Masiglang turismo sa Boracay

MAY karapatan na akong batiin ang DENR at ang Duterte administration in general sa ginawa nila sa Boracay.

Sa kauna-unahang pagkakataon at sa matagal na panahon, nakapunta rin ako sa Boracay na masasabi nating Filipino pride.

Tumuloy kami sa Movenpick na nasa zero station,meaning wala sa strip ng pamosong stations 1, 2 at 3. Nasa kategorya rin ng Shangrila ang Movenpick dahil 5 star din at halos magkatulad ang design at istraktura.

Naikot din naman ang mga istasyon na tinatawag at sa tingin ko, maraming dapat ipagpasalamat ang mga taga-Boracay sa Duterte administration kung ano man ang kanilang sitwasyon ngayon.

Una, nagkaroon ng order o kaayusan sa stretch ng mga istasyon na nasa beach front. Wala na iyong mga nakikita natin noon sa mga news na halos sumawsaw na sa tubig ang mga building.

Halos 200 meters na ang layo ng mga pampang sa mga commercial establishments at nagkaroon na rin ng drainage system. Noong bago pa ipasara ni Pangulong Duterte ang Boracay, ang mga walang malasakit na negosyante ay nagkabit ng tubo papunta sa dagat kaya lahat ng waste water nila mula sa banyo, sa lababo hanggang sa kusina ay sa mayamang dagat itinatapon. Kaya nilang sikmurain na kumita lang kahit masira na ang mayamang dagat.

Ang mga building ay nilamon din ang malaking bahagi ng kalsada kaya sumikip at ang basura, walang sistema ang pagtatapon kaya tama si Pangulo na malaking poso negro ang Boracay noong mga nakaraang taon.

Ngayon, nakita natin na visible ang mga pulis at nagkaroon na rin ng mga basurahan sa bawat parte ng istasyon. Ang dating shorelines na nagberde na sa lumot at basura ay mala-kristal na sa linis.

May mga ginagawa na ring malalapad na kalsada na kung bubuwenasin ang mga taga-Boracay ay matatapos sa taong ito.

Sobrang sigla ang Boracay Island, napakaraming turista at talagang mabubuhay ang mga mamamayan doon kapag natuto silang magmalasakit sa kanilang lugar.

Sana lang din patuloy ang mababang crime rate sa Boracay at walang makaisip na saktan o molestiyahin or holdapin at dukutan ang mga turista dahil sobrang laki ng potensiyal ng lugar.

Kailangan, ang mismong mga mamamayan ng Boracay at ang mga negosyante doon ay magkaroon ng solidarity para gawing crime-free and basura free ang kanilang lugar. Marami pa ring mahirap at undeveloped na area ang Boracay subalit sa tingin natin ay magpatuloy lamang ang masiglang turismo at kalakalan, uunlad din ang mga ito.

Pinagmamasdan ko mabuti ang mga mamamayan ng Boracay, sa tingin ko, mahal nila ang mga local at foreign tourist dahil maganda naman ang kanilang pagtrato. Tatalunin talaga natin ang maraming tourist destination sa buong mundo dahil sa totoo lang naman, by heart, mabubuting tao ang mga Pilipino.

Doon sa aspeto ng hospitable, friendly at madaling kausap ang mga Pinoy ay malaki ang ating kalamangan sa maraming lahi kaya huwag natin itong sayangin. Natatandaan natin noong bumagsak ang kita ng Las Vegas, maraming casino ang nagbawas ng empleyado. Pero ang magandang balita, maraming Pinoy ang hindi inaalis dahil nga sa character advantage at work ethics.

Kahit sa Macau, dumanas din ng pagbaba ng kita ang gambling capital ng Asia pero mabibilang sa daliri ang apektadong Pinoy workers dahil magaling nga ang lahi natin.

Kaya nga kung mga positibong karakter ng Pinoy ay ibubuhos natin sa Boracay at sa mga tourist destinations natin, wala na tayong karapatang dumanas ng kahirapan.

Mabuhay ang mga mamamayan ng Boracay at mabuhay din ang gobyerno sa kanilang ginawa sa isla!

allanpunglo@gmail.com