Mga dayuhang delegado, napa-wow sa SEAG hosting sa Pinas

December 09, 2019

ANG buhay, talagang parang ‘life’ mga kabayan, hehehe.

Dangan kasi, habang ang iba nating kababayan ay walang tigil sa pagpuna at pamba-bash sa SEA Games, patuloy naman ang pag-ani ng papuri at pasasalamat ng Pinas sa pagho-host ng 30th SEA Games mula sa mga sports officials at atletang dayuhan.

Viral ngayon ang kabayanihan ni Pinoy surfer Roger Casugay matapos niyang iligtas ang karibal na Indonesian surfer na si Mencos Cosimen.

Naputol ang tali ng surf board ni Mencos kaya nahampas sya ng malalaking alon sa Monaliza Point sa La Union. Mantakin niyo naman, abot-tanaw na ni “Kabayang Roger” ang gintong medalya pero binalikan niya si Mencos at iniligtas hanggang makarating sa pampang.

Kaya naman ang mga Indonesian Sports officials at mga atleta ay kontodo pasasalamat kay Roger. Pumaibabaw ang pusong Pinoy. Wow na wow!

Eto ring koponan ng Timor Leste, walang pagsidlan ang pasasalamat sa Pinas dahil sa pag-cheer ng ating mga kababayan na makakuha ng anumang medalya ang Timor Leste sa SEAG.  

Sa latest medal tally kasi na dinodomina ng Team Pinas, tanging ang Timor Leste na lamang (habang isinusulat natin ito) ang hindi pa nakakakuha ng medalya maski tanso. Kaya ang sigawan ng mga Pinoy ay ‘Go Timor Leste!’ kapag lumalaban ang koponan.

Siyempre pa  inuulan din ng papuri ang mga sports facilities na ipinatayo ng Digong admin para sa 30th SEA Games, lalo na ang world-class ‘Sports Stadium’ at Aquatic Center sa New Clark City sa Tarlac.

Pinuri din ni Thailand lawn bowl coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa  Clark Freeport, isa sa mga venues ng lawn bowl competition. Ayon kay Simmons, nakakabilib ang ginawa ng Pinas na isang world-class sports facility sa loob lamang ng 40 araw.

Sinabi naman ng Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepak Takraw Federation, na nakakamangha ang Sepak Takraw venue sa Subic gymnasium at tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games.

Maging ang  Olympic gold medalist swimmer na si  Joseph Schooling ay napabilib sa kanyang naging karanasan sa 30th SEAG.  

‘Awesome’ daw ang energy sa 30th SEA Games. Ibinida pa nito ang kanyang “yaya” na isang Pinay na 10 taon ng naninilbihan sa kaniyang pamilya.

Pati na ang SEAG first timer event na e-sports ay umani din ng papuri. Ang venue lamang sa San Juan ay balot ng iba’t-ibang ilaw, smoke machine at hiyawan ng mga manonood.

Ayon kay  Benjamin Assarasakorn ng Thailand E-Sports Federation, ang ‘landmark hosting’ ay dapat tularan ng ibang bansa sa Asya kung paano tatratuhin ang esports.

Kaya nga, sadyang “natabunan” na ng mga magagandang komento ang mga naging “paninirang-puri” ng ilang grupo sa hanay ng ating mga ‘organizers,’ ‘sports officials’ at higit sa lahat, sa ating mga atleta dala na rin ng kanilang ipinapakitang mataas na kalidad ng ‘performance’ sa SEA Games.

Sa mga nangyayaring ito, wag na tayong magtaka kung talagang lalahok ang Pinas sa bidding ng 30th Asian Games, tama ba?

Si Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong na mismo ang nagsabi na handa na ang Pinas para sa mas malaking sports event dahil sa magandang pagho-host ng 30th SEAG.

Eh di… ‘Let’s get ready to rumble!

Abangan!