Home>Editorial>Opinion>Maraming salamat frontliners!

Maraming salamat frontliners!

SIMPLE pero makabuluhan!

Ganito ang eksena kahapon sa Caloocan City nang ipagdiwang ang kauna-unahang Frontliners Day na pinagtibay ng Sangguniang Panglungsod at inaprubahan mismo ni Mayor Oca Malapitan bilang pagbibigay pugay sa isang taong sakripisyo at buwis buhay na serbisyo sa nakalipas na isang taon.

Kahapon ang unang taong anibersaryo ng ‘quarantine lockdown’ nang unang isailalim ng pamahalaang Duterte dahil sa pandemya ng COVID-19.

Dahil dito, 14 na personalidad ang personal na pinarangalan ni Mayor Malapitan sa nakalipas na flag raising ceremony sa Caloocan City Hall.

Kasamang nag-abot ng parangal at nagbigay-pugay sina Engr. Oliver Hernandez, city administrator ng lungsod; Councilor at LA Asistio at si Councilor Vince Hernandez na pangunahing may-akda ng Frontliners Day Ordinance.

Kabilang sa mga ginawaran ay sina Dra. Evelyn Cuevas, City Health Officer; Roberto Quizon, Action Officer ng City Social Welfare and Management Department; Police Captain Reynaldo Salazar ng Caloocan Police; Ruby Sugue, ER Head Nurse ng Caloocan City Medical Center; Fernando Daya, Barangay Health Worker; Marlon Sulit, Emergency Response Personnel ng City Disaster Risk Reduction and Management Office; Genevieve Lyn Pineda, Community Relations Office Staff assigned in the distribution of relief assistance; Gerard Guiller Santos, MedTech assigned in swab testing; Emily Slater, Tourism Operations Officer assigned in the coordination of Locally Stranded Individuals; Kap. Ronaldo Matias of Barangay 175; SK Chairman Joselito Santiago of Barangay 176; Elery Villadores, General Services Department staff assigned in the delivery of relief goods; Rolando Salcedo, garbage collector mula sa City Environment and Management Department; at Edwin Gutierrez ng Department of Public Safety and Traffic Management personnel assigned in the disinfection. Ilan sa kanila ay tinamaan ng COVID-19 dahil sa exposure habang nagseserbisyo.

Bukod sa kanila, biniyan-pagkilala rin ni Mayor Oca sa pamamagitan ng Posthumous Award ang mga pumanaw na kawani dahil sa COVID-19. Sila ay sina Fidel Pascua Jr. ng Caloocan City Medical Center at Teddie Balasi ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ginawaran din ang mga Aksyon at Malasakit Providers na nagpakita ng suporta sa ating Pamahalaang Lungsod sa gitna ng pandemya. Kabilang dito ang Chinese Filipino Business Club, Inc., Caloocan City Fil-Chinese Chamber of Commerce, Caloocan City Fire Prevention Association Inc., Donnabel Trias Cunanan, DMD, ng Barangay 173, at Tommy Rico, Public Schools District Supervisor.

Sa kaniyang mensahe, nagpasalamat si Mayor Oca sa lahat ng mga magigiting na frontliners ng lungsod na patuloy na nagsasakripisyo at nagseserbisyo ngayong pandemya.

Isang taon ngayong araw simula nang unang ipatupad ng ating mahal na Pangulong Duterte ang unang community quarantine sa buong bansa. Isang taon na pagmamalasakit at paglilingkod ng ating mga bayani na nasa unahan ng ating laban sa pandemya,” pahayag ng Punong-Lungsod.

Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Oca ang mga mamamayan na tulungan ang ating mga frontliner na masugpo ang COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocols.

Ngayong tumataas na naman ang mga kaso ng COVID-19, ipakita natin ang ating pagmamalasakit at pasasalamat sa ating mga frontliners sa pamamagitan ng simpleng pagsusuot ng face mask at face shield at pagsunod sa social distancing. Malaking bagay po ito para sa kanila,” aniya.

Hindi po nila kakayanin ang laban kung sila lang po ang lumalaban. Kailangan po nila ang tulong ng bawat isa,” ani Malapitan.

Para kay Konsi Vince, ramdam nito na pagod na rin ang mga Frontliners ngayon sa paghahatid serbisyo sa ating mga kababayan. Ngunit ang simpleng parangal at pasasalamat na ipadama sa kanila ay sapat na upang maipakita ang kahalagahan ng ambag nila sa lipunan, lalo ngayong panahon ng pandemya.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large