Mauna na kayong matodas!

JULY 1, 2016 pa lang may mga  grupo nang nagpakalat na may cancer si Pangulong Duterte.

Doon na umikot ang buhay ng maraming tao na walang ginawa kung hindi abangan ang pagkamatay ng Presidente.

Hindi na nila tinigilan ang tsismis kaya sa tuwing hindi makikita si Mayor Duterte sa mga public events, mayroon na agad  na  “hashtagnasaanangpangulo.”

Habang ang mga katulad namin ay gabi-gabing nagdarasal na manatiling maayos ang kalusugan ni Mayor Duterte para sa kabutihan at kapayapaan ng bansa, iyong ibang tao naman ay palaging may hawak na itim na kandila para madaliin ang pagkamatay ng lider ng bansa.

Mag-ingat tayo sa mga ganitong tao dahil walang iniisip ang mga ito kung hindi makapuwesto!

Ang akala pala nila, kapag namatay si Duterte ay magiging maayos ang bansa. Hindi nila alam na posibleng magkagulo kapag natupad ang pangarap nilang matigok ang Presidente nang wala sa panahon.

Iyong mga buwitre na palaging nakaabang na sumunggab ng kapangyarihan ay hindi naman mabuti ang intensiyon sa bayan. Tapos sila ang gustong matodas ang Chief Executive!

Hindi nyo ito napapansin pero dahil sa kakulitan nyong “mamatay” si Presidente, lalo niya kayong pinaglalaruan. Sa tingin ko, sinasadya ni Mayor Rody na biglang mawala sa paningin ng publiko ng ilang araw para lumutang na naman ang mga gutom sa kapangyarihan.

Pinapanood lamang kayo ni Mayor Rody sa tuwing nagpapakalat kayo na nadedbol na siya. Kung hindi nyo kakilala si Mayor Rody at hindi nyo nakakausap ang mga taong nakapaligid sa kanya, baka nga puwede yang mga espekulasyon nyo na sakitin siya.

Hindi nyo nahahalata, sa tuwing hinog ang espekulasyon na natodas ang Pangulo, bigla siyang lalabas na mas malakas pa sa kabayo at inaasar kayo!

May mga nakakausap akong malapit sa Presidente kaya natatawa na lang ako kapag may nag-uunahang magbalita na namatay na siya or naka-confine sa ospital.

Sabi nga ni Presidente sa tuwing may mga tsismis na may sakit siya, “bakit lolo nyo buhay?” Sino raw ba ang 74 years old ang kahit paano’y walang sakit?

Bottomline, lahat naman tayo mamamatay. Ang mabigat lang, may mga taong nagmamadaling “kunin na ni Lord” si Presidente.

Gusto nyong mamatay ang Pangulo na nag-aayos ng mga problema ng bansa na nilikha ng 30 years ng kapabayaan?

Bakit hindi na lang kayo ang maunang matodas dahil wala naman kayong ginawa sa bayang ito kung hindi manggulo?
allanpunglo@gmaiil.com