May respeto at tiwala kay Bureau of Customs Chief Rey Guerrero

January 23, 2019

MARAMING naniniwala na kung magtuloy-tuloy ang magandang pamamalakad ni Customs Commissioner Rey “Jagger” Guerrero ay siguradong mananatili siya sa puwesto hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rody Duterte sa 2022.

Ang ibig sabihin nito ay meron pa siyang mahigit tatlong taon para pamunuan ang Bureau of Customs.

May mga nagsasabi nga na baka mapantayan o mahigitan pa ni Guerrero ang magandang record nina dating BoC chiefs Ramon Farolan at Guillermo Parayno.

Kagaya ni Guerrero, sina Farolan ng Philippine Air Force at Parayno ng Philippine Navy ay produkto ng Philippine Military Academy.

Si Guerrero naman ay galing ng Philippine Army at naging AFP chief of staff pa.

Ang unang dalawang hepe ng BoC ni Pangulong Duterte ay sina Nicanor Faeldon ng Philippine Marines at Isidro Lapeña ng Philippine National Police.

Sina Faeldon at Lapeña ay hindi nagtagal sa Aduana dahil sa pagpasok sa bansa ng kilo-kilong shabu.

Ayon sa mga balita, mukhang maganda ang relasyon ni Guerrero sa mga waterfront stakeholder.

Pati nga ang mga opisyal at empleyado ng BoC balitang kuntento sa palakad ni Guerrero.

Hindi lang pala magaling sa “giyera” si Sir Jagger.

Naipapakita niya rin na mahusay din pala siyang mamuno sa isang civilian office na kilalang pinamumugaran ng mga “makamandag na ahas.”

Iisa lang ang ibig sabihin nito.

Ang mga waterfront stakeholder ay may respeto at tiwala kay Commissioner Guerrero.

* * *

Meron na palang “10-point reform program” si Customs Chief Rey “Jagger” Guerrero.

Ipapatupad sa taong ito, ang programa ay naglalayong i-address ang mga problema sa Aduana.

“We are taking the lessons learned and putting them to work, for the development of the bureau in the short-term and over the long haul,” ayon kay Guerrero.

Sinabi pa ni Guerrero na ang programa “would open a new chapter for improved operations (by the BoC) as an institution and better performance (of its personnel) as  professional individuals.”

Habang binabalangkas ang programa ay kinonsulta niya ang mga waterfront stakeholder.

Ito’y para malaman ni Guerrero ang mga rekomendasyon at opinyon ng mga nagtatrabaho sa Aduana.

Alam ni Heneral Guerrero na mahalagang marinig ang mga hinaing at saloobin ng mga taga-waterfront community.

Sa ilalim ng programa, balak ni Guerrero na i-fill-up ang mga bakanteng plantilla position.

Pero niliwanag niya na ang kukunin lang niya ay yong mga “capable” at “committed” na personnel.

Balak din ni Guerrero na magbigay ng incentives at rewards sa mga deserving na kawani ng BoC.

Ang mga karapat-dapat na lingkod-bayan ay dapat ma-promote para lalo silang ganahang magtrabaho.

Saludo kami dyan Comm. Jagger! 

* * * 

Sa tingin natin ay hindi na uubra ang pamimili ng boto sa darating na eleksyon sa Mayo 13.

Sa nakikitang kawalanghiyaan sa ilang opisina ng gobyerno ay gising na ang mga botante.

Hindi na makakapanloko ng mga botante ang mga walang kwentang kandidato.

Tatanggapin nila ang pera pero hindi sila iboboto.

Hindi sila tanga para malinlang muli.

Kapag ibinoto mo ang namimili ng boto ay parang kumuha ka ng martilyong ipupukpok sa ulo mo.

Sa tingin natin ay tapos na ang mga maliligayang araw ng mga namimili ng boto.

Tama lang ito para naman mawala na sa gobyerno ang mga bugok na opisyal.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagayblang ang huong pangalan at tirahan.)