Medical mission, pantapat sa illegal na tupada

December 18, 2018

KAHIT noon pa man, sabong ang labis na kinahuhumalingan ng maraming Pinoy kaya naman patok na patok ang kita ng mga cockpit arena lalo na ang mga iligal na tupadahan.

Sa katunayan nagkalat sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila ang iligal na tupadahan kaya halos araw-araw ay may mga nahuhuli ang kapulisan na mga kalalakihang adik sa sabong.

Ang problema, hindi lang kasi opisyal ng lokal na pamahalaan kundi pati opisyal ng barangay ang pasimuno sa mga iligal na tupadahan kaya’t hindi natitinag ang kanilang mga permanenteng puwesto tulad na lamang ang tupadahan sa Pacheco at Almario Streets sa Tondo.

Hindi lang naman sa Maynila may mga tupadahan dahil dito rin sa Caloocan ay talamak din ang tupadahan na tulad ng iba ay may sugal din na cara y cruz dahil dito talaga tumitiba ang mga operator sa malakihang taya.

Sabi ni Chairman Honesto Gaton ng Barangay 8 sa Caloocan City, ilang beses na niyang hiniling sa Northern Police District (NPD) na hulihin ang iligal na tupadahan sa nasasakupan niyang lugar sa Salmon Street pero hind raw ito naaaksiyunan.

Baka naman ginagawa pang gatasan ito ng mga tauhan ni District Director Chief Supt. Rolando Anduyan kaya dedma sila sa reklamo ng kabesa. Aba, eh malilintikan kayo ke Gen. Anduyan kapag nabuko niya yan.

Isa nga raw alyas Tevs at misis na si Janet ang nagbibigay ng proteksiyon sa naturang tupadahan kaya patuloy itong namamayagpag, pati na ang cara y cruz.  Dapat siguro, dakpin na rin ng pulisya ang mag-asawa para tuluyan ng matigil ang tupadahan sa lugar.    Sabi ni Chairman Gaton, talagang dinadayo ang iligal na tupadahan sa Salmon Street kaya ang panlaban niya para mabaling ang atensiyon ng mga tao ay ang pagsasagawa nila ng regular na medical mission sa Sugpo covered court upang makatulong sa mamamayang may problemang pang-kalusugan.

Noon lang aniyang araw ng Sabado, muli silang nagsagawa ng medical mission sa Sugpo covered court bilang serbisyo sa kanilang barangay dahil bukod sa libre ang konsulta sa mga doktor, may libreng gamot at libreng reading glass din ang barangay sa mga nagnanais magpasukat ng kanilang grado sa mata.

Nanawagan din siya sa mga kabataan na sa halip na mahumaling sa bisyo, tulad ng droga at sugal, ibaling nila ang atensiyon sa sports na suportado lagi ng barangay. Ganyan ang Kabesa, hindi tupada kundi serbisyo ang iniaalok sa mamamayan.

Bidahan sa Navotas

Panibagong batch pala ng mga dating drug addict ang nagtapos sa community based rehabilitation and treatment program ng Navotas City na Bidahan, kabilang ang 14 na nakapagtapos ng anim na buwan at dalawa sa 18-buwang counseling.

Sa kabuuan, umabot na sa 90 ang nakakumpleto sa anim na buwang rehabilitasyon at 18 naman sa counseling na labis na ikinasaya ni Mayor John Rey Tiangco dahil ang kanilang pagsisikap na tulungan ang mga nahumaling sa droga ay nagbubunga.

Nanawagan din siya na makibahagi na sa Bidahan ang iba pang may Substance Use Disorder o SUD at maging responsable sa kanilang paggaling, kasabay ng pasasalamat sa mga Navoteño sa patuloy na suporta sa kanilang anti-drug campaign.

Sa tatlong araw kasing retreat, natututo na ang mga kalahok sa Bidahan kung ano ang epekto ng droga sa kanilang pagkatao at kung paano maiiwasan ito. Bukod ito sa itinuturo sa kanilang wastong pag-aayos, malusog na pamumhay at pagpapahalaga sa sarili at mahal sa buhay.

Kasama sa Navotas anti-drug campaign ang Nurture and Educate Surrenderees Towards Transformation (NESTT) ng Philippine National Police (PNP)–Navotas, at mga faith-based na programa tulad ng Sipag at Gabay.

Malaki ang naitulong sa kampanya ng lungsod sa programa ni Mayor Tiangco na Text JRT kung saan ipinakalat sa buong lungsod ang mga numero na dapat i-text sa kanilang pagsusumbong.

Text ng readers

Nag-message sa On The Beat Sir Benny Go, ang masipag at tapat na tauhan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan upang ipabatid na wala na siya sa Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) dahil itinalaga na siya sa City Environmental Management Office (CEMO). Malaking kawalan sa DPSTM si Sir Benny Go lalo na’t hindi siya kailanman tumanggap, humingi, mangikil o magbigay ng quota sa kanyang mga tauhan mula sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan, illegal terminal, trucking company, etc.. Wala rin sa ugali niya ang magmura, magpahiya at mang-insulto sa mga traffic enforcer kaya nanlumo ang maraming enforcers nang lumipat siya ng departamento. Taliwas ito sa warmed welcome at masayang pagbati sa kanya ng mga tauhan ng departamentong kanyang nilipatan.

Nagpasalamat sa On The Beat si Gene ng Sampaloc nang talakayin natin ang pag-abuso ng mga sidewalk vendor na sumakop na sa mga mismong kalsada at bangketa kasabay ng sumbong na sana raw ay buhayin muli ang Plaza Miranda dahil puno na raw ng vendors at basura na tila wala na raw paggalang sa Simbahan ng Quiapo.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.