Mga fixer nagkalat sa harapan ng Bureau of Immigration Intramuros

January 22, 2019

KILALA sa mabilis na aksyon si Immigration Commissioner Jaime Morente lalo na kung pangingikil ng mismong mga tauhan ng kanyang tanggapan ang nasasangkot.

Katunayan, ilang mga tauhan na ng Bureau of Immigration (BI) ang sinibak niya sa tungkulin matapos mapatunayan ang sumbong ng pangingikil habang inaalis naman niya sa puwesto ang iba kapag umugong na ang balita hinggil sa ginagawa nilang katiwalian.

Isa na nga rito ang pagsibak niya sa puwesto ng ilan niyang mga tauhan na nakatalaga sa kanilang satellite office sa The Fort, Taguig City dahil sa pangingikil umano sa mga turistang humihiling ng pagpapalawig ng kanilang visa at ang ginawang pagbalasa noong nakaraang linggo sa may 500 kawani at opisyal sa NAIA.

Nilinaw naman ni Commissioner Morente na hindi dahil sa pangingikil ang ginawang balasahan kundi panuntunan na talaga ng ahensiya ang pagbalasa sa mga tauhan tuwing ika-apat na buwan upang maalis ang tinatawag na familiarity na karaniwan ng nagiging ugat ng katiwalian.

Pero hindi lang sa nangingikil ng tauhan dapat tumutok si Commissioner Morente kundi sa pagwalis sa napakaraming fixer sa harap mismo ng punong tanggapan ng BI sa Intramuros, Manila na posibleng may kasabwat na opisyal o tauhan ng tanggapan.

Matunog ang mga fixer dahil pumapasok o lumalabas ka pa lamang sa tanggapan ng BI, sasalubungin ka na nila at i-aalok ang serbisyo para mabilis ang proseso ng kinukuhang dokumento.

Karaniwan  iniaalok ng mga fixers ang mabilis na pagkuha ng certification para sa kanilang affidavit of denial na karaniwan ng nakukuha makaraan pa pitong araw o seven working days.

Siyempre, kung minamadali mo ang pagkuha ng certification para sa iyong pagbiyahe palabas ng bansa, papatulan mo na ang alok ng mga fixer upang hindi ka na maabala pagdating sa Immigration counter ng NAIA lalo na kung may kapangalan kang kriminal na nasa hold departure order o watch list.

Hindi naman siguro maglalakas loob ang mga fixers na maningil ng malaking halaga kung wala silang kasabwat na opisyal o kawani sa loob ng BI na aasikaso  para sa mabilis na proseso.

Kung mahihirapan si Commissioner Morente na matukoy kung sino ang mga kasabwat ng fixers iutos na lang sana niya  sa mga security personnel na ipahuli ang mga fixer na umaakto rin nga palang parking boy sa labas ng tanggapan na isa rin sa dahilan kaya madalas magkabuhol-buhol ang traffic sa naturang lugar.
Star studded anniv.

Naging makulay ang 10 araw na selebrasyon ng ika-113 anibersaryo ng pagkakatatag ng Navotas City na nagtapos noong nakaraang linggo sa isang grand parade na nilahukan, hindi lamang ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan kundi ng mga sikat na bituin sa pelikula.

Nanguna ang magkapatid na Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco sa Pangisdaan Festival na nilahukan ng 18 barangay, kasama ang mga bituin, senior citizens, sektor ng pamumuhunan at edukasyon at mga pribadong organisasyon na may temang “Navosaya sa patuloy na pag-angat ng samasama.”

Nakasakay sina Mayor John Rey, Cong. Toby Tiangco at Vice Mayor Clint Geronimo sa isang makinang at makulay na floats, kasama ang mga bigating artista na sina Maja Salvador, Coleen Garcia at EJ Falcon habang nag-perform naman sa ginanap na variety show sina Alden Richard, Alex Gonzaga Maymay Estrata, Zeus Collins, TNT Boys, Janine Berdin, Andrew E, at iba pa kasali ng bandang Silent Sanctuary.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang Pangisdaan Festival ay higit pang pag-alala sa anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod dahil ito’y selebrasyon ng mayamang kasaysayan, kultural at tradisyon na taun-taon ay kanilang ginugunita.

Kabilang sa serye ng 10 araw na aktibidad ang Misa ng Pasasalamat, Pistang Kristiyano, Araw ng Mangingisda, Street Dance Competition, pagbibigay ng parangal sa Top 10 Business at Realty Taxpayers, International Motor Show, Aero Zumba Competition, Pamilyang Navoteño Fun Day, Perlas de Navotas at Mutya ng Navotas pageantsTexts ng readers.

Inireklamo ng isang reader na suki ng LRT ang napakarami pa raw na vendors sa ilalim ng Carriedo LRT Station gayung tapos na raw ang panahon ng Kapaskuhan. Nanghuli raw noon ang Manila Traffic and Parking Bureau ng mga vendor sa kanto ng C.M. Recto at Rizal Avenue pero hindi pinasadahan ang ilalim ng LRT na ugat ng masikip na daloy ng trapiko na abot hanggang McArthur Bridge.

Hinimok naman ng isang suki ng Puregold Supermarket ang mamimili na motorsiklo lang ang service vehicle na iwasan ng mamili sa sangay ng supermarket sa Dorotheo Jose dahil wala na raw parking area ang motor sa lugar dahil tinambakan ng mga sirang motor at ginawang regular na paradahan ng hindi naman namimili ang dapat ay nakalaan lamang sa mamimili. Sino raw kaya ang nagpahintulot na gawing tambakan ng mga sirang motor ang kanilang paradahan at hinarangan pa ng lubid ang paradahan ng mga sasakyan para hindi makaparada ang mga motor.

Paumanhin sa iba pang texter dahil kapos na po sa espasyo ang On The Beat.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.