Mayor Lim, taon-taon sa prusisyon ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan

January 24, 2019

Bagama’t hindi niya layunin, kelan lang ay muling pinatunayan ng nagbabalik na alkalde ng Maynila na si Alfredo S. Lim na ang tsismis na desperadong ipinakakalat ng mga gusto siyang siraan, na siya ay mahina na at may sakit,  ay ganun na nga talaga -- tsismis lang.

‘Yan ay nang manguna ito sa pagdiriwang ng piyesta ng Sto. Niño sa Maynila nitong nakaraang linggo lang, partikular na sa Tondo at maging sa Pandacan din. Si Lim ay lehitimong tubong Tondo at sa katunayan, hanggang ngayon ay naroon pa rin naman ang kanyang kinalakihang tahanan sa Sgt. Mabagos Street, na ilang dipa lang ang layo mula sa Sto. Niño Church.

Bilang tunay na residente sa unang distrito ng Maynila, taon-taon naman talagang pinangungunahan ni Lim ang prusisyon na tinatawag na ‘Lakbayaw’, kung saan naglalakad ang mga deboto ng Sto. Niño kasama ang kanilang mga imahe, mula sa Sto. Niño Church matapos ang pagbendisyon ng mga imahe. Ang pitong oras na prusisyon na dumaraan sa napakaraming sikot-sikot na kalsada sa Tondo, ay sa nasabing simbahan din nagtatapos.

Kasama ni Lim na nag-‘Lakbayaw’ ang kanyang chief of staff na si Ric de Guzman, coordinators na sina Engr. Reynaldo Ignacio at Councilor Nino dela Cruz, at mga kandidato nito para konsehal sa first district ng Maynila na sina dating   Councilor Roland Sy, Atty. Eugene Santiago, Paul dela Cruz at anak na si Cristy.

Gaya din ng dati, matapos ang ‘Lakbayaw’ sa umaga ay sa ‘Buling-Buling’ Festival naman dumalo si Lim pagsapit ng hapon.                                                           

Ang mga nasabing okasyon ay ipinagdiriwang ng mga taga-Tondo at taga-Pandacan, Manila bilang papuri at pagpapasalamat sa kanilang patron, ang Santo Niño, tuwing ikatlong linggo ng Enero. Kasama na din siyempre pa ang paghingi ng gabay at panibagong bendisyon at biyaya.                                                                   

Sa kaso ng ‘Buling-Buling’ ay mayroon pang sayawan sa kalye kung saan nakasuot ang mga ‘Pandaqueños’ ng makukulay na  Filipino costumes habang sumasayaw sa masayang tugtog ng banda.

Kanya-kanya naman gimmick ang mga taga-Tondo na binibihisan pa nang todo ang kanilang mga Sto. Niño para isama sa prusisyon o di kaya ay pag-abangin sa tapat ng kanilang bahay habang dumaraan ang prusisyon.

Sa parehong okasyon sa Tondo at Pandacan, taon-taon din na pinagkakaguluhan si Lim ng mga dumadalo sa pagdiriwang at tuwang-tuwa na makasama siya sa kanilang piyesta.

Walang patumanggang picture-taking, selfie, pagmamano, yakap at halik ang ginawa ng mga taga-Tondo at taga-Pandacan kay Lim, na game na game namang pinagbigyan silang lahat.                                                                              

Napuna ng lahat na ni hindi man lang ininda ni Lim ang haba ng nilalakad niya at dahil nakita nilang malakas pa rin ang pangangatawan ni Lim at naroon pa rin ang tikas at gandang lalaki nito, madaming residente ang nagkomento na ‘sinungaling’ daw talaga ang mga nagpapakalat ng tsismis na ito ay mahina na dahil sa kanyang edad.

Sa nangyari, hindi na kinailangan ni Lim na ipagtanggol pa ang kanyang sarili sa mga malisyosong tsismis at lalong hindi na rin niya kinailangan na sabihing sinungaling ang mga naninira sa kanya.  Mga tao na mismo ang nagsabi.               

May mga pagkakataon na naghihiyawan din ng ‘Mayor Lim!Mayor Lim!’ ang mga kasama sa prusisyon o kaya ay nakaabang sa pagdaan  ng prusisyon, sa oras na namataan nila si Lim na paparating na.

Marami din ang lalapit lang para magpasalamat sa pagtatapos ng kanilang mga anak sa City College of Manila o di kaya ay gumaling ang sakit dahil sa noon ay libreng operasyon at pagpapagamot sa mga ospital na ipinatayo ni Lim.

Walang kaduda-duda. Nariyan pa rin talaga ang karisma ni Lim sa mga kapwa taga-Maynila at marami pa ring taga-Maynila ang marunong tumanaw ng utang na loob.

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.