Mga District Collector ng BoC, hindi dapat sisihin

May 22, 2019

ILANG araw na lang ay matatapos na ang buwan ng Mayo.

Siguradong kinakabahan na naman ang mga district collector na nahihirapang maabot ang kanilang mga collection target.

Ito ay sa kabila ng katotohanang alam ng lahat na wala sa kamay ng mga district collector ang laki o liit ng makokolektang buwis at taripa.

Sa mga hindi nakakaalam, magmumukhang tamad at inutil ang mga kolektor na hindi nakaabot sa kani-kanilang target.

Kung kakaunti ang importasyon, siyempre maliit din ang papasok na pera sa kaban ng Bureau of Customs o BoC.

Kaya kawawa rin ang mga kolektor na talagang kaunti ang dumarating na importasyon sa mga pinamumunuan nilang distrito.

Ang tingin sa kanila ay mga non-performing lingkod-bayan.

Pero natitiyak natin na alam naman ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero.

Kilala niya ang mga nagtatrabaho niyang opisyal at empleyado.

Siguro naman hindi niya basta-basta huhusgahan ang kanyang mga opisyal.

Sa galing ng kanyang mga intelligence officer, alam na niya ang mga  deserving niyang mga tauhan.
Hindi ba, Depcom Raniel Ramiro?

***

Ramdam na sa maraming parte ng bansa ang sobrang init ng panahon, lalo na sa mga lugar na wala ng punong kahoy na pinagpuputol sa ngalan ng “progress and development.”

Pulos semento, yerro at bakal na ang nakikita ng mga residente.

Dati madalas nakakakita tayo ng mga motoristang nagpapalamig sa ilalim ng mga naglalakihang puno ng akasya sa kahabaan ng mga highway.

Nawala na ang mga punong kahoy na ito dahil kailangang putulin dahil nagkaroon ng road widening.

Sa mga plaza naman ay pinuputol rin ang mga punong kahoy dahil magtatayo ng kung anu-anong building.

Nandiyan ng kainan, tindahan, laruan at iba pang structure.

Dapat umaksiyon na ang Kongreso para i-address ang patuloy na pagputol ng mga punong kahoy.

Kung hindi, darating ang araw na matutusta tayong lahat dahil sa sobrang init.

***

Kung may dulot na buti ang nakaraang eleksyon, nakatulong ito kahit papaano sa mga magulang ng mga estudyante.

Nagkaroon sila ng pambili ng damit, sapatos, bag at ibang school supplies.

Kahit walang umaamin, hindi lingid sa kaalaman ng publiko na nagkaroon ng vote-buying sa maraming parte ng bansa.

Ang ibang kandidato ay namudmod pa ng school supplies na kagaya ng notebook, lapis, ballpen at crayola.

Bawal  ito sa panahon ng halalan.

Sa totoo lang, mahirap patunayan ang vote-buying walang aamin na nagbenta o namili ng boto.

Paanong may aamin, pareho lang makukulong ang vote-buyer at vote-seller.

Isa pa palihim ang bigayan ng pera.
Wala namang sapat na tauhan ang Commission on Elections at Philippine National  Police para bantayan ang lahat ng barangay 24/7.

Mahirap talagang patigilin ang pamimili at pagbebenta ng boto tuwing may eleksyon sa bansa.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)