Home>Editorial>Opinion>Mangroves, wetlands laban sa polusyon

Mangroves, wetlands laban sa polusyon

ANG look ng Maynila ay isang bahagyang nakukulong na wawa na nakaharap sa West Philippine Sea, at isa ito sa pinakamainam na natural na pangalungan ng mga bapor sa buong mundo. Ang look ay napapasok ng mga bapor sa pamamagitan ng isang 18 km lapad na channel sa pagitan ng dalawang pulo: ang Corregidor at Caballo. Dito ginapi ng hukbong dagat ng mga Amerikano na pinamumunuan ni Admiral George Dewey, ang puwersa ng hukbong dagat ng mga Kastila.

Sa pagtawid sa ika 20 siglo, ang mga mangrove sa Manila Bay ay nasa 54,000 hektarya. Naging 2,000 hektarya na lang ito noon 1990 at ngayong 2020, lalong bumaba ito sa 500 hektarya. Ang mga mangrove ay pinagkukublihan ng mga isda, mabisang panlaban sa polusyon at nagpapatibay sa baybayin laban sa baha at pag-uho ng lupa. Ganyan din ang silbi ng mga wetlands na kasalukuyang pinaparami ng ibang bansa tulad ng China at Estados Unidos upang labanan ang polusyon sa tubig.

Sa paglipas ng panahon, nagpabaya ang tao at pamahalaan na hanggang bukang bibig lang ang pagpapahalaga sa kalikasan. Malinis sa katawan ang mga Pilipino ngunit hindi nakatanim bilang ugaling Pilipino ang pangangalaga sa ating kapaligiran. At isa sa mga naging bunga nito ay ang walang puknat na pagtatapon ng basura at dumi sa mga saluysoy na lumulusot sa pitong ilog tulad ng Pasig at Pampanga na ang labas ay sa look ng Maynila. Naging isang inodoro ang look ng Maynila.

Ito ang nagtulak sa ilang mga residente ng look ng Maynila noon Enero 1999 na magsampa ng kaso sa RTC Imus, Cavite upang hilingin sa hukuman na maglabas ng MANDAMUS o Utos na tumupad sa tungkulin ang MMDA, DENR, DEP ED, DOH, DA, DPWH, DBM , Phil Coast Guard,PNP Maritime Group at DILG na inuutos sa kanila ng mga sumusunod na batas: Environment Code[PD1152], Pollution Control Law[PD984],Water Code[PD1067], Illegal Disposal of Waste law[PD825],Sanitation Code[PD856], Marine Pollution Law[ PD 979], Toxic and Hazardous Waste Act[RA 6969],Civil Code , International Law, at Trust doctrine at Principle of Guardianship. Naglabas ng mandamus ang RTC. Umapela ang mga ahensiyang ito sa Court of Appeals. Natalo na naman sila kaya inakyat ang usapin sa Korte Suprema.

Noon Disyembre 18,2008 , pinaboran pa rin ng Mataas na Hukuman ang mga residente ng look ng Maynila. At imbes na mandamus lang , isang “continuing mandamus” ang ipinalabas laban sa mga ahensiyang nabanggit. At dahil “continuing mandamus” ito, lahat sila ay obligadong mag-ulat apat na beses sa isang taon sa Korte Suprema sa ginagawa nilang pagsunod sa batas. Hindi nangimi ang Hukuman na kastiguhin at mariing pinagsabihan ang mga ahensiya ng pamahalaan na tapos na ang panahon ng pag-aantala, teka-teka, at pagpapatupad ng panandalian at tapal-tapal na remedyo sa napakalubha at lumalalang problema ng polusyon ng look na isang pusali na ngayon. Ipinamulat ng Korte Suprema sa mga ulo ng ahensiya na hindi sila maaring iwasan sa kanilang tungkulin na ipatupad ang malinaw na mga probisyon ng batas sapagkat ito ay hindi nangangailangan pa na pag-isipan kung ipapatupad o hindi ( MMDA et al vs. Residents of Manila Bay, GR #171947-48, Dec 18,2008).

Habang nililitis ang kasong ito , binuo ang Manila Bay Coastal Strategy noon 2001. Mayroon itong tatlong hibla: ang paglilinis, pagbabalik at pangangalaga upang luminis ang tubig ng look ng Maynila. Naglabas din ang Kongreso ng mga batas na tutulong sa pagsasakatuparan ng Coastal Strategy: RA 9003, Ecological Solid Waste Management Act ng taon 2000, at RA 9275 Clean Water Act ng taon 2004. Sa kabila ng mga batas at ng coastal strategy, inilabas pa rin ng Korte Suprema ang hatol nila noon 2008 laban sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil walang saysay ang mga batas at coastal strategy kung hindi ito ipapatupad at popondohan.

Noon Enero 2019, sinabi ni Jarius Bondoc na ang bacteria level ng tubig para malanguyan ng ligtas ng tao ay dapat nasa 100 units kada cubic meter lang. Noon 1999, ang tubig ng look ng Maynila ay nasa 1 milyon units ng bacteria kada cubic meter ayon kay Tony Oposa. Dahil wala naman naganap na seryosong hakbang upang mapababa ito sa nakalipas na dalawang dekada, tinatayang nasa 330 milyon units ng bacteria kada cubic meter na ito noon 2019 .

Pagdating naman sa coliform, ang estero de San Antonio Abad na lumalabas sa Ilog Pasig ay nasa 1.3 bilyon kada litro ng tubig. Tadtad ng mga informal settlers ang esterong ito at dito rin lumalagos ang dumi ng mga hayop na alaga ng Manila Zoo.

Mayroon mga hakbang na ginawa ang mga ahensiya ng pamahalaan upang tumupad sa continuing mandamus ng Korte Suprema.

Bahagi ng Manila Bay Coastal Strategy ang pagpaparami ng mga mangroves at wetlands na makakatulong ng husto sa laban sa polusyon sa tubig.

Publication Source :    People's Tonight