Home>Editorial>Opinion>Mayor Rex vs NLEX

Mayor Rex vs NLEX

GUSTO nating maging test case ang ginawang pagsuspindi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa operasyon ng toll collection ng NLEX na nasa hurisdiksiyon ng lungsod.

Kabilang sa suspendidong toll operations ay ang Mindanao Avenue, Karuhatan, Paso de Blas-Malinta, Lawang Bato at Harborlink. Ibig sabihin, habang suspendido ang business permit ng NLEX, hindi sila puwedeng maningil ng toll fee.

Matagal ko nang sinasabi na si Mayor Rex ang maituturing na manager at chief operating officer ng isang city na may mataas na kakayahang mamuno. Si Mayor Rex ay hindi katulad ng ibang alkalde na puro propaganda lang ang alam pero sa totohanan, basyo naman.

Kung babalikan nyo ang kasaysayan ng Valenzuela, bago pa maupong alkalde si Senador Sherwin Gatchalian na utol ni Rex, isang malaking basurahan lamang ito. Nakilala rin ang Valenzuela bilang tapunan ng mga salvage victim, pugad ng mga kriminal at simbolo ng anarkiya sa kalsada.

Malaking kredito rin ang puwede nating ibigay kay Senador Sherwin dahil siya ang nagpasimula ng Disiplinang Valenzuela. Si Sherwin ang nagsaayos ng binaboy na lungsod sa maraming dekada.

Nang minsang maikot ako sa Valenzuela, lalo na sa McArthur Highway hanggang doon sa harap ng lumang munisipyo pa noon, malaki na ang kaibahan. Mula sa mga ga-bundok na basura sa mga bangketa at anarkiya ng mga sasakyan, mararamdaman mong maayos na tumatakbo ang gobyerno.

Ipinagpatuloy ni Mayor Rex ang mga sinimulang pagbabago ng kanyang utol na si Sherwin. Noong araw, matatakot kang maglakad kahit sa main road dahil puro kriminal. Napansin natin ngayon, masigla ang People’s Park nila at talagang nagiging pasyalan na ng mga tao.

Malaki na ang ipinagbago ng Valenzuela kaya nga naunahan niya ang mga kalapit niyang lugar pagdating sa peace and order at economic progress. Pareho kasing corporate manager sila Sherwin at Rex kaya mapalad ang mga taga-Valenzuela sa kanila.

Kaya nga itong mabilis na aksiyon ni Mayor Rex laban sa kapalpakan at kapabayaan ng NLEX, naniniwala akong may paglalagyan sa city government ng Valenzuela ang toll collectors kapag hindi nila inayos ang kanilang serbisyo.

Umaasa tayong susundan ng maraming local executives ang ginawang ito ni Mayor Rex para hindi pinaglalaruan ng mga toll operators ang mga motorista.

Hindi tayo sang-ayon sa sinasabi ni Atty. Quimbo ng toll company na national government lamang ang may sakop sa toll operations kaya ito lamang ay puwedeng gumawa ng aksiyon.

Baka nakakalimutan ni atorni na nasa lupa ng Valenzuela ang inaksiyunan ni Mayor Rex ay baka rin hindi niya alam na mas tinatawag na local autonomy na nagbibigay ng kapangyarihan sa lokal na pamahalaan na kumilos at protektahan ang kanyang mamamayan basta walang nilalabag na batas.

Hindi naman puwedeng tumunganga lamang si Mayor Rex habang may krimen at may kapabayaang nangyayari sa kanyang harapan. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV