Home>Editorial>Opinion>May kasalanan nga ba sila Liza Soberano at Catriona Gray?

May kasalanan nga ba sila Liza Soberano at Catriona Gray?

KUNG ako ay isang ordinaryong Juan, hindi kilala, walang pumapansin, okey lang akong magsalita kahit saan ko magustuhan.

Ibang usapan na kung ako’y isang actor o may impluwensiya dahil may publiko na nakatingin sa akin at may mga kabataan nang posibleng gumagaya sa aking mga gagawin.

Sa isyu ng pagsasalita ng actress na si Liza Soberano sa webinar ng Gabriel at ang kahalintulad na pagkilos ni 2018 Miss Universe, sa tingin natin ay kaso lang ito ng kakulangan ng sapat na kaalaman.

Naniniwala tayong walang malisya sa bahagi ng dalawang famous ladies sa pagsusulong ng women’s right nang nakatungtong sa Gabriela. Hindi makatarungan na tukuyin sila ng AFP bilang kabahagi ng mga rebelde.

Wala naman sigurong kokontra na dapat talagamg iniingatan at ipinaglalaban ang mga kababaihan sa anumang harrassment, pagsasamantala o ano pa mang sisikil sa kanilang karapatan.

Ang maging vocal sa isyu, lalo na’t gamit ang mainstream media, social media, public forum or webinar for that matter, ay hindi maituturing na rebelyon. Kung ang pagsasalita nila Liza at Catriona ay itinago sa mga “rebels nest” or nagsimula na silang mamigay ng mga leaflets or sumama sa pagsasabit ng mga anti-government streamers na humihikayat ng rebelyon, ibang usapan na iyon.

Kung may kasalanan man sila Liza at Catriona, sa tingin ko ay “walang malisyang kamangmangan.” Dito na papasok ang pangangailangan ng sapat na pag-aaral sa mga isyu bago magpapaunlak sa mga imbitasyon.

Ang Gabriela ay isang women’s advocate group at katunayan, tinanggap sila bilang party list sa Kongreso. Ergo, hindi sila matatawag na rebelde. Ang sinisipat ng AFP, ng PNP at ng gobyerno sa pangkalahatan ay mga grupong kinaaaniban ng Gabriela.

Ito iyong sinasabi natin na importante rin bilang mga sikat na tulad nila Liza at Catriona na maging maingat. Tingin ko, iyon lang ang mensahe ng AFP General Parlade.

Double edged sword kasi ang kahulugan ng katagang “mag-ingat”, lalo na kapag nakauniporme ang nagsasalita. Hindi ito katulad ng Ingat ka Babe na puspos ng pagmamahal.

Dahil naka-military uniform si Parlade, tapos nagsalita sa Gabriela ang mga aktres, iba na ang dating ng salitang “mag-ingat.

Kung ako naman ang magpapayo kina Liza at Catriona bilang hindi nakauniporme at “small dark and handsome” sabi ng nanay ko, ingat din talaga kayo babe kasi, wala namang masama sa women’s right advocacy pero dapat choose the right medium and choose the right fora para naiiwasan ang anumang kontrobersiya.

Bukas ang merkado ng talakayan, malaya tayong makapagpapahayag ng anumang saloobin natin laban sa pamahalaan basta’t tiyakin nating nasa tono o nasa tiyempo ang ating mga sinasabi at kung saan natin ito sasabihin.

Peace on Earth, goodwill to all men. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV