Home>Editorial>Opinion>Medical Scholarship tapatan ng mga Ospital sa SUCs

Medical Scholarship tapatan ng mga Ospital sa SUCs

SA pagharap ng bansa sa pandemya ng COVID-19, lalong nakita ng lahat ang kakulangan ng bansa sa mga doctor at medical frontliners, maging ng mga pasilidad para sa ating mga pasyente.

Kaya naman mistulang milestone sa Kongreso ang pagkakapasa nila sa Medical Scholarship Bill o ang Doktor para sa Bayan na nais ding tawagin ni Senador Ralph Recto bilang Juan Flavier Medical Scholarshil BIll.

Maganda ang naturang panukala dahil magkakaloob ito ng scholarship sa mga nagnanais na mag-aral ng medisina, hindi lamang sa matrikula kundi maging sa iba pang pangangailangan sa pag-aaral.

Pero kaakibat din nito ang mga pasilidad o ospital para naman pagdating ng On the Job Training ng mga medical students ay hindi na sila mahihirapan sa paghahanap ng ospital na tatanggap sa kanila.

Kaya naman isinusulong ni Senador Sonny Angara ang panukala para sa pagtatayo ng mga pagamutan sa mga State University and Colleges na mayroong medical school.

Sa pagsusulong ng Senate Bill 1850 o ang proposed Healthcare Facility Augmentation Act, iginiit ni Angara na dahil sa COVID-19 pandemic, mas nakita na ang kahinaan ng bansa sa pagresolba sa public health emergencies partikular ang kawalan ng health care institution at medical professionals lalo na sa labas ng urban centers.

It is clear that our healthcare system is already at a disadvantage even before this heatlh crisis,” pahayag ni Angara sa kanyang explanatory note.

Sinabi ni Angara na batay sa pag-aaral ng University of the Philippines, mayroon lamang tatlong doktor sa bawat 10,000 populasyon sa bansa na mababa sa rekomendasyon ng World Health Organization na 10 doktor sa bawat 10,000 tao.

The data reported that six out of 10 Filipinos die without seeing a medical professional is not surprising, but is certainly alarming,” dagdag pa ng senador.

Sa kanyang panukala, magtatayo ng pagamutan na may bed capacity na hindi bababa sa 50 sa bawat SUC na mayroong medical degree.

Mandato rin ng Department of Health, katuwang ng Commission on Higher Education at SUC na magbigay ng technical assistance sa konstruksyon ng pagamitan upang matiyak ang pagtalima nito sa standards ng kagawaran.

Gayunman, ang pamamahala at operasyon ng ospital kabilang na ang pagkuha ng mga medical personnel ay nasa kamay ng SUC subalit kailangang may koordinasyon sa mga programa at polisiya ng DOH.

The establishment of more hospitals will help prevent the high attrition rate of our very capable healthcare workers as there will be more hospitals to employ them,” diin pa ni Angara.

Sadyang malaking pondo ang kakailanganin sa panukalang ito pero para sa atin, isa itong malaking bagay na dapat pahalagahan ng ating pamahalaan.

Ika nga, kung gusto nating maging maganda ang ating health services, kailangan nating mamuhunan hindi lamang sa mga magagaling na doktor at medical frontliners kundi maging sa mga pasilidad na kailanganin para rito.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large