Home>Editorial>Opinion>May bagong pag-asa sa migranteng Pinoy!

May bagong pag-asa sa migranteng Pinoy!

NAKAKITA ng ‘liwanag,’ pag-asa at labis ang pasasalamat ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan sa inilabas na pahayag ng Saudi Arabia government na sa darating na March 2021 ay mas paluluwagin na ang ‘sponsorship system’ o iyong tinatawag na ‘kafala system!’

Sa ilalim ng nasabing sistema, hindi basta makaaalis o makalilipat ang mga empleyado ng walang pahintulot ng kanilang mga amo. Dahil sa bagong “Labor Relation Initiative” sa Saudi Arabia, mas magkakaroon na ng kalayaan o ‘job mobility’ ang mga migranteng manggagawa!

Umabot sa kabuuang 865,121 OFWs ang nasa Saudi Arabia sa ngayon at ayon na rin sa Department of Foreign Affairs (DFA), matagal nang pahirap ang “kafala” system’ na umiiral sa mga bansa sa Middle East.

Ipinalalagay na ang sistemang ito ang ugat ng maraming kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa marami nating kababayan lalo na iyong mga “domestic helpers.”

Bilang kampeon ng OFWs na humakot ng napakalaking suporta noong nagdaang presidential elections, naging malaking hamon para kay Pangulong Duterte ang problemang kinakaharap noon ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa abroad.

Kung matatandaan, inihayag ni Pangulong Duterte noong 2018 na hindi maaaring ituring na alipin ninuman ang bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo. Sinabi ito ilang araw matapos matuklasan ang bangkay ng OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis na nakaranas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang amo. Naging dahilan din ito ng panandaliang pagpapahinto ng pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait at paglulunsad ng malawakang repatriation na gustong umuwi ng Pilipinas.

Sa panahong ito, si dating Speaker Alan Peter Cayetano ang nakatalagang pinuno ng Department of Foreign Affairs at hindi maikakaila ang markang iniwan nito sa departamento na ngayon ay nakikita natin ang magandang bunga at resulta.

Tumindig ang pamahalaan ng Pilipinas para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kawawang Pilipina sa kamay ng mapagsamantala at malupit na mga amo saka sinimulan ang matinding kampanya para sa mas maayos at patas na pagtrato sa mga migranteng obrero.

Noong panahong iyon ay kasagsagan din ng negosasyon ng bansang Pilipinas sa pagbuo sa Global Compact of Migration, na kauna-unahang United Nations Global Agreement na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan at karapatan ng mga migrante sa buong mundo.

Malinaw ang direktiba ng Pangulong Duterte nang maupo sa DFA si Alan: “Huwag pabayaan ang mga OFWs na nasa gitna ng panganib at itaguyod ang kanilang karapatan at kaligtasan sa ibang bansa!

Naging kontrobersyal ang mga kumalat na video na nagpapakita sa “rescue operations” ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait. Sa ginawang pagligtas sa mga kasambahay na inaabuso, hindi ikinatuwa ng gobyerno ng Kuwait ang ganitong mga gawain dahil tila paglabag ito sa kanilang soberenya.

Noong kasagsagan ng isyu tungkol sa pagkamatay ni Demafelis at paglabas ng kontrobersyal na video ng rescue operasyon, hindi nagpatinag si Cayetano. Maraming bumatikos sa kagawaran at mga opisyal ng embahada noong panahong iyon ngunit mas nanaig sa kanila ang kagustuhan na maisalba ang mga naaapi at nanganganib na mga OFW.

Kilala si Cayetano sa kanyang paninindigan at pakikipaglaban sa mga naaapi. Madalas niyang sinasabi na “kapag may mali at may inaapi, labanan at kapag tama, dapat ipaglaban!

Hindi naman binigo ni Cayetano si Digong dahil pagkatapos lamang ng tatlong buwan pagkatapos na maiuwi ang bangkay ni Demafelis sa Pilipinas ay napirmahan na ang bagong “Agreement on the Employment of Domestic Workers” sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas.

Para sa DFA, itinuturing nilang matamis na tagumpay para sa Pilipinas na malaman na sunud-sunod na ang pagluluwag ng ‘kafala system’ sa maraming bansa sa Gitnang Silangan na ang pinakahuli ay ang Saudi Arabia.

Sa liderato ni Cayetano, nagsimula ang pagsusulong ng DFA ng mga mahahalagang probisyon laban sa “kafala system” sa isang International Agreement na tinawag ng Global Compact for Migration o GCM.

Para kay Cayetano, ang laban sa pang-aabuso at pananamantala sa mga OFW ay hindi maaaring masolusyunan ng Pilipinas bilang isang bansa lamang kaya’t kailangan magkaroon ng katuwang ng ibang bansa upang mas maging pangmatagalan ang solusyon.

Sa 73rd United Nations Assembly sa New York noong 2018, sinabi ni Cayetano na ang diskusyon tungkol sa isyu ng migration ay dapat magkaroon ng “open, frank at thorough” para makapaglatag ng mas komprehensibong inter-governmental negotiated compact na magtitiyak sa proteksyon ng mga migranteng manggagawa laban sa exploytasyon at pang-aabuso.

Hindi biro ang ginawang kampanya ng Pilipinas upang mahimok ang ibang bansa na suportahan ang mga probisyong tutugon sa problema ng kafala. Dahil sa tiyaga at pursigidong trabaho, noong December 2018, inaprubahan ng 152 na bansa ang Global Compact of Migration kabilang ang mga bansa sa Gitnang Silangan.

Kahanga-hanga ang ipinakitang tapang at malasakit ng Duterte administration – lalo na iyong nasimulan ni Cayetano sa DFA dahil alam nating lahat na ang laban sa ‘kafala system’ ay para sa kapakanan ng migranteng Pilipino!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large