Matutong kumilala, makaalala at magpasalamat

October 14, 2019

BIRTHDAY ko na naman pala ngayon. Kung iisipin lang natin, habang parami nang parami ang ating edad, palapit naman tayo nang palapit sa hukay.

Sa edad na 52, ngayong araw na ito, wala na akong maihihiling pa sa Panginoon dahil alam kong mula pa lamang sa pagkasilang ko, noong bukang liwayway ng Oktubre 15, 1967, sa Mariano Ponce, Bagong Barrio, Caloocan City, ay naipagkaloob na niya sa akin ang biyaya.

Sabi nga, walang dahilan para magalit ka pa sa mundo, para maging masama kang tao, para maging aburido ka sa lahat ng pagkakataon dahil iyon lamang pagkagising mo sa umaga ay isa nang basbas ng Diyos.

Maraming dapat ipagpasalamat ang isang tao na madalas ay hindi natin nakikita. Pakiramdam natin ay iniwanan na tayo ng Panginoon dahil sa mga kahilingang hindi naibibigay sa atin.

May mga taong sa Diyos sumasandig sa lahat ng pagkakataon pero may mga tao din pala na hindi naniniwalang may Diyos.

Sa bahagi ko, masyadong malalim ang aking paniniwala sa Diyos, alam kong mayroong Supreme Being na may kontrol ng lahat. Dito ako sumasandig, dito ako madalas humuhugot ng lakas.

Maaaring magkakaiba tayo ng relihiyon, magkakaiba ng paniniwala subalit ang magkaroon ng isang diwa tungo sa pananampalataya ay sapat na para ikaayos ng ating mundo, ika nga, peaceful coexistence.

Kapag may mga ibang relihiyon na umiimbita sa akin na sumapi, iisa lang aking sinasabi: para lang tayong sakay ng magkaibang bangka pero sa iisang ilog lamang tayo sumasagwan.

Kung may tinatawag na “gifted child”, ako na siguro iyon. Hindi genius ang ibig kong sabihin. Palagi ko ngang ipinagmamalaki sa pamilya ko at sa aking mga kaibigan na “malakas” ako sa “taas” dahil sanggang-dikit kami ng Panginoon.

Mula sa pagkamusmos, wala pa akong dasal na hindi ko nakamit kaya palagi kong nasasabi na “bagyo” ako sa Panginoon. Sa edad kong ito, pinanday na ako ng hirap sa maraming pagkakataon pero puwede kong sabihin na “skyway” lang pala iyon ng Diyos para marating ko kung nasaan man at ano man ako ngayon.

Kaya nga sa mahabang panahon, ang laman na lamang ng aking dasal ay pasasalamat. Naalala  ko tuloy iyong  homily ng pari nitong Saturday anticipated mass.

May sampung may ketong raw ang napagaling ng Panginoon pero nang lumaon, isa lamang ang bumalik para magpasalamat. Iyong siyam, hindi na nakaalala dahil magaling na sila.

Kung mayroon mang aral sa aking kaarawan, tugma ang  homily na iyon dahil kailangan daw nating matutong “makaalala”, “kumilala” at magpasalamat.”

Iyon lang naman ang sangkap ng mabuting landas, ang magkaroon tayo ng oras na magpasalamat sa maliit man o malaking biyayang ating natatanggap sa kahit anong anyo at sa kahit anong paraan.
Happy birthday to me.

allanpunglo@gmail.com