May nanalo na!

December 05, 2019

HALOS isang linggo pa ang ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa bansa, subalit ngayon pa lamang ay malinaw na ang magiging champion at yan ay walang iba kundi ang Team Philippines.

As of 9 a.m. kahapon December 5, nakamit na ng Pilipinas ang kabuuang 119 na medalya na kinabibilangan ng 56 na gold, 41 silver at 22 bronze.

Ang dami ng ating gintong medalya ay doble kumpara sa 27 ginto ng pumapangalawa sa atin na bansang Vietnam.

Sa unang araw pa nga lang ng kompetisyon, naungusan na ng Team Philippines ang kabuuang 24 medalyang ginto na nakuha natin sa 2017 SEA Games na ginanap sa Malaysia.

Sa ating nakikita ngayon, maliwanag na dapat nating bigyang parangal ang pagpupursigi ng mga organizers at sports officials sa ating mga atleta na muling makuha ang overall title sa SEAG na naibulsa ng Pinas sa 2005 SEA Games na ginawa rin noon sa ating bansa.

Noong 2005, 112 gold medals ang nakuha natin at maaari itong higitan pa sa nagaganap ngayong 30th SEA Games.

Kung susuriin natin, matapos ang pagiging overall champion ng Pilipinas noong 2005, mistulang tumamlay ang pagsungkit natin ng ginto.

Noong 2007, 41 gold medals lamang ang naipanalo;  38 gold medals noong 2009; 36 gold medals noong 2011;  tig-29 gold medals noong 2013 at 2015 at 24 gold medals lamang noong 2017.

Tayo ay umaasa na mababaligtad ang performance natin sa SEA Games dahil inspirado at ganado ngayon ang ating mga manlalaro dahil sa suporta na ipinapakita sa kanila ng gobyerno.

Ngayon lang kasi nangyari sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tulong ni Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) President at House Speaker Alan Cayetano na nagpagawa ng mga Olympic standards sports venues tulad ng sports stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac bukod pa ang todong suporta na ibinibigay sa mga atleta.

Ayon na mismo sa mga atleta, inspirado silang makipaglaban sa kani-kanilang sports events dahil sa suporta sa kanila ni Pangulong Duterte at sambayanang Pilipino.

Ganado rin ang mga atletang Pinoy dahil dumarayo ang mga  kababayang Pilipino sa iba’t-ibang sports venues upang manood at mag-cheer sa kanila.

Kabilang na dito ang matinding pasabog na opening ceremony sa Philippine Arena at ang nakakabinging hiyawan at palakpakan ng mga manonood nang pumarada na ang mga atletang Pinoy.

Kaya naman, maging ang OCA o Olympic Committee of Asia ay napabilib sa hosting ng Pinas sa SEAG at hinikayat ni OCA Vice President Jizhong Wei ang Pilipinas na mag-bid para sa 2030 Asian Games.

Aba, magandang oportunidad na naman sa Pilipinas kung tayo na rin ang mag-host sa Asian Games sa 2030.

Good luck at ngayon pa lamang ay congratulations na sa Team Pilipinas! Tunay na #WeWinAsOne #ProudPinoy