.
Banta ni Yorme

Matindi na nga ang banta ni Manila Mayor Isko Moreno laban sa mga operator ng video karera machine na huwag magtangkang maglagay nito sa lungsod pero may ilan pa ring nakukumpiska ang pulisya sa ilang mga lugar na karamihan ay tinitirhan ng mga mahihirap na mamamayan.

Katambal na kasi ng sugal na video karera ang paghitit ng shabu kaya walang tigil ang paglalaro nito kahit magdamagan na pabor sa mga operator. Mas marami ang naglalaro, mas marami ang coins na naiipon sa loob ng makina.

Eh sino ba naman ang maglalakas-loob na maglagay ng ganitong uri ng sugal kung may banta na ang alkalde sa kanila? Yung mga kilala kasing VK operators na dating nangangasiwa ng paglalagay ng iligal na sugal sa Maynila ay tumigil na at inilipat ang operasyon sa ibang lungsod at kalapit lalawigan dahil batid nilang seryoso si Yorme sa kanyang banta.

Hindi masisisi si Yorme kung maniwala sa mga natanggap na impormasyon na pulis o retiradong pulis ang naglalakas-loob na maglagay nito sa Maynila sa paniwalang pagbibigyan sila ng kanilang kabaro kapalit ng ibibigay nilang tongpats. Ang kaso, hindi ito kinagat ng mga bata ni Yorme at pinagkukumpiska ang matutuklasang VK sa lungsod.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363