Mapalad pa ang mga PDL

April 08, 2020

KUNG tutuusin pala, masuwerte pa ang mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung ikukumpara sa maralitang pamilya na hindi pa nabibigyan ng ayuda ng pamahalaan.

Hindi naman kasi maikakaila na isang katerba ang panawagan sa pamahalaan mula sa mga mahihirap na pamilya na dumadaing na sa nararanasan nilang kagutuman bunga ng kawalan ng hanapbuhay at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakatikim ng biyaya para pantawid-gutom.

Bagama’t ginagawa naman talaga ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga mamamayan na apektado ng pagpapairal ng enhanced community quarantine dulot ng panganib na dala ng COVID-19, hindi naman talaga kayang maibigay ng sabay-sabay ang tulong dahil sa dami ng mga dapat pagkalooban.

Ang ginagawa tuloy ng ilan, lumalabas ng kanilang tahanan at nagtitipon-tipon para manawagan ng tulong sa pamahalaan na labis na naglalagay sa kanila sa panganib sa mikrobyong dala ng COVID-19.

Samantalang ang mga PDL na dati’y pinangangambahan na bantad sa panganib ng COVID- 19, kumakain ng tatlong beses sa isang araw at may supply pa ng libreng face masks para sa kanilang proteksiyon.

Dito nga lang sa Navotas City Jail (NCJ), masasabing protektado sa COVID-19 ang mga PDL dahil regular ang pagsasagawa ng disinfection sa bawa’t selda, bukod sa ipinaiiral pa ang wastong kalinisan sa pangangatawan at paghuhugas palagi ng kanilang mga kamay.

Mahigpit ang pagpapatupad ni Chief Insp. Atty. Ricky Heart Pegalan sa total lockdown sa naturang pasilidad dahil hindi lang ang pagbabawal sa dalaw ang suspendido kundi pati na ang paglalabas-masok ng kanilang mga personnel.

Samakatuwid, walang pinapayagang lumabas at pumasok sa loob ng pasilidad upang matiyak na ligtas ang lahat sa mapaminsalang virus.

Sabi ni Atty. Pegalan sa kanyang text message sa On The Beat, dalawang face masks ang kanilang ipinamamahagi sa bawa’t PDL dahil hindi maiiwasan talaga na malabag ang umiiral na physical at social distancing dahil kahit may ipinagawang extension facility sina Mayor Toby Tiangco at kapatid niyang si Cong. John Rey Tiangco, hindi pa rin sapat para sa wastong bilang ng nakadetine ang mga selda.

Pero ang maganda niyang balita sa pamilya, kaanak at kaibigan ng mga PDL na nananatili sa loob ng NCJ, wala isa man na maituturing na persons under monitoring o persons under investigation na ang ibig sabihin COVID-19 free ang pasilidad.

Sa kasalukuyang kalagayan ngayon ng mga PDL, lalu na ang mga nasa pasilidad ng NCJ, masasabing masuwerte pa sila kumpara sa mga maralitang nasa laya nga pero kumakalam naman ang sikmura sa gutom.

Marami pa ring pasaway

Parang hindi natitigatig ang napakaraming pasaway sa Navotas City dahil araw-araw ay nakakahuli pa rin ng mga gumagala sa labas ang kapulisan at barangay tanod sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na manatili lang muna sa loob ng kanilang bahay.

Halos hindi na nga tumitigil sa panawagan sa kanyang social media account si Mayor Toby Tiangco at ibinabahagi pa sa publiko, hindi lang ang panganib na aabutin ng mga pasaway na gala ng gala,  kundi ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19 sa kanilang lungsod.

Pinakahuli nga rito ang isang taga-Navotas East na inubo at nilagnat noong Marso 31 kaya’t isinugod sa isang bantog na pagamutan kung saan natuklasang positibo sa sakit. Mabuti na lang at kaagad na naagapan ng mga dalubhasang doktor sa naturang pagamutan kaya’t pinayagan na siyang makauwi upang sa bahay na mag-self quarantine. Siya ang pang-10 sa mga taga-Navotas na nag-positibo sa virus.

Sabi pa ni Mayor Tiangco, parami ng parami ang kanilang mamamayan na nagkakasakit ng COVID-19 at inaasahan na niya na lolobo pang lalo ang bilang nito dahil napakarami pa rin ang matitigas ang ulo at sumusuway sa home quarantine.

Banta pa ng alkalde, buhay ang nakataya sa mga pasaway nilang mamamayan lalo na’t hindi naman ordinaryong sakit kundi nakamamatay talaga ang COVID-19 at wala pang gamot o bakuna na natutuklasan laban dito.

Ang nangyayari tuloy, paulit-ulit ang panawagan ni Mayor Tiangco sa kanilang mamamayan na manatili sa loob ng tahanan lalo na’t ipinararating naman nila ang kaukulang ayuda at sabi pa niya, ang pakikiisa ng kanilang mamamayan sa kanilang panawagan ang susi para mabilis na malagpasan ang problemang dulot ng mapanganib na sakit.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363