Mapayapa at masayang Pasko!

December 22, 2018

MAHIGIT sa 7,800  pulis ang ipinakalat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar upang pangalagaan ang katahimikan at kaayusan ngayong araw ng Pasko.

Taun-taon ay ganito kaalerto ang ating kapulisan upang hindi pagsamantalahan ng masasamang elemento ang dakilang araw na inaabangan ng lahat.

Tiwala tayong sa sipag, husay at tapang ni Eleazar, magagawa nitong mapayapa ang Pasko sa Metro Manila kung saan ligtas sa anumang uri ng panganib, pati na rin sa sakuna.

Mula sa malalaking shopping malls, terminal ng jeep, bus at simbahan maayos ang ‘police visibility’ sa buong Kalakhang Maynila.

Salamat sa lahat ng district directors ng Manila Police, Northern Police, Eastern Police, Quezon City Police at Southern Police Districts na tulad ni Eleazar ay 24 na oras at pitong araw sa buong linggo kung gumanap sa kanilang tungkulin.

Resulta siyempre ito sa pagiging ‘disciplinarian’ ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na siyang tunay na ginagaya ni Eleazar mula sa pagiging mahigpit sa tauhan hanggang sa maayos na ‘macro-micro management style’ sa paghawak sa buong kapulisan. Dahil dito, ngayon pa lang ay sinaluduhan na natin ang buong PNP, partikular na ang NCRPO, dahil sa mga nakalipas na linggo o halos tatlong taon na ang nakararaan, walang malalang trahedya at karahasan ang nangyari sa bansa bunsod na rin sa magaling na pagbabantay ng ating kapulisan.

Harinawa, ang lahat ay maging masaya at mapayapa ngayong araw ng Pasko.

* * *

Speaking of Christmas, gusto nating ibahagi ang masayang araw na ito sa lahat ng mga kababayan nating maysakit at mga pamilyang nangungulila sa kanilang mahal sa buhay -- lalo na ang mga may magulang, kapatid o kamag-anak na Overseas Filipino Workers (OFW).

Ramdam ko ang kalungkukutan n’yo na hindi makuhang magsaya nang todo-todo ngayong araw ng Pasko dahil kung hindi man may kulang sa inyong pamilya ay may mabigat kayong problemang pinagdaraanan.

Kung lahat lamang ng Christmas wish ay kayang ibigay ni Santa, alam kong isa ito sa mga pangunahing kahilingan na hihilingin n’yo -- ang gumaling ang kamag-anak na maysakit at makasama nang habambuhay ang mahal sa buhay na tinitiis magtrabaho sa abroad mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Sana, anuman ang mga suliraning lumiligalig sa ating pag-iisip, pansamantala itong maibsan alang-alang na rin sa diwa ng Pasko.

Isang masaya at mapayapang Pasko po sa lahat!