Mapalad consumer sa Metro

January 24, 2020

KAHIT marami ang nagrereklamo sa halaga ng bayarin sa tubig, lumilitaw sa mga datos na pinakamababa pa rin ang singil sa tubig sa Metro Manila kumpara sa may 12 metro cities sa buong Pilipinas maging sa ibang siyudad sa Asia-Pacific region.

Ang mga consumer ng Metro Manila na kumokonsumo ng 10 cubic meters ng tubig kada buwan ay nagbabayad lamang ng P104 samantalang kung ikukumpara ang kaparehong konsumo, ang isang taga-Baguio ay nagbabayad ng P370.

Kasunod ng Baguio sa may pinakamataas na singil ay ang San Jose Del Monte na pangalawa sa may pinakamataas na water rate sa presyong P280 kada buwan.

Sa datos mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA), mas mataas din ang binabayaran sa tubig ng mga consumer sa Angeles, Batangas, Bacolod, Cabanatuan, Cagayan de Oro, Dasmariñas, Metro Iloilo, Metro Cebu at Davao.

Ang water rate sa Metro Manila ay pinapatawan ng 12% value-added tax (VAT) at environmental charges.

Para sa mga consumer na gumagamit ng 20 cubic meters kada buwan, ang Davao City ay nagpapatupad ng pinakamababang rate na P281 at pangalawa naman sa pinakamababa ang Metro Manila na sumisingil ng P306.

Sa rate na ito, pinakamataas muli ang Baguio City na umaabot sa P775 ang singil kada 20 cubic meters na konsumo kada buwan.

Base naman sa comparative rates ng 2018 Global Water Intelligence Report, kung ikukumpara ang water rates sa mga siyudad sa Asya Pasipiko para sa mga consumer na gumagamit ng 15 cubic meters kada buwan, ang Metro Manila pa rin ang pinakamababa sa halagang P18.28 kada cubic meter.

Ang Sydney, Australia ang siyang may pinakamataas na rate sa presyong P99.63 per cubic meter kapag nai-convert ang rate sa Philippine peso gamit ang P53.33 exchange rate per US dollar.

Ibig sabihin nito, mapalad ang mga consumer ng tubig sa Metro Manila.