Mas ‘petmalu’ pala si Deo Macalma kay PDuterte!

September 03, 2019

NASA “talyer” pa ang ating sasakyan, mga kabayan, kaya “estilong pasahero” muna tayo sa mga nakaraang araw.

At alam mo ba, Pang. Digong ang “opinyon” ng ordinaryong Pinoy— mga ‘taxi/grab  drivers,’ ‘bus  conductor,’ ‘sidewalk vendor,’ etc., etc.,— sa madaling salita, ng mga Pilipino na “pumusta” at “naniwala” sa iyo noong 2016 elections?

“Panahon” na po para “kalusin” mo (translation— “sibakin” sa puwesto), si Bureau of Corrections (BuCor) director, Nicanor ‘Mang Kanor’ Faeldon.

Kung inaakala kasi ng karamihan sa atin na dahil “abala” sa kani-kanilang paghahanap ng ipangbubuhay sa pamilya ang mga ordinaryong Pinoy, nagkakamali po pala tayo.

Nagkakamali po tayo dahil sa isyu pala nitong ‘GCTA Law’ (RA 10592 o ang batas sa ‘Good Conduct Time Allowance’), Sen. Dick Gordon, “nakatutok” pala ang kahit ordinaryong Pilipino!

Sa nalaman pa natin, interesado sa pagbusisi ng Senado ang mga Pinoy dahil alam din nila na ang isyung ito ay may kinalaman sa tatlong malaking isyu na matagal nang problema ng ‘Pinas at siyang dahilan kung  bakit nila ibinotong presidente si Davao Mayor Rodrigo Roa Duterte— problema sa iligal na droga,  korapsyon at krimen.

At “iisa” lang ang sinasabi nila sa atin, Sen. Christopher ‘Bong’ Go:  dapat  na umanong “tanggalin,” “tsugiin,” “sibakin” “alisin” sa  puwesto itong si Mang Kan, err, DG Nick Faeldon, ahahay!

“Kahit saan talaga ilagay (posisyon sa gobyerno) yang si Mang Kanor, kahihiyan kay Presidente Digong! Bakit ba ayaw pang alisin yan? Bakit ba sobrang ‘lakas’ naman yan kay Presidente,” tanong pa sa atin ng mga miron?

Sa huling tanong, wala tayong naisagot kundi, bakit nga ba, hehehe!

Ano bang “meron” itong si ex-BOC Commissioner Nick, kasamang Vic Reyes, at hindi magawang “bitawan” ng Palasyo? Hmmm.

Katulad din ng ating mga senador, nagpahayag din ng kanilang “dismaya” sa mga naging kaganapan sa BuCor sa ilalim ni Mang Kan, err, DG Nick, ang ating mga miron.

Eh, sino ba ang hindi madidismaya na yung mga drug lords, murderers, rapists, etc., etc., na pulos mga “salot sa lipunan” at “pinaghirapan” at ginastusan pa ng gobyerno na hulihin at ipakulong, palalayain lang pala ni Mang Kanor, asus, ni DG Nick, pagkatapos masentesiyahan ng korte!

Sa pag-amin na rin kasi ni Faeldon, higit 200 na sa mga ‘hardened criminals’ ang “napalaya” niya sapul noong Hunyo, nang lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na dapat gawing ‘retroactive’ ang pagpapatupad ng RA 10592 upang mapaboran ang higit na nakararaming bilanggo.

At kung hindi pa sumabog ang eskandalo sa ginawa niyang “pagpapalaya” kay ex-Calauan, Laguna mayor, Antonio Sanchez noong Agosto 20, “target” pa pala ng BuCor ni Mang Kan, sus, Faeldon, na “palayain” ang may 200 bilanggo kada linggo, sanamagan!

“Mabuti” na lang din, “boss” Deo Macalma ng DZRH, at matapos na “pirmahan” ni Mang Kan, agh, DG Nick, ang ‘memorandum of release’ nitong si Sanchez noong Agosto 20, “tumawag” ka raw sa kanyang tanggapan at “nagtanong” kung “makakalaya” na nga ba itong kinatatakutang ‘political warlord’ ng Laguna?

Ayon pa sa salaysay ni Faeldon sa pagdinig kahapon ng Senado, ang tawag na ito ni ‘Boss’ Deo ang nag-udyok sa kanya upang “ipatigil” ang pagpapalaya kay Sanchez noong araw din na ‘yun.
Translation, PDU30 at Sen. Bong Go?

“Binola” lang pala ni Sen. Bong Go ang madlang  pipol sa isyu nitong si Mayor Sanchez, ganun ba ‘yun?

Dahil “hindi” pala “totoo” ang ibinulgar ni Sen. Bong  Go noong Lunes na ang “personal” na tawag sa telepono ni PDU30 dito kay Faeldon nang sumunod na araw (Agosto 21) ang “dahilan” kung bakit kahit “may usapan” na si Faeldon at ang pamilya ni Sanchez hinggil sa paglaya nito ay “ipinatigil” ni Faeldon ang proseso sa kanyang paglaya?

Kung pagbabatayan nga kasi ang mga tinuran kahapon ni Faeldon, eh, hindi pala dapat kay PDU30 “magpasalamat” ang taumbayan sa pagkaudlot ng paglaya ni Sanchez bagkus, sa isang “haligi” ng ‘mainstream media’ na si Deo Macalma, yeheyy!

At dahil galing mismo sa bibig ni Bucor director, Nicanor Faeldon, na “tawag” nga ni ‘Boss’ Deo ang “nag-udyok” sa kanya na huwag na munang palayain si Sanchez— pansamantala, bagkus pagkaraan ng mga dalawang buwan, batay sa kanyang sinabi sa pamilya nito— wala na rin tayong masasabi kundi, “Mabuhay ka,” Boss Deo!

And yes, “bumawi ka na lang sa “susunod,” Mr. President,  hehehe!