Home>Editorial>Opinion>May sikreto ba ang tagumpay?

May sikreto ba ang tagumpay?

KARUGTONG ito ng isinulat kong isyu tungkol sa mga naging raket ko sa panahon ng aking kamusmusan.

Iyong pagiging batak ko sa trabaho noong bata pa ako ang naging padron o pattern ng karera ko hanggang makatapos ako ng kolehiyo sa kursong AB Masscom.

Ikaw na ba naman ang maging laman ng kalye. Pero iba ang istilo naming mga batang laman ng kalye noon, wala sa bokabularyo namin ang maging snatchers, maging mandurukot, magbukas-kotse or suminghot ng rugby.

Mga produktibong kabataan kami dahil talagang nagtatrabaho para kumita at hindi makapinsala ng kapwa. Hindi kami nakaisip mamalimos at sa halip, magwawalis kami ng sahig ng jeep para kumita ng 25 cents.

Ang kagandahan nga sa akin, iyong kita naman namin ay sarili lang naming pera hindi inutusan ng mga magulang or talagang gawing hanapbuhay. Natandaan kong minsang umuwi ako galing sa pagwawalis ng jeep, binibigay ko iyong pera ko sa nanay ko para pambili ng bigas hindi naman tinanggap pero natuwa siya.

Naikuwento ko na sa nakalipas na kolum ang mga raket ko noong kabataan ko pati na ang guerilla style na pagtitinda ko ng pan de coco sa CMT/ROTC tuwing Linggo sa Lyceum, Manila.

Noong 3rd year college ako, naging working student naman ako bilang correspondent ng Abante mga taong 1989. Maigsi lang ang karera ko sa Abante dahil nang magkaroon ng recruitment sa bubuksang diyaryo, kasama ako sa binulungan para lumipat.

Hindi naman ako regular employee at ang naging suweldo ko sa Abante that time ay per column inch. Natatandaan ko ang una kong sahod na ipinang-treat ko pa sa mga kapatid ko at nanay ko ng Mogoosse Pizza ay P750.

Working student nga lang, raket-raket lang sa Abante kaya nang alukin ako ng P2,500 monthly salary, naengganyo akong lumipat. Pero bago iyon, may isang opisyal ng Abante noon na inimbita ako para magmeryenda sa “Chinos panciteria” ba iyon sa baba ng opisina namin sa Quezon Avenue, Quezon City

Sinabihan ako na malaki ang aking potensiyal at maganda ang future ko sa kompanya dahil marunong at magaling daw ako sumulat. Manatili raw ako sa Abante at kung maari ay ibigay ko ang mga pangalan ng nag-recruit sa akin at sinu-sino ang mga aalis sa kompanya. Iyon na mismong araw na iyon, after ng aming meryenda, nagsumite na ako ng resignation sa Abante.

Fast forward, hindi rin nagtagal, na-promote akong deskman sa Lider na diyaryong pag-aari ng apo ng sikat na alkalde. Kaka-graduate ko lang sa college nang ma-promote ako. Ang deskman ay junior editor.

Hindi ko naman inaasahan ang promosyon at lalong hindi ko tinarget. Basta ako, nagtrabaho lang, walang agenda. Hindi ko rin namalayan na under observation na pala ako dahil bukod sa mabilis akong gumawa ng istorya, malinis talaga ang kopya ko, political man, police story or feature article kaya naging paborito ako ng mga editor sa Abante at sa nilipatan kong Lider.

Iyon lang, kasabay ng promosyon ay magkakaroon ka talaga ng friction nang hindi mo namamalayan sa mga kapwa mo empleyado. Iyon palang mas senior sa akin na mga reporters na nalagpasan ng promosyon ko, nagkaisa at nanghikayat pa ng mga bagong empleyado para ipetisyon at kuwestiyunin ang aking promosyon.

Pinatatanggal din ng mga petioners ang pangalan ko sa staff box na naka-publish sa diyaryo. Allan L. Encarnacion- deskman.

Bagong graduate lang daw ako sa college at relatively bagong reporter pa lang na may gatas pa sa labi. Nagkaroon ng emergency meeting ang kompanya, ipinatawag ang lahat ng pumirma sa petisyon para magkaharap-harap at maayos ang isyu.

Simple lang ang naging takbo ng depensa ng management sa promosyon ko, binanggit sa meeting ang work attitude, palaging present kahit lumilindol, bumagyo man, bumaha sa buong Metro Manila, marunong gumamit ng computer (makinilya pa kasi noon), nauutusang mag-edit ng mga editors at magaling sumulat.

Natapos nang maayos ang meeting kahit may mga masama ang loob. Fast forward ulit, nagsara ang Lider after few years, kinuha naman akong editor ng Daily Balita. Medyo mataas na ang posisyon ko, News Editor na.

Sabi nga, dadalhin ka talaga kung saan ang agos ng tubig. Habang News Editor na ako, iyong mga nawalan ng trabaho sa nagsarang Lider na kasama sa mga petitioners, nag-apply silang lahat sa Daily Balita at talagang pinagtagpo kami ng tadhana.

Nasa akin ang power to hire and fire bilang News Editor dahil ako ang mag-interview sa applicants at ako rin ng magrekomenda sa management kung tatanggapin sila.

Sweet revenge, tinanggap ko lahat ang nag-apply at kahit isang salita tungkol sa ginawa nila sa akin sa Lider ay hindi ko na binanggit. Nagpatuloy ang ganoong cycle, sa tuwing malilipat ako ng kompanya, mataas pa rin ang posisyon ko hanggang maging Managing Editor. At iyong mga nagpetisyon laban sa akin, sumusunod pa rin kahit saan ako mapunta.

Hindi ito self-serving na kuwento lang, isinusulat ko lang ang mga karanasan ko ngayong pandemic para kahit paano’y makapagbigay ng munting leksiyon sa marami nating kababayang posibleng dumaan din sa ganitong career path.

Wala talagang sikreto ang tagumpay maliban sa totoong pagsisikap, pag-aaral, pagmamalasakit sa kompanya at mabuting pakikipagkapwa sa mga empelyado at sa kahit kanino pang tao.

allanpunglo@gmail.com