Mas peligroso ang malls kaysa construction

KUNG pinayagang magbukas ang mga malls sa mga lugar na nasa GCQ at Modified ECQ, bakit hindi isinama ang mga private constructions?

Bagama't nagsimula na rin ang mga public constructions, hindi ko naman mahanapan ng dahilan kung bakit ayaw payagan ng task force ang mga pribadong konstruksiyon.

Kung may lugar na high risk sa virus spread, wala na sigurong tatalo pa sa mga public transport at mga malls dahil tumpukan talaga ang mga tao dyan. Kaya nga hanggang ngayon ay wala pa ring pampublikong sasakyan.

Pero ang private construction, mas madali nga itong kontrolin dahil karaniwan ay may mga foreman at supervisor sa jobsite. At ang construction, mas kontrolado ang sistema at hindi magkakadikit ang tao kumpara sa mall operation.

Plus, ikunsidera natin ang daan-daang libong mangggagawa nito na dalawang buwan nang walang kayod. Sila iyong mga daily wage earners na kung walang mahahalong semento o malalagareng kahoy, walang kikitain.

Huwag din natin kalimutan na ang private construction ang isa sa malakas na economic engine ng bansa simula sa paghuhukay ng pundasyon hanggang makatayo na ang istraktura ay kumikita ang gobyerno.

Sana lang ay binabalanse rin ng task force at ng mg local executives ang kanilang mga desisyon para mas mabilis na makabangon ang ating ekonomiya.

***

Nasa 20,000 na ang pumasok balik-probinisya program ng gobyerno na brainchild ni Senador Bong Go.

May mga hinatid na sa kani-kanilang lalawigan nitong mga nakaraang araw sakay ng mga bus na libre. Binigyan ng P5,000 transport allowance ang bawat isa kahit libre na ang sasakyan nila, may P15k starting capital sa mga gustong magbukas ng sari-sari store or maliit na negosyo.

Iyong iba naman, bibigyan ng trabaho para doon na sila manatili sa kanilang mga probinsiya.

Maraming nagpasakop sa balik-promdi program ni Senador Go dahil nakita nila ang naging hirap ng walang bahay at walang kabuhayan sa Metro Manila habang nasa ECQ.

Magandang programa ito na dapat magpatuloy para malutas ang extreme poverty na dinaranas ng mga kababayan nating nakipagsapalaran sa NCR matapos iwanan ang kanilang mga bukirin.

Ang susunod na problema lamang dito, kailangang matiyak ng DSWD at ng provincial government na hindi sila mabibiktima ng "estribo gang" na nagpapasakop sa programa pero manloloko lang.

Ang ibig sabihin, kukunin lang lahat ng benepisyo, matapos ang ilang linggo, babalik na naman sa Metro Manila. At ang masakit, magpapalit lang ng pangalan ang iba dyan para makakuha ulit ng bagong benepisyo or worst, hindi na magpapasakop para muling manirahan sa mga ilalim ng tulay.

Kaya importante rin na may safety net ang balik-promdi program na ito. Bukod sa dapat ay may weekly reporting sa barangay ang sinumang bumalik sa probinsiya, kailangan ding regular ang monitoring ng local social workers sa kanilang mga lugar na pinagdalhan sa "returnees."

Iyong mga lalabag at mapapatunayqng bumalik ulit sa NCR, kasuhan na lang sila ng deceit, estafa at "economic sabotage" para sa selda na lang sila manahimik kaysa niloloko nila ang napakagandang programa ng gobyerno para sa mga mahihirap nating kababayan.

allanpunglo@gmail.com