Mga bata noon at ngayon

KUNG hindi nyo pa rin inaawat ang inyong mga anak sa paglalaro ng mga virtual reality massacre sa mga computer games, dapat mag-isip-isip na kayo.

Iyong nangyari sa New Zealand na parang namamaril lang ng mga karakter sa computer games ang killer habang may camera sa kanyang ulo ay ang mismong konsepto ng mga kinababaliwan ng mga bata.

Maraming pag-aaral na ang nagsabi na ang mga batang lulong sa computer games, lalo na iyong mga violent format, ay malaki ang tiyansa na maging salbahe sila.

Ang ginawa ng killer sa NZ ay eksakto sa mga nakikita natin sa computer games na Virtual Cop at Counter Strike na may maze assaults. Iyon bang armas lang ang nakikita sa karakter na nagpapalit-palit ng kalibre tapos lahat ng makitang gumagalaw ay babarilin.

Sa tuwing mauubusan ng bala, parang naririnig niya ang word na “reload!” “reload!” kaya kargado siya ng maraming ammunition.

Sa sobrang lupit, kahit mga nakabulagta na sa kanyang pamamaril ay sinigurado pang patay sa pamamagitan ng pagrapido ulit.

Sa reyalidad, pag-aralan nyo mabuti ang mga batang lulong sa violent computer games, sa tuwing tatawagin ng kanilang mga magulang para utusan, nagagalit.

Kakaiba ang kanilang mga kilos, madaling mabugnot at ayaw nang nakikipag-usap nang maayos.

Kung ganitong klase ng mga kabataan ang sinasabi ni Jose Rizal na pag-asa ng bayan, aba’y malaki ang kanyang pagkakamali.

Palagi kong naikukumpara ang mga bata ngayon noong kami pa ang mga bata. Habang kami noon ay abala sa pag-iigib, paglilinis sa loob ng bahay, paghahawan ng mga damo sa aming mga bakuran,  sila naman ngayon, naroon sa computer shop at nagpapakabaliw.

Kami, noong araw,  bago sumapit ang takip-silim (6 p.m.), nasa bahay na. Hindi rin kami nakakalabas ng katanghaliang tapat dahil pagkakain ng tanghalian at nahugasan na ang mga pinagkainan, natutulog pa kami bago lalabas ng hapon para maglaro kapag weekend.

Iyong school days, hindi kami nakakalabas ng bahay kapag hindi nag-aral at nagawa ang assignments.

Magagalang kami noon kahit anong oras at sa kahit anong pagkakataon. Masisiyahan ang sinumang matanda na makakausap sa amin dahil masyado kaming masunurin at mapitagan sa aming kilos. Bitbit namin ang pagkataong yan sa lahat ng oras.

Mga bata, ganyan kami noon, bakit kayo nagkaganito ngayon?

Kaya nga kahit ano pang tingin sa amin bilang makalumang tao, hindi ko pa rin ipagpapalit ang aming kabataan noon sa marahas na kabataan ngayon.
allanpunglo@gmail.com