May monopolya sa Philippine Statistics Authority?

GALIT ang ilang kongresista hinggil sa kapalpakan na nangyayari sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay House Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, magpapatawag siya ng ‘congressional inquiry’ sakaling mabigo si PSA chairman Dennis Mapa na maipaliwanag kung bakit biglang nawala ang operasyon ng PSA Helpline na malaking tulong sana sa ating mga kababayan.

Ang PSA Helpline (NSO hotline) ay solusyon sana para tugunan ang pangangailangan ng mga taong gustong makakuha ng kanilang birth, marriage at death certificate; gayundin ang tinatawag na CENOMAR o certificate of no marriage.

“I think that is not right. They are depriving ordinary citizens of good basic service from the national government. This is contrary to pronouncements of President Rodrigo Duterte that all government agencies should provide fast and efficient service to Filipinos and cut the red tape. I am considering to request for a legislative inquiry on this matter,” ani Pimentel.

Sinabi ni House Assistant Majority Leader and Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo na dapat malaman kung naibibigay pa ba ng maayos ang tamang serbisyo sa taumbayan, lalo’t tinanggal ang ganitong uri ng helpline.

“We must get to the bottom of it why a tested, efficient and corruption-free practice shall be shelved. They must be ready to explain, otherwise their decision would be tainted. It was reported before that National Statistics Office application has been a source of graft from brokers, peddlers and solicitors,” ani Hipolito-Castelo.

Para kay Anak Kalusugan partylist Rep. Mike Defensor, dapat tugunan agad ng mga namamahala sa PSA ang kabi-kabilang sumbong na ipinupukol sa kanila.

“I don’t exactly know what the problem of the PSA is but they should fix this as soon as possible for the convenience of the public. Also, as a public agency serving thousands of people everyday, they should have made a proper announcement or at least an explanation regarding this. The public deserves that,” sabi pa ni Cong. Mike.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si PBA Party-list Rep. Jericho Nograles sa PSA dahil siya mismo ay dati nang tumatangkilik dito.

“I am awaiting the PSA’s explanation on how they intend to match or provide better service and convenience to the public. Otherwise, if they just stopped without thinking about the hassle to the public, then that is definitely a disservice to the public,” giit pa ni Nograles.

Enero 4, taong kasalukuyan, nang ipahinto ni Mapa ang ganitong uri ng serbisyo ng PSA.

Ibig sabihin, kung dati ay hindi na sila pumipila pa para kumuha ng mahalagang dokumento sa PSA dahil tumatawag lamang sila sa PSA Helpline, ngayon ay balik sila sa makaluma at magulong sistema ng pagproseso ng kanilang pangangailangan.

At bago malito ang lahat. Mayroon pa ring hotline ang PSA ngayon. Ito ang tinatawag na PSA Serbilis.

Nakapagdududa ang biglaang desisyon na ito ng PSA para tigbakin ang PSA Helpline na mas kilala kumpara sa PSA Serbilis.

Ako mismo ay kailan ko lang nalaman na mayroong PSA Serbilis pala.

Pero nang mag-tsek tayo, pareho na pala silang 10 taon na nagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan.

Ang catch nga lang, mas popular, mas kilala at mas tinatangkilik ng taumbayan ang PSA Helpline kaya bakit sisibakin ang isang grupong epektibo namang nagbibigay serbisyo sa bayan?

Wala akong naririnig na reklamo sa PSA Helpline at kung mayroon man, wala rin tayong nalalaman na nagsagawa ng pormal na imbestigasyon para sa kanila.

Ayaw kong isipin na mas pinapanigan ni Mapa ang kontratista ng PSA Serbilis kaya tinanggal ang PSA Helpline.

At lalong ayaw kong isipin na ultimo sa PSA ngayon ay mayroon na ring sariling monopolya.

Kasi, ang Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsabi na kahit katiting na sumbong lamang kontra korapsiyon ay hindi siya mangingiming manibak sa puwesto ng mga tiwaling government officials.