Mga buwitre sa kahabaan ng Macapagal Avenue

January 01, 2019

NANG buuin ng Department of Transportation (DoTr) ang Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT noong Agosto 24, 2016, inakala ng marami na ito na ang susi para malutas ang problema sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ang I-ACT ay isang composite team na kinabibilangan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Department of Transportation (DoTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na layuning tutukan ang problema sa daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Noong Setyembre 6, 2017, muling inilunsad ng DoTr ang reinforced I-ACT at idinagdag sa kanilang puwersa ang Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units at Liga ng mga Barangay para pangasiwaan ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.

Libu-libo ang mga sasakyang nahuli at na-impound ng I-ACT, hindi lamang sa EDSA kundi sa maraming bahagi pa ng Kamaynilaan subalit sa kabila ng napakataas na multa mula sa P1 milyon sa mga bus, P200,000 sa mga trak at van at P50,000 sa mga jeepney, marami pa rin ang mga kolorum na pumapasada na karamihan ay bumibiyahe patungong Cavite kaya lumutang ang hinala na may proteksiyon sila para ipagpatuloy ang iligal na pamamasada.

Nito lamang bago mag-Pasko, ilang mga tsuper at operator ng kolorum na sasakyan ang nagbulgar sa umano’y ginagawang pangongotong ng ilang kasapi ng I-ACT sa kahabaan daw ng Macapagal Avenue sa dis-oras na ng gabi.

Isa raw na Colonel ang pasimuno sa grupo ng I-ACT na nanghuhuli ng mga kolorum na van na biyaheng Cavite pero hindi para tuluyan kundi para raw gatasan. Ipapaliwanag sa mga tsuper at operator ng kolorum na van ang multang P200,000 at tatlong buwan sa impounding area kaya tiyak na aareglo sila na ang pinakamababa raw na halaga ay mula P30,000 hanggang P50,000.

Nakipagsapalaran kasi ang mga driver ng kolorum na van na samantalahin ang malaking kita nila sa pamamasada sa panahon ng Kapaskuhan kahit pa nga may mataas na multa pero sila naman pala ang pagsasamantalahan ng ilang tiwaling miyembro ng I-ACT.

Dapat sigurong imbestigahan nina DoTr Secretary Arturo Tugade at MMDA Chairman Danilo Lim ang ginagawa ng mga tiwaling miyembro ng I-ACT sa kahabaan ng Macapagal Avenue dahil baka masira rin ang imahe ng iba pang kasapi ng composite team na tapat naman sa kanilang layunin.

Bagong Taon, Bagong Buhay.

Ngayon lang naramdaman ng may 60-pamilyang dating naninirahan sa mga gilid ng daluyan ng tubig ang magdaos ng bagong taon sa maayos nilang tirahan na ipinagkaloob sa kanila ng Navotas City government.

Hindi tulad noon na sa lansangan lamang idinadaos ng pamilya ang pagsalubong sa bagong taon dahl nakaamba lagi sila sa panganib sa paninirahan sa mga gilid ng ilog at dagat, ngayon ay sa loob na ng sarili nilang tirahan sa NavoHomes, Dagat-dagatan sa Barangay North Bay Boulevard South nila ito idinaos.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, nais nilang magkaroon ng ligtas na tahanan kung saan pwede bumuo ng pangarap ang mga pamilyang nakatira sa mga mapanganib na lugar kaya’t sinikap ng lokal na pamahalaan na pagkalooban sila ng maayos na tirahan.

Hinikayat naman ni Cong. Toby Tiangco ang mga benepisyaryo ng pabahay na lumahok sa mga programa ng pamahalaang lungsod tulad ng scholarship, medical assistance, kabuhayan, at iba pa dahil nilikha ito para sila matulugan na magkaroon ng magandang bukas.

Ayon kay Cong. Toby, nakalaan sa may 1,800 pamilya ang in-city housing projects ng Navotas subalit dapat ay kailangan nilang sumailalim sa drug test upang matiyak na payapa ang mga komunidad sa ipagkakaloob na pabahay.

Sa tungki ng ilong.

Sa pagpasok ng bagong taon, hiling ng mga residente sa Caloocan City na seryosohin na raw sana ng kapulisan ang panghuhuli sa iligal na sugal tulad ng sakla, lotteng at video karera, huwag lang daw cara-y cruz at tong-its ang pagdiskitahan.

Sa likod lang daw kasi ng punong himpilan ng Northern Police District (NPD) ay talamak na ang lotteng at EZ-2 pero hindi ito masawata ng kapulisan at sa halip, laging accomplishment nila sa mga hinuling nagsusugal ng cara y cruz at tong-its ang iniuulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar.

Ibig sabihin ba nito ay nasa tungki lang ng ilong ni Chief Supt. Rolando Anduyan ang mga iligal pero hindi nakikita ng kanyang mga tauhan o baka naman hindi lang ito ipinararating sa kanya ng isang alyas “Mando” na pinagkakatiwaldasan este pinagkakatiwalaan ng opisyal?

Si Mando raw kasi ang nakapaglatag ng pinakamataas na “bidding” para makuha ang biyaya sa area ng NPD kaya siya ngayon ang bida sa Camanava area.

Ikinuwento nga ng impormante ang kasaysayan ni Mando kung paano niya winalis ang iba pang contender pero kulang na sa espasyo kaya sa susunod na lamang ito ikukuwento ng On The Beat.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.