Home>Editorial>Opinion>Mga galit sa mundo, umatake na naman!

Mga galit sa mundo, umatake na naman!

MAY mga tao talagang ipinaglihi sa sama ng loob.

Ang daming ganitong nilalang sa ating bayan, iyong tipong sa bawat solusyon, palagi siyang nakakakita ng problema.

Tingnan nyo na lang sa isyu ng pagdating ng 600,000 dosage ng Sinovac mula sa China. Noong mga nakaraang linggo, nang hindi matuloy ang pagdating ng bakuna, sabi ng mga taong walang magawa sa buhay, grabe raw ang kapalpakan ng mga tao sa gobyerno.

Iyon pala, ang mga pharmaceutical company ang dahilan ng delay dahil ayaw mag-deliver kung hindi sasagutin ng Philippine government ang danyos sa mga taong magkakaroon ng side effects kapag naturukan ng bakuna. Kaya nga biglang nagkaroon ng indeminification law na ipinasa ng Kongreso at pinirmahan ni Presidente Duterte.

May naisisingit pang korapsiyon daw ang dahilan kaya hindi dumating. Tamang hinala pa. Pero bago ang hinalang ito, may alegasyon pa ng overpricing kaya daw ayaw sabihin sa publiko ang presyo.

Nang malamang may pinirmahang non-disclosure agreement ang manufacturer at ang gobyerno, may hinala pa rin silang sabwatan. Hindi naisip na logically, kailangan ng manufacturer ng non-disclosure sa presyo dahil buong mundo ang merkado. Ibig sabihin, iba’t ibang bansa, iba-iba rin ang presyo!

Iyong mga panay ang batikos sa dalayed na pagdating, nagsitahimik habang lumalapag ang eroplano ng Chinese government na may dalang 600,000 vaccines.

Pero saglit lang sila nanahimik, nag-isip lang pala ng bagong batikos. Mababa raw ang bisa ng bakuna at delikadong gamitin. May dagdag pa sila, nagbigay daw ng bakuna ang China kasi inaagaw ang teritoryo ng Pilipinas.

Habang nagtuturok ng bakuna na pinangunahan ng PGH director, ng mga duktor at ng mga opisyal ng gobyerno, kasama na sina Secretary Galvez at Secretary Vince Dizon, wala na naman silang kibo. Parang nagre-recharge na naman sila Boy Negatibo.

Hayun, nang may isang empleyado ng ospital ang nahilo matapos maturukan, nabuhay na naman sila. Parang mga natubigang palaka, kanya-kanya na naman ng post sa social media.

Delikado raw talaga ang bakuna ng China, hindi raw dapat pagkatiwalaan. Ganoon sila, happy sila kapag sa mahigit isang daang binakunahan na okey naman at isa lang ang nahilo, nakakita na naman ng tiyansang bumira.

Ano bang klase ang mga taong ito? May bakuna ba ang puso at damdamin ng mga taong ito para walang makita kung hindi negatibo? Parang malungkot na malungkot sila kapag may positibong nangyayari sa kanyang bansa.

Galit na galit sila sa mundo kapag may magandang ginagawa ang gobyerno, kapag nagbibigay ng tulong ang China. Bakit kaya?

Alam ko na, gusto nila ang side effect ng bakuna na ituturok sa kanila ay bigla silang magiging Amerikano! allanpunglp@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV