May STL na naman sa Maynila?

September 19, 2019

GUSTO nating tawagan ng pansin ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Marami kasi tayong kababayan sa Maynila na nagtatanong kung totoong bukas na naman ang Small Town Lottery (STL) sa pinakamamahal na lungsod ni Mayor Isko Moreno.

Gusto nilang malaman kung lisensiyado ba ang tinatayaan nilang STL, gayung hindi malinaw kung muli ba silang binigyan ng prangkisa ng PCSO o hindi.

Isang kopya ng taya ang hawak ko ngayon. Tinaya ito ng ating kababayan dakong alas-4 ng hapon noong nakalipas na Miyerkules sa Abad Santos outlet.

Sa pagkakaalam ko, ang dating may hawak ng prangkisa ng STL sa Maynila ay ang Golden Era ni dating Laguna Governor ER Ejercito, pamangkin ni dating Mayor Joseph Estrada.

Mahigit sa P180 million umano ang utang nito sa pamahalaan.

Sinabi ng pamahalaan na papayagan lamang magpalaro uli ang lahat ng STL kung magbabayad ng utang at magka-cash advance ng tatlong buwan.

Halimbawa, kung P33 million ang ‘gross income’ kada buwan ng STL sa Maynila, dapat ay mag-advance sila ng bayad na P93 million at kapag hindi sila makapag-remit, awtomatikong kukunin ito ng pamahalaan kada buwan hanggang maubos ang ini-advance nilang pera.

Ang tanong ngayon sa masipag, mabait, matapang at magandang PCSO General Manager Royina Garma,  nagbayad na ba ang Golden Era kaya may STL uli sa Maynila?

Sino nga pala si Galaxy?

Ang bola po ng STL sa lungsod ay tatlong beses isang araw. Isa sa alas-11 ng umaga; isa sa alas-4 ng hapon at isa pang alas-9 ng gabi. Malaki-laking pera ang mawawala sa pamahalaan kung sakaling wala pa mang prangkisa ay may pataya na naman ang STL sa Manila.
Antayin natin ang opisyal na pahayag ng PCSO tungkol dito.

Relentless campaign ng  NCRPO!

Viral sa social media ang pagkakaaresto kay Marlon Peroramas, alyas Loonie, na nahulihan ng 15 sachets ng kush o ‘high grade marijuana’ na nagkakahalaga ng P100,000.

Tulad ng magaling na NCRPO chief Maj. General Guillermo ‘Guillor’ Eleazar, hindi napigilan ni Makati City police chief Col. Rogelio Simon ang magpakita ng galit sa suspect dahil sa kabila ng katotohanang maraming matitibay na ebidensiya laban kay Loonie, panay pa rin ang tanggi nito.

Sa mga hindi pa nakakakilala sa suspect, marami tayong kabataan ang umiidolo kay Loonie ngayon. Isa siya sa pinakamagaling na ‘free style rapper’ sa bansa na lalong kilala sa tawag na ‘flip top.’

Samantala, kamakailan ay aabot sa P27.2 million halaga ng shabu ang narekober din ng pulisya nang mapatay naman ang ‘High Value Target’ na si Edgardo Labay Alfonso, residente ng Bgy. Tambo, Pasig City.

Tinangkang manlaban ng suspect sa pinagsanib na puwersa ng NCRPO-Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Ageny (PDEA) na sama-samang nagkasa ng drug net operation sa tapat ng Total gasoline station sa kahabaan ng P. Tuazon Avenue, corner 18th Avenue, Bgy. San Roque, Quezon City. Nangyari ito  dakong alas-5:15 ng madaling araw noong nagdaang Setyembre 15, taong kasalukuyan.

Bukod sa apat na kilo ng shabu na may ‘street value’ na P27.2 million, nakuha sa tabi ng bangkay ng suspect ang isang kalibre .45 baril, tatlong basyo ng bala nito na palatandaang nanlaban siya sa mga awtoridad.

Halos araw-araw ay hindi nawawalan ng ‘accomplishments’ ang NCRPO. Patunay ito na walang humpay ang kampanya ng pulisya para ipatupad ang giyera kontra droga ng Pangulong Duterte.

Kung ganito kasipag, kahusay, katapang at ka-dedicated sa trabaho ang ating mga opisyal, naniniwala akong magiging matino na nang tuluyan ang buong PNP at magkakaroon din ng katahimikan at kaayusan sa ating bayan.