Home>Editorial>Opinion>Mas dapat papurihan si Sonny Angara kaysa siraan sa pagkakabuko sa presyo ng Sinovac!

Mas dapat papurihan si Sonny Angara kaysa siraan sa pagkakabuko sa presyo ng Sinovac!

TINAPOS na ng Senate committee of the whole noong Biyernes ang kanilang pagdinig kaugnay sa vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Aminado ang ilang senador na nakukulangan pa sila sa impormasyon na kanilang nakuha mula sa Department of Health (DOH) hinggil sa programa pero umaasa pa rin ang Senado na magiging matagumpay ito.

Isa sa hindi naliwanagan sa pagdinig ang tunay na halaga ng mga bakunang balak bilhin ng gobyerno para maipamahagi sa taumbayan.

Kasama na rito ang presyo ng Sinovac na una nang lumabas sa mga balita na pangalawa sa pinakamahal na bakuna na iniaalok sa DOH, batay umano sa datos na nakuha sa tanggapan ni Senador Sonny Angara.

Agad namang nagbigay ng paglilinaw si Angara, chairman ng Senate committee on finance, kaugnay sa mga report. “For the record, those were given by the DOH two months ago during budget hearings in response to senators’ questions,” pahayag ni Angara sa kanyang tweet.

Prices may (or may not) have changed since then. Don’t shoot the messenger,” dagdag pa ng mambabatas.

Ilang bayarang netizens kasi ang agad na naglabas ng maling impormasyon sa social media na si Angara raw ang source ng ‘fake news’ kung bakit nabuko na sobrang mahal ng preso ng Sinovac.

Pero sa mga tunay na nakaalam ng kuwento, ang presyo ng Sinovac ay mismong inihayag ng DOH sa budget deliberations sa plenaryo noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Katunayan, kahit si Senador Joel Villanueva ay nakatanggap ng impormasyong ganito mula rin sa DOH kaya ‘unfair’ para sa mga mambabatas na sila ang buweltahan ng ilang bayarang netizens.

Kung tutuusin, dapat pa natin silang papurihan dahil kung hindi sa ibinigay na impormasyon ni Angara ay hindi mabubuko ang naunang presyo ng Sinovac na pilit nang ibinababa ang presyo nito sa kasalukuyan.

Kung mapapansin, kahit si vaccine czar Carlito Galvez na nagsabing ‘inaccurate’ ang presyong sinasabi ng DOH tungkol sa unang presyo ng Sinovac ay wala naman itong masabi ng tunay na halaga sa dalawang magkakasunod na Senate hearing.

Sa lumabas na report, pinakamurang bakuna ang Novavax na nagkakahalaga ng P366 bawat dose; sumunod ang AstraZeneca, P610; COVAX facility P854; Gamaleya, P1,220; Pfizer, P2,379; Sinovac, P3,629.50 at ang pinakamahal ang Moderna na nasa P3,904 hanggang P4,504.

Inamin ng DOH sa pagdinig na nakapag-secure na sila ng 25 million doses ng Sinovac vaccine subalit iginiit na maaari rin itong hindi ituloy bilhin kung hindi papasa sa Food and Drugs Administration.

Sa ganang akin, hindi dapat isisi kay Angara ang isyu ng mahal na presyo ng Sinovac dahil kung noong una pa lang ay naglabas na ng tunay na presyo ang DOH, hindi na sana pa humantong sa malaking pagdududa ang taumbayan na may nakikinabang sa pag-angkat ng bakuna mula sa China – lalo’t ito ang labis na pinapaburan ng pamahalaan.

Walang dahilan para pagdudahan ang transaksiyon kung noong una pa lang ay transparent na ang DOH sa totoong halaga at nilalaman ng bawat negosasyong kanilang pinapasok para sa bakuna.

Malinaw naman kasi na pera ng taumbayan ang gagamitin dito at kung anu’t anumang mangyari ang taumbayan ang pwedeng makinabang o maperwisyo nang husto.

Buti na lang at may Senator Sonny Angara na may hawak ng pangalan kung sinong DOH official ang nag-report sa kanya hinggil sa naunang presyo ng Sinovac dahil kung hindi ito nabuko ng maaga, malamang ay napagsamantalahan na naman ng husto ang kabang yaman ni Juan dela Cruz.

Na ang masaklap pa ay ginagawa ang pananamantalang ito kung kailan pa mismo may pandemya!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large