Masyadong nilalait si Senator–elect Bato dela Rosa!

HINDI ko alam kung likas na sa ating mga Pilipino ang mapang-lait sa kapwa.

Lalo na iyong mga nasa social media ngayon na kung makapanghusga ay kala mo wala silang kapintasan sa katawan.

Iyong iba, makapag-english lang ay pakiramdam nang sila na ang pinakamatalino sa buong mundo.

Nitong mga nakalipas na araw, halos ‘below the belt’ na agad ang atake kay dating PNP chief Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Palibhasa’y nalalapit na ang proklamasyon sa kanya — o naiproklama na kasama ang 12 pang nanalong senador sa nakalipas na halalan — normal lang din sigurong abangan siya ng taumbayan kung ano ang magiging ‘performance’ nito bilang isa sa bagitong senador.

Sabi’y masyadong excited si Bato dahil agad itong nagpapa-interview sa media ilang oras matapos ang bilangan.

Normal lang po ‘yan. Kahit sinong nilalang ay magiging ‘overwhelmed’ sa ganito kalaking tagumpay na ipinagkaloob sa kanya ng Dakilang Maylikha at siyempre ng mahigit 18 milyong Pilipino na bumoto sa kanya base na rin sa pinakahuling partial/unofficial result ng Commission on Elections (Comelec).

Panahon ng kampanya pa lang, tapat nang nagsasabi si Bato na wala siyang karanasan sa pulitika. Inaamin nito na maliban sa kampanya laban sa droga at krimen ay marami pa siyang dapat matutunan sa pagbalangkas ng batas.

Hayagan din ang pagsasabi nito na anuman ang ‘legislative agenda’ ng Pangulong Duterte - basta sa ikabubuti ng taumbayan — ay unang-una na siyang nakasuporta rito sakaling palarin na maging senador.

Natural marami ang nagtataas ng kilay sa sinasabi ni Bato na handa rin siyang kumontra sa Malakanyang kung tingin niya’y may mali ang pinaggagawa ni Duterte sa mga darating na araw.
Kayo man ang nasa kalagayan ni Bato, maglalabas din siya ng ganitong uri ng ‘motherhood statement’ dahil kung aaminin nitong magpapakatuta lamang siya kay Digong, tiyak ay marami pa rin ang babatikos sa kanya.

Damn if you do, damn if you don’t, ika ‘nga!

Walang duda, maraming suwerte ang dumapo kay Bato. Mula sa pagiging dating PNP chief na hindi rin niya akalaing mapupunta sa kanya — tatlong taon na ang nakalipas — ngayon ay isa na siyang mambabatas na hinalhal pa ng taumbayan.

Sa mga hindi nakakaalam, hindi po bobo si Senator-elect Dela Rosa.

Nag-aral din po ito at hindi basta-basta ang rekord nito sa akademya.

Tulad ng Pangulong Duterte, original probinsiyano si Bato na nasubukan munang maging kargador ng isda sa palengke sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur; naging konduktor ng bus at nag-aral nang mabuti sa kagustuhang maiahon sa hirap ang kanyang mga magulang.

Ang ama ni Dela Rosa ay isang tricycle driver. Mula elementarya hanggang high school, madalas nakakukuha ng pagkain bilang baon sa eskuwela si Bato sa tuwing nagpapagawa ng...

...assignment ang kanyang mga kaklase.

Kumuha ng kursong Bachelor of Science in Public Administration si Bato sa Mindanao State University (MSU). Taong 1982 ay nilisan niya ang nasabing unibersidad dahil pumasa siya sa entrance exam ng Philippine Military Academy (PMA) na bibihira lamang ang nakapapasa.

Nagtapos sa PMA si Bato na ipinagmamalaking miyembro ng PMA Sinagtala Class of 1986.
Lingid sa kaalaman ng lahat, si Bato ay may Masteral Degree ng Public Administration. May Ph.D. in Development Administration rin si Bato sa University of Southeastern Philippines.

Maaaring hindi kasing ‘articulate’ ang retiradong heneral kumpara sa mga kilalang pulitiko natin ngayon. Siguro dahil na rin sa kinagisnang lengguahe nito na isang Bisaya. Isa rin ito sa dahilan kaya madalas ay ‘nabubulol’ ang mama sa tuwing magsasalita ng tagalog.

Pero tulad ng sinabi ko, hindi po batayan ang husay ng pagsasalita sa katalinuhan ng isang tao.

Kung ikukumpara natin si Bato sa ibang mambabatas ngayon, hamak naman sigurong mas kuwalipikado ito para maging magaling na senador.

Hindi sa ipinagmamalaki natin si Bato, pero mas gusto ko na ang pagiging prangka nito sa pagsasabing handa siyang sumailalim sa anumang seminar o pagsasanay para maging mahusay na mambabatas.

Hayagan ang pagsasabi nito na magpapaturo siya kina Senador Koko Pimentel at JV Ejercito upang maging kapaki-pakinabang na senador.

Sa panig naman ni Senate President Tito Sotto, sinabi nitong nakahanda ang Senate secretariat sa pagbibigay ng orientation sa mga bagong pasok na senador.