Manila Zoo ng ating kabataan

January 25, 2019

SINO ba naman sa atin ang hindi nakapunta sa Manila Zoo na nasa kanto ng Adriatico at Quirino Avenue?

Lahat ng henerasyon ng  batang Pilipino ay may picture na katabi ng lokong Giraffe na pagkahaba-haba ng leeg at nakakulong sa hawla na gawa sa cyclone wire.

Tanda ko pa ang isang salbaheng unggoy sa Manila Zoo na dudumi siya tapos ibabato sa mga taong nanonood sa kanya. Para sa akin, ang bago sa populasyon ng mga hayup sa zoo ay si Mali na higanteng elepante.

May elepante na rin naman noon pero hindi ko natatandaan kung may pangalan. Doon din ako nakakita ng mga Parrot na nagsasalita at ang unang isisigaw kapag dumaan ka, “pangit, pangit. Akala ko, galit lang sa akin ang Parrot dahil nasigawan din ako. Lahat pala ng dumaan ay ganoon ang kanyang isinisigaw kaya lumakas ang loob ko,  hindi pala talaga ako pangit!

May dati ring Martinez bird dyan na walang alam sabihin kung hindi “kumain ka na, kumain ka na.”

Hindi ko na kabisado ang populasyon ng Manila Zoo ngayon dahil ang senaryo na ikinukuwento ko ay dekada 70 pa. Baka grade 2 or grade 3 lang ako nang una kong mapuntahan ang zoo na ito.

Nitong Wednesday lang ulit ako napunta sa Manila Zoo -- sakto, sarado pa! May paskil sa labas na Paunawa sa Publiko mula kay Mayor Joseph Estrada. Kailangang ipasara ng alkalde ang zoo dahil sa rekomendasyon ng DENR. Kung si Mayor Erap ang tatanungin, ayaw niyang isara dahil alam ng alkalde na pinakamurang entertainment ang Manila Zoo para sa lahat ng uri ng populasyon ng bansa, lalo na sa Maynila.

Pero sa pag-aaral ng DENR, isa sa mga pollutant sa Manila Bay ang zoo. May direktiba si Pangulong Duterte na ayusin at linisin ang Manila Bay sa tulong ng pondong P47 bilyon.

Suportado ni Mayor Erap ang proyektong ito kaya nga siya mismo ang nagkusang nag-utos ng clearing operations sa baywalk na pintuan ng Manila Bay at isagawa ang rehabilitasyon ng Manila Zoo.

Hindi madali ang desisyon ni Mayor Erap na pansamantalang ipasara ang Manila Zoo pero kailangan niyang ipagawa ang waste treatment facility. Ang ibig sabihin, iyong mga dumi ng mga hayup sa zoo ay kailangang mapunta sa central sewerage system treatment para malinis muna bago pakawalan patungo sa Manila Bay.

Napabayaan talaga ang Manila Zoo at lahat halos ng pasilidad sa Maynila kaya sobrang laki ng problema ni Erap nang maging alkalde siya.

Dinatnan din ni Erap na simot ang pondo ng lungsod at may utang pa na P8 bilyon. Siguro katulad ng Manila Zoo, naisip na rin ni Erap na ipasara sana ang city hall sa unang araw ng kanyang pagka-alkalde noong 2013 dahil walang kapera-pera.

Pero katulad ng Manila Zoo, major rehabilitation din ang ginawa ni Erap kaya financially sound na ang city matapos ang kanyang dalawang termino at nabayaran pa ang lahat ng utang.

Umaasa tayong katulad ng ginawang pagsasaayos ni Mayor Erap sa city hall, ganoon din ang mangyayari sa Manila Zoo para muli itong mabuhay at mapakinabangan ng ating mga kabataan, lalo na ang mga mag-aaral na madalas ay doon ang educational tour.

See you zoon Manila Zoo!

allanpunglo@gmail.com