Mga ipokritong makabayan

November 23, 2018

DAMING nagmamagaling sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping.

Lahat ng maasim na salita ay ibinabato nila sa gumagandang relasyon ng China at Pilipinas. Huwag daw ipamigay ang West Philippine Sea, isinusuko na raw ni Pangulong Duterte ang soberenya ng bansa.

Iyong iba, akala mo naman mga totoong makabayan at talagang mahal ang katubigan ng bansa. Pero obserbahan mo, sila iyong mga unang nagdudumi sa Pasig River, sila iyong sanhi ng pagbabara ng Tullahan River, sila iyong nagsalaula sa Marikina River, sila iyong nagkakalat sa Manila Bay, sila ‘iyong sanhi ng pagkamatay ng mga isda sa Laguna de Bay dahil sa kasalahulaan nila.

Ang SWS naman, talagang spoiler at talagang wala kahit isang patak ng dugo ng pagiging makabayan. Talagang itinaon nilang ilabas ang anti-China survey sa pagdating ng Chinese president.

Ngayon lang ako nakakita na kailangan talagang isampal sa mukha ng bisita na ayaw sila ng kanilang bibisitahin. Ang totoo, hindi naman iyon ang sentimiyemento ng lahat ng mga kababayan natin.

Hindi naman nakapagtatakang mas pro-America ang ibang mga kababayan natin dahil sa mahabang panahon, ang mga Kano naman talaga ang trading, diplomatic at military partner ng ating bansa.

Pero alam din nating lahat na marami ring kuwestiyon sa sinsiridad ng US sa kanilang pagtingin sa “small boy” Philippines na kanilang kaibigan bilang big brother.

Kaya nga parang “nasunog” ang tabakuhan ng Amerika nang magkaroon ng paradigm shift sa foreign policy ng bansa nang maupo si Pangulong Duterte. Tsaka lang ipinaramdam ni Uncle Sam na importante pala si Juan dela Cruz sa kanilang buhay nang dumikit tayo sa China at Russia.

May isa pang isyu, iyong mga tumutol sa joint exploration ng China at Pilipinas para sa oil at gas sa West Philippine Sea. Umarya na naman ang mga bogus patriots na ayaw na namang pumayag sa kasunduang ito.

Sige nga, kung tayo lang ang mag-aaral ng kalaliman ng karagatan at hahalukay sa posibleng langis sa West Philippine Sea, ano ang gagamitin natin, piko at pala?

Ang talagang problema natin kaya hanggang ngayon ay developing country pa rin tayo matapos ang mahigit 100 years ng indepedensiya, marami sa atin ang ipokrito. Lahat ng tangkang pagsasaaayos ng bansa ay hinaharang ng mga walang magawa sa buhay.

Iyong mga taong nagsisigaw para ipreserba ang soberenya ay sila mismo ang dumudusta sa ating bansa.

Hindi talaga sila makabayan, mga makapili sila!

allanpunglo@gmail.com