Maraming nalungkot sa pagkatalo ng Gilas

December 05, 2018

ANG basketball ang tinuturing na national sports sa Pilipinas kaya’t maraming Pilipino ang nalungkot nang magkasunod matalo ang team Gilas Pilipinas sa koponan ng Kazakhstan at Iran dito sa ating bayan.

Tinalo tayo ng Kazakhstan sa iskor na 92-88 at 81-73 ng Iran.

Masakit ang pagkatalo dahil maraming nagsabi na ang Gilas ngayon ang pinakamatangkad, malaki at magaling na team na nabuo sa ating kasaysayan.

Ngayon ay mayroon tayong 7-footer sa katauhan ni Greg Slaughter, 6’10 na si Junmar Fajardo, 6’9 na si  Japeth Aguilar, 6’8 na si Poy Erram, 6’8 na si Christian Standhardinger, 6’7 na si Troy Del Rosario, 6’6 na si Beau Belga at 6’5 na si Gabe Norwood.

Bagamat hindi nagsama ang lahat   ng nabanggit sa laban natin sa Kazakhstan at Iran dahil sa isyu ng naturalization at suspension ng players ay di hamak na mas malalaki ang ating players ngayon kaysa noon, kaya’t masaklap na tayo’y matalo sa Kazakhstan na maliit kaysa  atin at sa Iran na halos kasinglaki natin.

Sa tingin ko ang dahilan sa pagkatalo ay ang maikling panahon na pagsasama ng ating players.

Kahit mahigit isang taon nang magkakasama at nagprapraktis ang mga dayuhang koponan, ang Gilas ay wala pang isang buwan nagsasama at  naglalaro bilang team, mukhang hindi pa gaanong magaling ang teamwork ng ating koponan.

Isa pa, tila kinabag ang ilan aa ating players at ayaw tumira.

May tumira ng tres subalit kapos at may nagpasa sa kalaban sa in-bound at may mahahalagang free throws tayo na  nagmintis.

Marahil yung mga player nating buo ang loob tulad nina Terence Romeo at Paul Lee ay isinama dapat sa team upang mag-set up ng opensa.

Subalit higit sa lahat dapat na ang  team ay matagal nang binuo para ang mga player ay maging gamay sa  isa’t isa.

Sana’y ang mga nasabing pagkakamali at pagkukulang ay maitama nang magkaroon ng kasiyahan ang ating mga mamamayan.