Manalig sa Diyos na buhay

“ANG mamamayang makatutulong sa pagbubuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan ay una sa lahat, dapat mapanalig sa wika at kapangyarihan ng Diyos.

Lahat tayo’y naniniwalang may Diyos, subalit dahil tayo’y tao lamang ay hindi tayo sumusunod sa mga utos Niya.

Tayo’y isinilang at pinabinyagan ng ating mga magulang sa ngalan ng Diyos upang tayo’y maligtas sa kasalanan at kapahamakan at upang lumaking mabubuti at kapakipakinabang na mamamayan.

Ang mga matatalino at makapangyarihang pinuno sa buong mundo ay sa Diyos humihingi ng tulong upang mabuting mapamunuan ang kanilang bayan. Kaya’t sa kanilang pagsumpa sa tungkulin ay sa Diyos  sila nananalangin ng patnubay.

Sa oras ng kagipitan, panganib at kamatayan ay isa lang ang ating tinatawagan -- ang Diyos na makapangyarihan.

Ang mga mahal natin sa buhay na may malubhang karamdaman at may taning ang buhay ay sa Diyos natin iniaasa ang kaligtasan at hindi sa mga doktor na ang kakayahan ay may hangganan. 

Ang mga sundalong patungo sa digmaan ay sa Diyos iniaasa ang kanilang kaligtasan at kung masasawi ay sa Kanya nila inihahabilin ang kanilang buhay.

Sa panahon ng mga aksidente, kalamidad, malalakas na bagyo, baha, lindol, sunog at ibang nakamamatay na pangyayari ay tanging sa Diyos tayo nagdarasal ng kaligtasan, sapagka’t tanging Siya lamang ang maaasahan at magliligtas sa atin sa lahat ng sandali ng ating buhay, sa sinapupunan pa lamang, sa ating pagsilang, paglaki, pamumuhay, hanggang kamatayan.

Kaugnay nito, hindi natin dapat iasa ang ating buhay kanino man, maging sa ating mga magulang, asawa, anak, mga kapatid o kaibigan.

Bagama’t mahal tayo ng ating mga magulang, asawa, anak, mga kapatid o kaibigan, tanging Diyos lamang ang magliligtas sa atin sa kasalanan, kapahamakan at tiyak na kamatayan.

Ang Diyos ang tanging tapat at may tunay at wagas na pag-ibig sa atin at hindi sino pa man.

Dahil rito, kailangang itama at ayusin natin ang ating relasyon sa Diyos, ang lumikha ng langit at lupa at nagbigay ng ating buhay.

Sambahin natin Siya bilang may akda ng ating buhay at tanging may karapatang bawiin ito ano mang oras.

Ang Diyos na buhay lamang ang dapat nating mahalin at sambahin. Wala ng iba.

Hindi tayo dapat maniwala at sumamba sa mga nasusunog at nababasag na diyos na likha ng tao, hindi nakakakita, hindi nakakarinig, pipi at walang pandamdam.

Manalig tayo sa Diyos na buhay at sa kanyang wika at kapangyarihan.

Ang taong nananalig sa wika at kapangyarihan ng Diyos na buhay ay hindi pumapatay, nagnanakaw, nagsasamantala, nanloloko at nagpapahirap sa kapwa.

Kung magagawa natin ito ay maitutuwid, mababago at mapauunlad natin ang ating sarili at tayo’y magiging mabuting magulang, asawa, anak, kaibigan at miyembro ng lipunan.

Sa kabila ng hirap, kataksilan at iba’t-ibang tukso sa lipunan ay huwag nating kalimutang tanging Diyos lamang ang makalulutas sa ating kahirapan, kalungkutan, pangamba at mga kahinaan.

Malalampasan natin ang lahat ng problema at mga pagsubok sa buhay kung tayo’y laging tatawag at mananalig sa Kanya at kung tutulungan natin ang ating sarili, matapos humingi ng Kanyang awa, gabay at pagpapala.

Manalig tayo sa Diyos na buhay at tulungan natin ang ating sarili, para sa kaayusan, kapayapaan, kaligtasan at kasaganahan ng ating pamilya, bayan at sanlibutan.”