‘Mas ‘radikal’ pa si Digong

January 24, 2020

MULING ipinakita ni Pang. Rody na basta pagmamahal at respeto sa ating bayan at pagsusulong ng interes ng higit na nakararami sa atin ang pag-uusapan, “mas radikal” pa pala siya kumpara sa buong hanay ng mga “radikal,” ang CPP-NPA at ang kanilang kasabwat, ehek, “kakampi” sa ligal na kilusang masa, ang grupong ‘Bayan’ (Bagong Alyansang Makabayan) at ‘Makabayan bloc’ sa Kongreso.

Huwebes kasi ng gabi, narinig natin ang sinabi ni Pang. Rody sa ‘Tadong Unidos na kung hindi nila “ibabalik” ang kinanselang ‘US visa’ ni Sen. Bato dela Rosa, eh, ‘goodbye Philippines’ na ang ‘Visiting Forces Agreement’ (VFA) isang buwan (30 days) simula ngayon.

Ang VFA, mga kabayan, ay isang ‘executive agreement’ ng Ehekutibo ng ‘Pinas at Ehekutibo ng Amerika, na inaprubahan noong termino ni Pang. Erap Estrada (1999).

Ayon sa makakaliwang grupo tulad ng Bayan at CPP-NPA, “mas masahol” pa ito sa dating ‘RP-US Military Bases Agreement’ noong panahon ni Pang. Marcos dahil ang lahat halos ng base militar ng ating AFP ay “puwede” nang gamitin ng mga tropang Amerikano bilang ‘transit’ at ‘temporary bases.’ Sa nasabing tratado, ang mga base-militar ng Kano ay ang Subic, Clark at ilang mga piling lugar sa Tarlac at Baguio.

‘To the credit of the communist,’ wika nga, “humugot ng lakas ng loob” ang ating Senado na ibinasura ang ‘bases agreement’ noong 1991 mula sa kanilang malawak at epektibong kampanya laban sa Imperyalismong US na anila ay “sagka” sa ating pagkakaroon ng “tunay” na pambansang soberenya.

At sa totoo lang, mga kabayan, sinoportahan natin— at patuloy na sinusuportahan— ang kampanyang ito ng Bayan na dapat ay walang mga dayuhang hukbo sa ating pambansang teritoryo, partikular na ang mga tropang Kano na “notoryus” sa pakikialam, hanggang sa punto ng armadong interbensyon sa internal na usapin ng kahit sinong bansa.

Yun nga lang, katulad ng iba pa nilang “pagpupunyagi” at “krusada,” wala namang nangyari sa ano mang inilunsad na kampanya ng Bayan bukod sa “naturuan” ang mga Pilipino na magalit sa gobyerno.

At bagaman nga malaki ang impluwensiya ng kampanyang ‘anti-US bases’ ng mga komunista na nagresulta pa nga sa terminasyon ng RP-US Military Bases Agreement, hindi ang aksyon na ito ng Senado ang nagtulak upang tuluyang umalis ang mga Amerikano sa Subic at Clark.

Ang tunay na dahilan, kung atin pa ring babalikan, ay ang hindi inaasahang pagputok ng Mt. Pinatubo noon ding 1991 kung saan, biglang-bigla, “nawalan ng pakinabang” ang Subic at Clark. At dahil ‘rendered utterly useless’ ang kanilang mga base-militar, aba’y ‘no choice’ si Uncle Sam kundi iwanan— na nakatiwangwang— ang Subic at Clark (mabuti na lang, mayroon tayong Richard Gordon na siyang nanguna sa pagbangon ng Subic).

Sa ginawa pa ring desisyon ni PDU30 na ’30-day grace period’ para sa Tadong Unidos na ibalik ang US visa ni Sen. Bato kapalit ng pananatili ng VFA, “nganga” na naman ang mga “Kaliwa” sa pangunguna nitong ating kaibigan na si Renato Reyes.

Aniya pa, “matagal” na nilang “ipinaglalaban” ang terminasyon ng VFA (totoo naman) at ang ginawang dahilan ni PDU30 (kanselasyon ng US visa ni Sen. Bato) ay pagmamaliit (trivialisation) umano sa mga dahilan kung bakit dapat na itong matigil.

Hehehe, hahaha! Ano ba talaga ang gusto ng mga “kapatid” nating komunista? Ang mawala ang VFA at ang patuloy na pananatili dito ng mga sundalong Kano o ang pananatili ng kasunduang ito?

Aber, sa “tono” pa nga ni ‘Ka Nato,’ parang mas pabor talaga sila sa FVA at mga tropang Kano, peks man kaya ang “kantyaw” ni kasamang Charlie Manalo, talagang ‘consistent in their inconsistency’ itong “tribo” ehek, grupo ng mga “Kaliwa.”

At dahil “nasapawan” na naman ni PDU3O, marahil hindi na nakita ng mga komunista na higit sa pagbabalik ng US visa ni Sen. Bato (na “pinag-initan” ng mga Kano dahil sa pananatili sa kulungan ni Leila de Lima), ang ipinaglalaban ni PDU30 at “mensahe” ng ating Pangulo sa Tadong Unidos ay ito: “hindi” niya lulunukin ang patuloy na pambabastos at pakikialam ng mga Kano sa internal na usapin ng mga Pilipino at ito ay ang problema laban sa iligal na droga.

Sa halos kaparehas na isyu, ang patuloy na pandarambong sa taumbayan ng mga oligarkiya sa kanilang ‘water concession agreement,’ “totoo” rin naman na bago pa man malagdaan ang mga kontratang ito noong 1997, sa panahon ni Pang. Fidel ‘the known Amboy’ Ramos, “tutol” na rin sila dito.

Ang ating tanong ulit: “May nangyari” ba sa inyong kampanya? Wala.  

At kailangan pa natin ang isang Rodrigo Duterte bilang presidente upang wakasan ang malansa, masagwa ang mapagsamantalang mga kotratra natin sa tubig sa Maynilad at Manila Water, tama ba, dear readers.

Sa kahit anong yugto sa ating kasaysayan, palaging andyan ang mga radikal na elemento sa ating lipunan.

‘And to their credit,’ wika nga, tunay na “makabayan” at “para sa bayan” ang mga isyung dinadala nila kaya nga kahit sila mga “radikal” marami pa rin silang “napapaniwala” (at “napapasampa).

‘Yun nga lang, sa yugto ring ito ng ating kasaysayan, hindi malayo na maging ‘irrelevant’ na ang mga ganitong grupo dahil ‘for the first time in our nation’s history, we have a president who is more radical than the radicals,’ yeheyy!

Translation? Mas mainam pa siguro, mga bosing na “magnilay” kayong mabuti at maintindihan na hindi ang pagiging “kalaban” ng gobyerno sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon ang magreresulta sa “katuparan” ng mga “ipinag-iingay” ninyo sa kalsada at sa Mendiola.

Bagkus, ang pakikipagtulungan at pagsuporta sa isang pamahalaan na isinasagawa na ang mga gusto ninyo.

Abangan!