Home>Editorial>Opinion>Mayor Isko, ‘Numero Uno’

Mayor Isko, ‘Numero Uno’

BALIK” na naman sa ‘MECQ’ ang buong Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng nagkakasakit sa COVID-19.

At sa puntong ito, dear readers, sa higit isang taon na ngayon ng pandemya, hindi na mahalay sabihin na higit na mas malaking salik ang ‘incompetent’ na liderato ng DOH sa pagharap sa problemang ito na pinalubha pa sa FDA.

Baka puwedeng “pakialaman” na ni Ombudsman Samuel Martires ang kalbaryong ito ng mga Pinoy?

May kapangyarihan ang OMB na magsagawa ng ano mang imbestigasyon hinggil sa mga bintang ng korapsyon, ‘motu propio’ (on its own) kaya, OMB Samuel, ano pa ang hinihintay ninyo, bosing, kilos na!

******

KUNG ngayon gagawin ang halalan, lalabas na “number one” sa magiging senador si Manila mayor, Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

At hindi ito “pagsipsip” sa bosing ng ating mabait at matikas na kasamang Cesar Chavez, dear readers.

Hindi kasi tayo ang nagsabi nito, bagkus, ang resulta ng ‘first quarter survey’ ng ‘PUBLiCUS Asia,’ isang lobbying and campaign management firm na rehistrado sa SEC.

Isinagawa ang survey sa pagitan ng Marso 20 hanggang Marso 29, 2021, na nilahukan ng 1,500 ‘respondents’ na, take note, ay pawang mga rehistradong botante!

Aber, nagulat pa nga tayo na bagaman “number one” si Sen. Manny Pacquiao sa hanay ng mga kasalukuyang senador sa usapin ng ‘approval and trust rating’ (66 percent at 53 percent), kung saan “segundo” lang si Sen. Bong Go (49 percent at 35 percent), “olats” pa rin sila kay “Mayor Kois” sa panlasa ng mga botante! Hmm. Mukhang ‘effective’ talaga ang liderato at media campaign ng alkalde ng Maynila, yeheyy!

Batay sa resulta, nakakuha si Mayor Isko ng suportang 69 percent kumpara kay ‘Pacman’ na mayroon namang 66 percent. Take note ulit, dear readers, ang tatlong puntos na “lamang” ni Mayor Isko kay Sen. Manny ay katumbas ng kung ilang daang libong boto sa araw ng halalan kaya, dapat sigurong magpakan…ton naman si kasamang Cesar, hehehe!

***

Sa bukod na survey ng PUBLiCUS sa nasabi pa ring petsa kung saan “pinulsuhan” ang “panlasa” ng mga Pinoy sa limang pinakamataas na lider ng bansa, patuloy na ‘hands down winner’ si PDU30 sa ‘score’ na 65 percent trust rating at 55 percent trust rating.

Sumunod naman kay PDU30 si SP Tito Sotto na may 40 percent approval at 25 percent trust ratings.

Sa resulta pa rin, sadyang dapat na lang bumalik bilang ‘plain mother’ sa kanyang mga anak si VP Robredo sa kanyang approval at trust rating na 29 percent at 19 percent. Kumbaga, kahit “pigain,” wala na talaga, hehehe!

At kung meron namang opisyal na sadyang dapat “maghabol” walang iba kundi si House Speaker Lord Allan Velasco, na mayroon lang 25 percent approval at 14 percent trust rating. Samantala, 25 percent lang ang trust rating ngayon ng Kamara.

Sa resulta pa rin, “dinaig” pa si Velasco ni retired Chief Justice Diosdado Peralta na may 28 percent approval at 15 percent trust ratings.

Ang tanong tuloy ng mga miron? ‘Anyare sa Kongreso at kay Speaker Lord? “Bakit” daw kaya bumagsak ng husto ang ‘rating’ ng lider ng ating Kamara?

Kung babalikan pa kasi, “kulelat” din siya sa parehong survey ng PUBLiCUS noong Disyembre 2020, dalawang buwan lang matapos siyang maupong ‘House Speaker.’

Kaya nga, nakakalungkot isipin na “ganito” ang sinapit ng Kamara ngayon, hayz!

Kung babalikan pa rin, sa panahon ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano bilang lider ng Kongreso, nagtala siya ng 64 percent performance rating at 62 percent trust rating noong Setyembre 2019 na tumaas pa sa 80 percent performance rating at 72 percent trust rating noong Disyembre 2019, sa survey na isinagawa ng ‘Pulse Asia.’

“Segundo” rin si Rep. Alan kay PDU30 sa survey ng PUBLiCUS Asia noong Disyembre 2019.

Sa harap ng mga resultang ito, gusto nating maniwala na ang mga ito ay magsisilbing “hamon” at “inspirasyon” kay Speaker Lord Velasco na “pagbutihin” pa ang trabaho ng Kamara, tama ba mga kabayan?

At malay pa natin, baka sakaling tumaas muli ang rating ng Kamara at ng lider nito sa susunod na araw kapag “inatupag” na ng Kongreso ang pangangailangan ng taumbayan.

Harinawa!

Publication Source :    People's Tonight