Mga gambling operators, nagkakainggitan na

March 11, 2020

KAPIT sa patalim ngayon ang ilang operator ng video karera machine dahil kahit mahigpit ang kampanya ng kapulisan laban sa naturang iligal na sugal, may ilan pa ring nagtatangkang maglatag sa mga piling lugar sa mga lungsod ng Malabon at Caloocan.

May ilan pa rin kasing nakukumpiskang mga iligal na makina ang kapulisan sa mga maliliit na eskinita sa naturang mga lungsod pero bigo silang mahuli ang operator at maging manlalaro kaya’t walang nasasampahan ng kaso sa piskalya.

Sabi naman ng isang retiradong pulis na umakto noon bilang enkargado o bagman, naiinggit daw ngayon ang mga operator ng VK sa mga financier at operator naman ng iligal na sugal na lotteng, EZ-2 at Pick 3 dahil tuloy ang kanilang operasyon sa maraming lungsod sa Metro Manila. Hindi raw kasi lantad na tulad ng VK ang kanilang operasyon at may timbre naman ito sa kapulisan.

Dito nga lang daw sa Quezon City, hindi nabubulabog ang operasyon ng mga kilalang financier ng naturang mga iligal na sugal tulad ng magtiyuhing Carlo at Litong Motor, pati na rin sina Ver Bicol at Edwin mata na may malawak na operasyon ng EZ-2, lotteng at Pick 3.

Isang alyas Tata Sabong daw kasi na nagpapakilalang sanggang-dikit at classmate ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Ronnie Montejo  ang nagbigay sa kanila ng basbas para maipagpatuloy ng walang aberya ang kanilang iligal na operasyon.

Kaya lang, ang laki raw ng hinihinging kapalit ni Tatang dahil kailangan daw niyang makapag-produce ng P750,000 kada linggo para sa kanyang classmate. Sus, nagamit pa yata ang malinis na pangalan ni Gen.Montejo.

Hindi lang naman sa Quezon City namumutiktik ang lotteng at EZ-2 dahil maging sa area ng Northern Police District (NPD) at Maynila ay may ganito ring uri ng sugal, dagdag pa rito ang iligal na bookies ng karera.

Ang estilo nga raw ng mga pulis, kahit na naka-timbre sa kanila ay huhulihin ang mga kubrador, pati na ng kabo ng bookies at kukumpiskahin ang malaking halaga ng kubransa pero pagdating sa presinto ng pulisya, pawawalan ang mga nahuli at magtitira lang ng isang kubrador na kanilang ipi-prisinta sa piskalya.

Hindi rin idinedeklara ng mga arresting officer ang tunay na halaga ng nakumpiskang kubransa dahil sa kanilang bulsa na napupunta ang malaking halaga.

Ang nangyayari tuloy, mapipilitan ang inquest fiscal na pawalan ang naaresto dahil walang mananaya na nahuli at kulang ang ebidensiyang ipini-prisinta sa kanila. Ang tawag sa ganitong operasyon ng kapulisan ay “drawing” para lang may accomplishment na hinuhuli nila kahit anong uri ng sugal. Kumita na, me accomplishment pa.
Pag-iwas sa COVID-19

May katuwiran si Navotas City Mayor Toby Tiangco na suspendihin kaagad ang klase sa lahat ng antas mula pre-school hanggang kolehiyo, pribado man o pampubliko nang pumutok noong Lunes ang paglobo ng bilang ng mga kumpirmadong apektado ng COVID-19.

Sa katunayan, nagsunuran kaagad ang iba pang mga lungsod maging sa labas ng Metro Manila hanggang sa tuluyang ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuspinde ng klase sa buong Metro Manila upang bigyang pagkakataon na ma-sanitize at ma-disinfect ang mga silid aralan at maiwasan ang close contact ng mga estudyante.

Kaya lang, ang hiling ni Mayor Tiangco sa Department of Education (DepEd) na awtomatikong ipasa na ang lahat ng mga mag-aaral ngayong school year para raw hindi na sila bumalik para sa kanilang summer classes ay ibinasura ng ahensiya dahil taliwas daw ito sa kanilang panuntunan na mabigyan ng mataas na kalidad ng edukasyon ang mga mag-aaral

Sabi pa ni Mayor Tiangco, kailangan na maging proactive upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 at ugaliin dapat ang wastong paghugas ng kamay, tamang paraan ng pag-ubo at pag-iwas sa matataong lugar. Kailangan aniyang mag-ingat at sundin lagi ang good hygiene at healthy lifestyle.

Ginawa kaagad ng alkalde ang kaukulang aksiyon kahit wala pang napapaulat na may COVID-19 na sa Navotas na mabisa talagang paraan upang maiwasan ang naturang mapanganib na sakit.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363