Maruming pulitika ang sanhi ng mabagal na pag-unlad

October 16, 2019

PULITIKA lang at utak talangka ang dahilan kung bakit mabagal ang development ng ating bansa.

Kung uugatin talaga ang problema ng traffic, lahat naman yan ay produkto ng serye ng kapabayaan at kawalan ng continuity of administration. Magmula nang mawala si Marcos, maraming naka-blueprint na infrastucture projects ang hindi pinatuloy ng Aquino administration.

Basta lahat ng proyekto kahit para sa ikaaayos ng bansa at pakikinabangan ng bayan ay ipinatitigil. Ang mabigat, wala namang ipinalit na alternatibong proyekto.

Iniisip kasi nila na mabibigyan pa ng kredito si Marcos kapag itinuloy ang project. Naging cycle na ito at naaapektuhan ng virus pati sa local governance.

Si Pangulong Duterte lamang ang walang malisya sa lahat ng programa at proyekto ng gobyerno. Kahit proyekto ni Noynoy at ng mga nagdaang lider, ipinatutuloy niya dahil para naman sa bayan.

Sabi nga ni former Budget Secretary Ben Diokno, 50 years behind ang ating infra. Sa mga lokal na pamahalaan, mas talamak ang pulitikahan. Kahit anong proyekto ng  nagdaang administrasyon, ipatitigil ng bagong dating.

Pati iyong arko na nakita niyang pangalan ng dating alkalde, ipatitibag or papalitan ng kanyang pangalan para lang burahin sa mapa ng pulitika. Ang mas malungkot, kapag nalaman ng bagong alkalde na ang isang barangay ay hindi niya supporter, aalisan niya ng proyekto iyon.

Kung may kalsadang ginagawa, hanggang doon lang sa kalaban ang boundary or tatambakan ng lupa para lalo pang mapinsala si kapitan.

Ganoong klase ang utak ng maraming pulitiko sa atin kaya kung inyong mapapansin, mabagal ang pag-unlad ng maraming lugar.

Hindi natin alam kung may pag-asa pang maubos ang ganitong klase ng mga pulitiko dahil naipapamana rin ang ganitong ugali sa mga batang pulitiko, lalo na kung anak ang papalit sa tatay or nanay.

Napakasama ng ganitong ugali na siyang ugat ng kahirapan ng maraming lugar sa atin.

Kung hindi man sa proyekto, dadaanin naman sa mga empleyado. Kapag dumating si bagong alkalde, ang unang gagawin ay tatagpasin sa puwesto ang lahat ng bata ng dating alkalde.

Gagawa ng listahan ng mga hindi niya supporters  para isa-isang alisin sa puwesto. Kahit mga contractual o mga job orders na P7,000 lang ang sahod, sisibakin dahil hindi niya supporters.

Ang mga department heads, kahit pa career officials, dahil hindi niya masisibak, aalisin sa posisyon at itatapon sa kangkungan. Mga ugaling baboy ang ganitong klase ng mga pulitiko na sagabal sa kaunlaran ng ating bansa.

Kung may kapangyarihan lang ako, gagawin kong bato ang mga pulitikong ganito ang ugali para matapos na ang paghahari nila sa masama at maruming pulitika.

Dahil hindi ko naman kayang gawin ito, ang panawagan natin sa mga mamamayan ay ibasura na ang ganitong klase ng mga pulitiko para makausad naman ang ating bayan.
allanpunglo@gmail.com