Mga alagang baboy sa Caloocan, apektado na ng ASF?

October 23, 2019

HINDI malayong apektado na ng African swine fever (ASF) ang mga alagang baboy sa Caloocan City dahil sa pagkakatagpo sa mga patay na baboy na itinatapon lang kung saan-saan ng mga nag-aalaga.

Katunayan, mismong si Barangay 28 Chairman Edgar Galgana ang nagkumpirma sa pagkakita sa patay na baboy sa bunton ng mga basura sa bangketa ng C-3 Road at isa pa  ang lumutang sa ilog na karugtong ng Estero de Maypajo.

Nanghinayang pa nga ang mga residente nang gumugol si Chairman Galgana ng pondo ng barangay para ipasunog sa isang pribadong veterinary clinic ang mga nakitang patay na baboy matapos na makakuha ng sample ng karne nito ang mga tauhan ng City Veterinay Office upang masuri kung apektado ang mga ito ng ASF.

Sabi ng mga residente, marami raw sanang gamot na mabibili para sa botika ng barangay  ang perang ginugol ng kabesa sa pagpapsaunog sa mga patay na baboy pero higit na namayani sa isipan ni Chairman Galgana na mapangalagaan ang kalusugan ng marami.

Nanawagan din si Galgana sa mga nagaalaga ng baboy na ipabatid sa kanya o sa city veterinary office kung may namatay silang alaga upang sila ay matulungan sa tamang paglilibing halip na itapon kung saan-saan.

Pero hindi  lang ito ang bumabagabag ngayon sa mga mamamayan ng lungsod dahil hindi naman kaila na may malaking matadero o katayan ng mga baboy sa Barangay 8 na nagsu-supply sa mga pamilihan, hindi lamang sa Caloocan kundi sa mga karatig lungsod.

Ayon kay Chairman Galgana, hanggang ngayon ay maraming nag-aalaga ng baboy sa kanilang barangay lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog sa hangganan ng Caloocan at Navotas City kaya’t posibleng maapektuhan na ng ASF ang lungsod.

No building permit

Nakarating na pala sa City Legal Office ng Manila City Hall ang reklamo ng ilang kagawad ng Barangay 235 Zone 22 District 2 sa Tondo, Manila laban sa kanilang barangay chairman hinggil sa itinayong barangay hall sa lansangan ng Balintawak St. Extension.

Sa liham ni City Legal Officer Atty. Emeterio Moreno, Jr., kay Engr. Armando Andres, nakasaad na walang record na may building permit na ibinigay kay Chairman Minna Galang sa itinayong 2-palapag na istraktura sa naturang kalsada na labag sa probisyon ng National Building Code, bukod sa itinayo aniya ito sa pampublikong lansangan na taliwas sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang kapangyarihan na linisin ang mga lansangan sa anumang sagabal.

Labag din aniya ito sa memorandum ng DILG sa mga lokal na opisyal na nag-aatas na pangunahan ang pagbawi sa mga lansangang inokupa o tinayuan ng iligal na istraktura at dahil dito, muling ibinalik ni Atty. Moreno sa City Engineering Office ang pagsasakatuparan ng nararapat na aksiyon at pagpapatupad ng umiiral na kautusan, ordinansa at iba pang panuntunan.

Nauna rito’y dumepensa si Chairman Galang sa akusasyon ng ilang kagawad ng barangay at sinabing may resolusyon aniya ang mayorya ng Sangguniang Pambarangay para sa pagtatayo ng barangay hall at mismong si DPWH District Engineer Gerard Opulecia pa ang lumiham sa kanila upang hilingin na payagan ang contractor na ABF Construction & Construction Supply Company na ituloy ang proyektong pagtatayo ng barangay hall na ibinatay sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A 8974.
Bagong truck,

tanggapan  binasbasan

Nadagdagan pa ng dalawang dump truck na hahakot ng basura ang Navotas City upang mapalakas ang kanilang waste management program, bukod sa pagpapaayos ng mga tanggapan na nasa unang palapag ng gusali ng city hall.

Mismong sina Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco ang nanguna sa pagbabasbas ng dalawang dump truck, kasabay ang pagpapasinaya sa mga bagong kumpuning tanggapan ng DILG-Navotas,  Agriculture, Information and Communications Technology, Public Information, at NavotaAs Hanapbuhay Center tanggapan ng City Treasurer’s Office sa second floor; at ang mga tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management, Internal Audit, Bids and Awards Committee, Barangay Affairs and Community Relations, Navotas Action and Command Center, at Social Services One-Stop-Shop sa fourth floor.

Ayon kay Mayor Toby, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at epektibong serbisyo sa lahat ng mga Navoteño dahil kasama sa kanilang misyon ang makapaghandog ng pinakamahusay na serbisyo sa mamamayan at komportable at masaya ang mga tao kapag bumisita sila sa city hall.

Layunin din aniya niya na magkaroon ang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng opisinang makakatulong sa kanilang pagiging produktibo at mahusay na pagganap ng trabaho at isa itong paraan upang maging madali para sa mga residente ang pagkuha ng serbisyong kanilang kailangan.

Suportado ni Cong. John Rey Tiangco ang mga programa at proyekto ng kanyang nakatatandang kapatid na alkalde na makakatulong aniya, hindi lang sa pagiging produktibo ng mga kawani kundi pati na ang pagtaas ng antas ng kabuhayan ng mamamayan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363