‘Matindi’ pa rin ang korapsyon sa BI

“SUPORTADO” natin ang inilabas na pahayag kahapon ng umaga ng Bureau of Immigration (BI), hinggil sa “pagyayabang” sa ‘social media’ nitong isang ‘Xian Gaza.’

Ayon na rin kay BI spokesperson, Dana Sandoval, walang totoo (translation: pulos kasinungalingan) ang “ibinibida” nitong si Gaza na kahit mayroon siyang mga kaso sa ‘Pinas kung saan may “sentensiya” pa nga siyang ‘5-years imprisonment’ ay nagawa pa rin niyang makalabas ng bansa.

Ang “mensahe” ni Gaza? Aba’y “tolonges” o mga “ogags” ang mga operatiba ng BI, ahahay!

Paglilinaw naman ni Sandoval, talaga namang makaaalis ng bansa itong damuhong ito dahil wala naman siya sa ‘watchlist bulletin’ at ‘HDO’ (hold departure order) ng BI kaya, bakit siya pipigilan na makaalis ng ‘Pinas aber?

Sa ginawa namang “paglulubid ng buhangin” nitong si Gaza, ewan naman natin kung makabalik pa siya ng ‘Pinas, dahil “sigurado” naman na “nakabantay” na sa kanya ang BI, hehehe!

‘Yun nga lang, kasamang Itchie Cabayan, sumunod na nakita natin kahapon si Sandoval ay sa ginawang ‘press conference’ ng ‘Presidential Anti-Corruption Commission’ (PACC) kung saan inihayag na “disiotso” (18) na mga opisyal at empleyado ng BI ang iniutos ni PDU30 na suspendihin at imbestigahan dahil naman sa “pangingikil” (robbery extortion) sa ilang mga Koreano sa halagang P9 milyon, aguy!

Kasama ni Sandoval sa nasabing ‘press con’ ng PACC si BI assistant commissioner, Aldwin Alegre na siyang naatasan na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at tiyakin na maipatupad ang kagustuhan ng Pangulo.

Kumbaga, “mahirap” din talagang maging tagapagsalita ng isang ahensiya na notoryus din talaga pagdating sa katiwalian, huhuhu!

Sa panig naman ni Asscomm. Alegre, naniniwala tayo sa integridad ng mamang ito kaya dapat ding magtiwala na gagawin niya ang inaasahan sa kanya sa insidenteng ito.

Na malaki pa rin talaga ang problema ng BI pagdating sa kredibilidad ay pinatunayan hindi lang ng nasabing insidente na inimbestigahan ng PACC, mga kabayan.

Sa naging panayam pa nga natin kay Philippine ambassador to China, Chito Sto. Romana noong Linggo sa ating programang ‘Meet the Press On Air’ sa Radyo Pilipinas, nalaman natin na isa sa mga nakitang ‘loopholes’ kung bakit sandamakmak na ngayon ang bilang ng mga ‘Chinese nationals’ sa bansa na nagtatrabaho ay ang pagbibigay ng BI ng SWP (special work permit) -- kahit sa mga Tsino na dumating dito gamit ang ‘tourist visa.’

Kung paano nga naman nangyari na dumating bilang “turista” subalit biglang naging “manggagawa,” eh bakit nga ba, BI commissioner, Bong Morente, hehehe!

Hindi mo ba “nasisinghot” ang malansang amoy ng korapsyon sa hanay ng iyong mga tauhan sa problemang ito na “binaluktot” na ngayon ng ilang kurimaw upang “ibintang” kay PDU30?

‘Yun bang… ang “pagdami” raw sa ‘Pinas ng mga ‘Chinese workers’ ay dahil sa pagiging “tuta” ni Pang. Digong sa China, aguy, aguy, aguy!

Eh, kung “titingnan” naman palang mabuti, ang nasabing problema ay dahil naman pala sa BI, tsk,tsk,tsk!

Hinggil naman sa malaki pa rin nating problema sa iligal na droga, nalaman natin sa isang kaibigan sa PDEA na kabilang sa kanilang “napapansin,” Comm. Bong Morente, ay itong isa mong opisyal na napansin ng PDEA ay mistulang “tulay” ng mga ‘suspected Chinese drug syndicate members’ para makapasok sa ‘Pinas.

Ayon pa sa ating impormante, “kapansin-pansin” na marami sa kanilang hinihinalang ‘Chinese drug lords’ ay nakakapasok ng bansa dahil umano sa “tulong” ng ‘BI official’ na ito.

Ang tanong siyempre dito, ex-BI intel chief, Charles Calima, eh, “sa magkanong halaga,” hehehe!

Ang ‘bottom line’ dito, mga kabayan? Aba’y para na ring mga korap na pulis itong ibang empleyado ng BI, hindi ba?

‘Yun bang, kahit “dinoble” na ni Pang. Digong ang suweldo ng mga pulis, aba’y may ilan pa rin na ayaw magpaawat sa paggawa ng katiwalian!

Dito naman sa BI, bagaman nga “ibinalik” na ni PDU30 ang kanilang ‘overtime pay’ noon pang isang taon, eh, ganun pa rin, mga korap at pasaway pa rin talaga, tsk, tsk, tsk!

Abangan!