Home>Editorial>Opinion>Me intersado sa puwesto ni PRO3 chief Brig. Gen. Val de Leon?

Me intersado sa puwesto ni PRO3 chief Brig. Gen. Val de Leon?

HINDI lang isa, dalawa kundi apat na kaibigan natin ang tumawag upang magbigay linaw sa nakalipas nating kolum tungkol kay Police Regional Office (PRO) 3 chief Brig. Gen. Val de Leon.

Anila, imposibleng magkaroon ng kolektor sa illegal gambling dahil simula nang maupo ito bilang hepe ng Central Luzon PNP, mahigpit ang tagubilin ng heneral sa pagpapatupad ng ‘no take policy.’

At tulad ng sinabi ko, ako mismo ay naniniwala na hindi nito sisirahin ang magandang career bilang isa sa ‘decorated officer’ ng PNP.

Si Gen. De Leon para sa kalaaman ng lahat ay nagawaran ng Plaque of Honor: Gold Award ng Presidential Anti-Corruption Commission na mismong ang Pangulong Duterte pa ang nagbigay ng parangal noong nakalipas na taon.

Kung pagbabatayan din natin ang makulay na karanasan ng heneral ay walang dudang si Gen. De Leon na ang isa sa pinakamagaling na naging regional director ng PNP. Bago ang pagiging Central Luzon PNP chief, maganda ang naging rekord nito bilang hepe ng Police Regional Office (PRO) 7 o Central Visayas, gayundin bilang dating hepe ng Firearms and Explosives Office ng PNP.

Ang magiting na opisyal din ang pinakabatang naging heneral mula sa hanay ng kanyang mga mistah sa Philippine Military Academy Makatao Class of 1989.

Sabi ng mga nagsitawag sa inyong lingkod, kung anu-anong ‘fake news’ na lang ang pinalulutang ng ilang indibiduwal para mapaalis sa puwesto si De Leon dahil marami na itong nasasagasaan sa Region 3 mula sa mga organized crime syndicate at sindikato ng illegal na droga.

Isa sa mga tumawag ang nagsabing hindi rin magagawa ni ‘alyas Baily’ na mangolekta sa POGO at illegal gambling dahil bilyonaryo ito at may lehitimong negosyo.

Totoong isa sa hanapbuhay ni Baily ay ang pagtitinda ng ‘firecrackers’ pero hindi anila totoo na illegal ang mga nasabing paputok. Ang kompanya ni Baily ay may kinalaman sa pagpoproduce ng mga naggagandahang ‘pyrotechnics.’

May malawak aniya itong pabrika sa San Rafael, Bulacan na nagbibigay ng maayos, disente at ligtas na trabaho sa ilan nating kababayan.

Totoong ‘kaibigan’ ni Gen. De Leon si Baily, pero ilan lang ito sa mga ‘legit businessmen’ na kakilala ng opisyal dahil kahit sinong police officers at pulitiko ay hindi nagdadamot na magbigay tulong ang negosyante, lalo’t kung may programa patungkol sa pamamahagi ng ‘ayuda’ sa mga kababayan nating nangangailangan.

Maganda na rin aniya na naisulat natin ang tungkol kay Baily upang malinawagan ang tunay nitong pagkatao, sabi pa ng isang kaibigan na tumawag sa atin kamakalawa ng umaga.

Sa ganang akin, kung hindi ‘inggit,’ posibleng may naninira kay Gen. De Leon. Maaring may ilang indibiduwal ang interisado sa puwesto ng heneral kaya kahit anong klaseng paninira ay gagawin nila maalis lamang sa puwesto si De Leon.

Sana ang artikulong ito ay magkaroon ng linaw na sa lahat.

Sa kabilng dako, gusto ko na lang i-follow sa PRO-3 kung sino sina Frank PIlay ng Porac, Pampanga at alyas Ricky sa Malolos, Bulacan. Nagpapakilala rin kasi ang dalawang kumag na ito bilang mga kolektor sa illegal gambling.

Pati sa Tarlac ay may isang alyas Espinosa na kolektor din umano sa illegal na pasugalan.

Umaasa tayong sa mga susunod na araw ay masawata ang kalokohan nina PIlay, Ricky at Espinosa.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large