Masungit na doctor sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital

July 24, 2019

HINDI na bago ang reklamo ng mga pasyente sa hindi wastong pag-uugali ng ilang mga doktor, nurse at staff ng ilang mga pampublikong pagamutan maging ang mga ito’y nasa ilalim ng lokal o pambansang pamahalaan.

Madalas ay nagiging trending pa nga sa social media ang mga naipo-post na reklamo ng mga pasyente laban sa ilang mga suplado at bastos na mga doktor, nurse at staff ng mga pampublikong pagamutan na nasa pangangasiwa ng lokal at pambansang pamahalaan.

Tulad na lamang ng nangyari sa 44-anyos na ginang na humingi pa ng referral sa isang local political party sa lungsod ng Maynila upang maipasuri sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa may Lope de Vega St. sa Sta. Cruz ang abnormal menstruation o hindi normal na regla na nagdudulot sa kanya ng matinding sakit ng puson.

Pagsapit niya sa naturang public hospital, ini-refer siya sa Out Patient Department ng Obstetrics and Gynecology (OPD-Obgyne) ward upang maisailalim daw sa trans-vaginal ultrasound o endovaginal ultrasound na isang paraan upang masuri ang reproductive organs ng isang babae.

Pagpasok ng ginang sa naturang ward, isa raw medyo may kabataan pang doktora na makutim o hindi kaputian ang suot na uniporme ang humarap sa kanya pero sa halip na isailalim siya sa endovaginal ultrasound, pap smear o isang uri ng pagkuha ng kaunting tisyu sa kanyang cervix ang isinagawa sa kanya at hindi man lang daw ipinaliwanag kung ano ang kanyang mararamdaman kapag ipinasok sa kanyang kaselanan ang instrumento na gagamitin.

Wala raw pasintabi nang ipasok ang instrumento sa kanya kaya’t sa sobrang sakit ay hindi niya napigil ang mapalahaw ng iyak pero dedma pa rin ang doktora. Naawa raw siguro sa kanya ang isang staff at pinalakas ang kanyang loob at ipinaliwanag ang proseso ng pap smear.  
Dahil sa nangyari, nagkaroon ng trauma ang ginang at isinumpa na ang pagpunta sa naturang pagamutan upang magpasuri. Wala na rin daw siyang planong maghain ng reklamo sa Department of Health (DoH) dahil maaalala lang niyang muli ang masakit na karanasan.

Naalala ko tuloy ang sermon ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga suplado at supladang nurse at staff ng isang pampublikong pagamutan sa kanyang lungsod na nag-viral sa social media na dapat daw ay ibigay ang paggalang at pang-unawa sa mga pasyente at walang pinipiling lahi, relihiyon, kasarian, o antas ng pamumuhay dahil kung may kakayahan lang ang mga ito na gumugol ng salapi, tiyak na sa pribadong ospital na sila magtutungo.

Siguro, panahon na ...para kumilos naman ang DoH upang alamin naman ang serbisyong ipinagkakaloob ng mga doktor at nurse sa mga pampublikong pagamutan na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.

Laban ni  Pacquiao

Nag-enjoy nang husto ang mga residente sa Navotas City, hindi lang dahil sa pagkakapanalo ni Pambansang Kamao Senator Manny Pacquiao sa huli niyang laban kay Keith Thurman kundi dahil libre nilang napanood ang boksing ng live sa Navotas Sports Complex at may libre pang pack lunch.

At kahit kasama ng Team Pacquiao sa Las Vegas, Nevada USA si Mayor Toby Tiangco, ipinaabot pa rin niya ang pagbati, kasama ang buong sambayanang Pilipino, sa tagumpay ni Sen. Pacquiao dahil ipinakita raw ng mambabatas ang tunay na puso ng isang kampeon

Ganito rin ang ipinaabot na pagbati ni Cong. John Rey Tiangco sa Pambansang Kamao at sinabing ang determinasyon ng mga Pilipino na humaharap sa hamon ng buhay ay sumasalamin kay Sen. Pacquiao dahil kahit bata sa kanya si Keith Thurman, ipinakita niyang kaya niyang lumaban at ipanalo ang sambayanang Pilipino.

Text JRT

Dapat sigurong maging mandatory o sapilitan na ang pagkakaroon ng messaging facility o texthotline ng bawa’t lungsod sa Metro Manila dahil napatunayang mabisa ito, hindi lang sa pagsugpo sa iligal na droga kundi pagdakip na rin sa mga wanted person.

Dito nga lang sa Navotas City, ilang ulit ng nasubok ang kahalagahan ng kanilang Text JRT na naging dahilan ng pagkakadakip sa mga kilabot na drug pusher, wanted persons at ibang uri ng iligal na aktibidad na mismong mga taumbayan ang nagsusuplong sa kapulisan.

Kamakailan nga lang ay pinagkalooban ni Mayor Toby Tiangco ng certificates of commendation si Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas at 18 niyang tauhan na nakadakip sa itinuturing na number 1 most wanted person sa lungsod na wanted sa pagpatay at pagnanakaw.

Nadakip ng mga tauhan ni Col. Balasabas si Benjie Balondo noong Hunyo 23 sa bisa ng warrant of arrest sa Bgy.  North Bay Boulevard South Dagat-dagatan dahil sa pagnanakaw at pagpatay sa isang Alexander Ojenar noong Agosto ng 2008 matapos ang halos 10-taong pagtatago.

Nagpasalamat si Mayor Tiangco sa pagkakadakip sa numero unong kriminal sa lungsod at hinikayat ang mga Navoteño na ireport ang anumang kriminal na gawain at tumulong na mahuli ang mga salarin upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644