Mas trapik sa SLEX kapag may toll suspension

October 17, 2019

LALONG magtatrapik sa South Luzon Expressway (SLEX) kapag nilibre ang pagdaan dito. Panawagan ng marami ang toll suspension sa SLEX bunsod ng matinding trapik dulot ng pinapahabang Skyway.

Bagamat may punto ang mga motorista na perwisyo sa halip na ginhawa ang kapalit ng kanilang toll fee sa SLEX, hindi makakatulong ang pagsuspindi nito dahil mas maraming motorista ang maghahabol sa walang bayad na highway.

Alam naman natin kung gaano kaadik ang mga Pinoy sa ‘libre’—libreng kanin, libreng sakay, libreng painom. Halos lahat ng libre kakagatin makatipid lamang. Libreng daan sa SLEX? Kakagatin ‘yan. Mas maraming sasakyan, mas matrapik.

Ang toll suspension ay salungat sa ideya na dapat mawalan ng gana ang mga Pilipino na magdala ng sasakyan at sa halip ay gumamit na lamang ng public mass transportation system upang mabawasan ang dami ng mga pribadong behikulo sa kalsada.

May paniwala na sa ganitong paraan, maiibsan ang trapik sa Metro Manila na punong-puno na ng mga kotse dahil na rin sa dami ng mga Pilipino na nagkakaroon ng kakayahan na makabili ng sariling sasakyan.

Sa katunayan, may mga panukala na gawing magastos ang paggamit ng sasakyan tulad ng mataas na multa sa parking o pagkakaroon ng toll fee sa bawat syudad upang madismaya ang ating mga kababayan na gumamit ng sasakyan at sumakay na lamang sa tren, bus, UV Express o jeep.

Ang problema, hindi pa episyente ang ating mass public transportation system tulad ng MRT na kasalukuyang pinuputakte ng problema na nagdudulot ng abala kay Juan.

Isa pa, mahirap ipaliwanag ang panukalang ito sa mga pamilya na nakamit ang pangarap na magkaroon ng sariling sasakyan upang makaranas ng ginhawa sa paglalakbay. Ang tanong, may ginhawa ba ngayon sa paglalakbay sa mga kalsada ng Metro Manila?

Napakasalimuot ang problema ng trapiko sa Metro Manila kaya hindi ito nahihimay at napaplantsa ng gobyerno sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Hindi naman talaga mareresolba ang suliranin kung MMDA lamang ang kikilos. Kailangan ang kooperasyon ng lahat kabilang ang mga motorista.

Kailangan ang pambansang polisiya na tutukoy sa tunay na problema na tila hindi nakikita o pinapansin ng gobyerno at pribadong sektor kaya kung anu-anong solusyon ang inieksperimento ng mga otoridad.

Marahil, ayaw nilang tanggapin na ang problema ay ang mabilis na pagtaas ng bilang ng sasakyan dahil walang batas upang harapin ito. Dahil dito, ang pagpapalawak, pagpapahaba at pagdagdag ng mga kalsada ang kanilang pinagtutuunan ng pansin na kinalaunan ay mapupuno pa rin ng patuloy na dumaraming bilang ng sasakyan.

Buti na lang at may inisyatibo ang gobyerno na pagbutihin ang mass transport system tulad ng sinisimulang subway at mga bagong linya ng MRT  na sana ay agad mapakinabangan ng publiko.  Sana ay mas marami pang pagbabago sa mga pampublikong sasakyan ang maisulong ng pamahalaan upang tuluyang iwanan ng mga Pilipino ang kanilang mga sariling sasakyan sa garahe.

Maraming paraan upang maging episyente at kumportable ang public transport sa bansa at hindi kabilang dito ang toll suspension sa SLEX.

****

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com. God is good all the time!