Mataas pa rin ang rating ni Pres. Duterte

BAD news na naman para sa mga nagmamadaling mapabagsak si Pangulong Duterte.

Sa kabila ng kanilang mga black propaganda at paninira sa international community, nakapagtala pa rin si Pangulo ng all time high na 80% satisfaction ratings.

Hindi lang ito mataas na grado, masyado itong mataas para sa isang Chief Executive na tatlong taon nang nasa palasyo.

Sa tingin natin, nakikita ng publiko ang purity of intentions ng Presidente na ayusin ang bansa na pinabayaan ng pasalinsalin na lider.

First time tayo nakakita ng Pangulo na palaging nasa ground zero. Meaning, naroon siya palagi kung nasaan ang problema. Hindi siya nagpapatumpik-tumpik sa kahit anong dumating na problema ng bansa, lalo na kapag apektado ang karamihan.

Kahit masama ang panahon, kahit may kalamidad, dumarating si Presidente Duterte sa mga sentro ng bagyo o labanan.

Kapag tumaas ang presyo ng bigas, mabilis kumilos ang administrasyon, nang magkaproblema sa supply ng tubig agad siyang kumikilos.

Ang problema ng rebelyon at insurgency ay hindi niya binibitawan.

Ang sinimulan niyang anti-drug campaign ay consistent ang intensity, hindi ningas-kugon.

Siya lang ang Presidente na hindi nakikialam sa kontrata ng gobyerno. Delegated ang pagpirma sa kontrata sa department secretaries at sa line agencies kaya walang tiyansa na kausapin siya ng supplier o kontraktor.

Hindi na tayo makakatagpo ng ganitong klase ng lider kaya kailangan natin siyang suportahan hanggang matapos ang kanyang termino. Aminin man o hindi ng mga taong ayaw sa kanya, rare breed leader si Duterte na kahit balikan mo ang kasaysayan ng bansa mula 1898 ay wala pa tayong nabasa na ganitong klase ng lider.

Habang ang iba ay nanggugulo sa pùlitika, pagmasdan nyo ang ating paligid, tuluy-tuloy ang big ticket projects na lulutas sa massive transportation at trapik sa Metro Manila.

Walang tigil ang konstruksiyon ng mga train, mga skyway, mga bagong kalsada, mga bagong airport, mga bagong seaport. Walang pakialam ang Duterte administration sa ginagawang paninira at mga black propaganda basta tuloy lang ang mga proyektong pambayan.

Hindi perpektong lider si Presidente Duterte pero sa tingin ko ay ang uri ng liderato niya ang kailangan ng bansa sa susunod na labing walong taon pa para maayos na talaga ang ating bansa.

Kung sino man ang susunod sa kanya sa 2022, mabigat na obligasyon ang nakapatong sa kanyang balikat kaya dapat maging maingat tayo sa pagpili ng susunod na Presidente ng bansa pagkatapos ni Pangulong Duterte.