‘Martial law’ ni Mayor Erap sa mga pasaway na kabataan

November 26, 2018

HINDI ako magtataka kung may mga pabayang magulang na maipakulong si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga susunod na araw.

Gusto ni Mayor Erap na pairalin ang curfew ordinance laban sa mga kabataang gumagala sa dis-oras ng gabi para hindi nasasangkot sa gulo ang mga ito.

Mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. hindi na dapat gumagala sa lansangan ang mga minor de edad. Noong isang linggo, nag-viral ang riot ng mga kabataan sa Sampaloc kaya nagpupuyos sa galit si Mayor Erap na inatasan ang MPD at ang City Security Forces na mahigpit pairalin ang curfew.

Ang maganda sa ordinansa ng lungsod, posible ring maparusahan ang mga nagpapabayang magulang kapag paulit-ulit na nasasangkot sa gulo at palaging nahuhuli sa paglabag sa curfew ang kanilang mga anak.

Nakapagtataka rin naman kasi ang ibang magulang na hindi hinahanap ang kanilang mga anak bago sila matulog.

Noong kami ang mga bata, may takdang oras ang pagtulog namin sa tanghali at pag-uwi sa gabi. Kasama sa sistema namin noong mga 1970s na bago mag-6 p.m. ay umuuwi kami para magdasal ng Angelus.

Sabi nga, mas una pa kaming humahapon sa mga manok. At kapag nakakain na kami ng hapunan at nakapaghugas na ng mga pinagkainan, doon pa lang kami puwedeng lumabas ng bahay subalit doon lamang sa kalsada sa harap ng bahay namin.

Doon lang kami magtaguang pong, patintero or tumbang preso pero hindi kami dumadayo kung saan para makipag-away.

Kaya nga itong direktiba ni Mayor Erap na ipatupad nang husto ang curfew laban sa mga minor ay dapat maramdaman ng mga magulang. Gusto nating may masampulan si mayor para matuto ang mga kabataan na manatili sa kanilang mga tahanan sa dis-oras ng gabi.

Sana nga ay maamyendahan na ang Juvenile Justice Law ni Kiko Pangilinan dahil kinunsinti ng kanyang batas ang mga minor de edad.

Kaya mas lalong naging mapangahas at naging kriminal ang mga kabataan dahil inabsuwelto sila ng batas ni Kiko.

Sobrang dami ng mga kabataang nasasangkot sa mga krimen ang hindi napapanagot sa batas dahil sa kagagawan ng batas na ito.

Kaya nga umaasa tayo na itong curfew ni Mayor Erap sa Maynila ay maging hudyat para pairalin sa buong bansa ang ganitong sistema para masagip natin ang mga kabataan sa tiyak na kapahamakan.

allanpunglo@gmail.com