Mga buwitreng taga-BoC

September 22, 2019

KUNG ang Philippine Drug Enforcement Administration at Philippine National Police ay may listahan ng mga drug lord sa bansa, siguro naman ay may listahan ang Bureau of Customs (BoC) ng mga pinaghihinalaang sangkot sa mga iligal na gawain sa Aduana,

Lalo na ng mga ismagler na walang ginawa kundi  maghanap ng mga lingkod-bayan na puwede nilang gamitin para sa kanilang “smuggling business.”

Hindi lang natin alam ay kung kilala na nina Depcom for Intelligence Raniel Ramiro ang tauhan ng BoC na nagtatrabaho din bilang mga customs broker at ang mga operatiba na protektor ng mga ismagler.

Ang mga empleyadong ito, kasama ang mga big-time na broker, ang nagpapahirap sa mga small-time na broker.

Sa totoo lang, maraming maliliit na broker ang halos maubos na ang kliyente dahil wala silang kalaban-laban sa mga taga-BoC na umaaktong broker.

Siguro naman kaya ni Depcom Ramiro, kilalang  matinik na intelligence officer, na tukuyin kung sinu-sino ang mga taga-BoC na nakikisawsaw sa trabaho ng mga broker.

Ito’y maliwanag na “unfair competition” dahil wala silang kalaban-laban sa nga buwitreng taga-BoC.

Siyempre, sa kanila na tatakbo ang mga importer.

At sa panukalang alisin na ang mga broker sa Aduana, abot tainga siguro ang ngiti ng mga taga-BoC na nagtatrabaho bilang broker.

Tuloy, nganga ang inaabot ng mga small-time na broker.

Sana lang, totoong walang alam ang matataas na opisyal ng BoC sa mga katarantaduhan diyan sa Aduana.

Ang mahirap kasi kapag nagpatawag ng hearing sa Senado para tayong makakapanood ng “BuCor part two” hearing.

Ano sa palagay, niyo?

***

Nakakaalarma ang pagsulpot muli ng sakit na polio sa bansa.

Ang nakamamatay na sakit na ito ay matagal ng nawala sa bansa.

Kaya nga maraming nagulat dahil biglang sumulpot muli ang polio.

Ang mahirap sa nasabing sakit, kung  hindi mamamatay ang isang batang may polio ay mapa-paralisa naman ito.

Kailangan ang mabilis na aksiyon ng gobyerno.

Lahat ng batang limang taon pababa ay agad pabakunahan.

Ayon sa mga eksperto, dapat palaging malinis ang kapaligiran para hindi kumalat ang sakit.

Kailangan daw ng gobyerno ng P800 milyon para mabigyan ng polio drops ang mahigit lima at kalahating milyong bata na edad limang taon pababa.

Ang mahalaga ay bumalik ang tiwala ng taumbayan sa vaccination program ng gobyerno.

Dahil sa dengavaxia scare ay maraming magulang ang ayaw pabakunahan ang kanilang anak.

Ang DoH at Rotary International ay nagsanib puwersa para ilunsad ang “End  Polio” campaign.

Ang kampanya ay naglalayong hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

***

May anim na araw na lang ang mga Local Government Unit (LGU) para alisin ang mga iligal na structure sa mga lansangan at sidewalk.

Ngayon nga lang  ay handa na ang mga validation team ng DILG.

Sila ang titingin kung talagang sumunod ang  mga LGU sa iniatas ng MC No 121-2019

Matatandaan  na una ng iniutos ni Pangulong Rody Duterte “to return to public use, all public roads and sidewalks that have been appropriated for private use.”  

Sa ilalim ng Memorandum Circular 121-2019 ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kailangang matanggal sa kalye ang mga  sagabal sa daloy ng trapiko on or before September 29.  

Ang mga alkalde na bigong maipatupad ang MC 121-2019 ay paparusahan ng DILG.

Puwede silang ma-reprimand, ma-suspend o matanggal sa puwesto.  

Kailangang parusahan ng DILG ang mga mayor na nagpabaya para matakot ang mga ito.

Kung hindi ay baka wala ng alkalde na sumunod sa mga utos ng Malakanyang at DILG.

Anong say niyo DILG Sec Eduardo Año?

Para sa inyong komento at subestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)