Home>Editorial>Opinion>Mga estudyante imulat sa mga pandemic

Mga estudyante imulat sa mga pandemic

HINDI maikakaila na matindi ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa lahat ng sektor sa ating bansa.

Tunay na walang naging exempted sa epektong dala ng “veerus” na ito lalo na ang ating mga estudyante.

Bukod sa epekto sa moda sa pagtuturo, malaki rin ang adjustment ng ating mga estudyante na nabigla dahil halos kapos pa rin ang kanilang kaalaman kung paano lalabanan ang mga ganitong krisis.

Sabagay halos lahat naman tayo ay bulag sa tunay na paraan upang maiwasan ang sakit na ito at kung ano ang tamang lunas.

Pero dahil nga sa pandemya na ito, higit nang napapanahon ang panukala ni Senador Senador Sonny Angara na maisama sa curriculum ng primary at secondary education ang mga usapin hinggil sa pandemics, epidemics at iba pang health emergencies.

Ipinaliwanag ni Angara na sa pagharap ng Pilipinas sa COVID-19 pandemic, nakita ang mga kakulangan at mga dapat na baguhin partikular sa pag-uugali ng mga Filipino.

Bagama’t patuloy ang pamahalaan sa pagpapaalala sa mga dapat gawin tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing, marami pa rin ang hindi sumusunod sa health protocols at nagiging dahilan pa ng pagkalat ng virus.

Naniniwala ang senador na kung sisimulan sa mga bata ang pagtuturo ng mga dapat at hindi dapat gawin ay magiging epektibo ang pagtugon ng bansa sa health emergency.

Binigyang-diin ng mambabatas na kung ituturo sa mga bata ang pandemics, epidemics at public health crises preparedness, maiimpluwensyahan din ang mga ito ng tamang pag-uugali upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Sa kanyang Senate Bill 1674, iginiit ni Angara na isama ang pandemics, epidemics at iba pang public health crises sa curriculum ng lahat ng primary at secondary schools, pampubliko man o pribado.

Alinsunod sa panukala, makikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Department of Health (DOH), maging sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at iba pang public o private institutions para sa pagbalangkas ng kinakailangang curriculum.

Kung magiging mulat ang mga estudyante sa iba’t ibang uri ng pandemya at mga sakuna na posibleng maranasan sa ating bansa, ay tiyak na makakatuwang natin sila sa epektong paglaban sa mga ganitong uri ng virus.

Sa ganitong paraan, mababawasan din ang posibleng mahawa sa mga kahalintulad na sakit at katunayan ay posibleng manguna pa ang ating mga estudyante sa mga kampanya para malunasan ito.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large