Mga katiwalian sa BoC, iimbestigahan ng Kongreso

October 30, 2019

MALAMANG na binabangungot na ngayon ang  big-time player o ismagler at  kanilang mga protektor sa Bbureau of Customs (BoC).

Paano silang matatahimik eh isang lider ng Kamara de Representante ang nagpanukalang imbestigahan ng mga mambabatas ang “benchmarking” at “tara system” sa Aduana.

Siguradong takot na takot na sila ngayon dahil alam nila na parang iginigisa sila sa kumukulong mantika kapag nag-umpisa na ang pagdinig.

Ibang-iba ang mga tinatawag na “Congressional investigation.”

Kagaya ng “Senate inquiry” sa mga “ninja cop,” ang House probe ay iko-cover ng live ng mga istasyön ng radyo at telebisyon.

Sa totoo lang, hindi uubra ang katapangan at kakapalan ng mukha ng mga kawatan sa Aduana.

Alam naman ng lahat kung paano magtanong ang mga mambabatas, lalo ang mga abogadong miyembro ng  Kongreso.

Hindi puwedeng “no comment” lang ang isasagot ng isang resource persön.

Baka i-cite siya ng contempt at ipakulong hanggat hindi nagsasabi ng katotohanan.

Kung ayaw mong makulong ay mapipilitan kang magsabi ng katotohanan at ibunyag ang mga katarantaduhan sa mga pantalan.

Si dating BoC Chief Nicanor Faeldon ay ilan buwan ding nakulong sa Pasay City jail  dahil kinontempt siya ng mga senador.

Sumalang si Faeldon at iba pang opisyal ng BoC dahil lumusot sa Aduana ang malaking bulto ng shabu.  

Sa kanyang panukalang legislative inquiry ay sinabi ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na umabot ng P234 bilyon ang losses ng gobyerno sa loob lamang ng dalawang taon dahil sa korapsyon.

Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Marcoleta na ang benchmarking “is the fastest way of clearing and releasing shipment” sa pantalan.

Ayon kay Rep. Marcoleta ng Sagip Party-list, ang sitwasyon ay pinapalubha pa ng “tara system.”

Sa “tara system,” namimigay ng padulas ang mga importer at broker sa mga tiwaling taga-BoC.

Sinabi ni Marcoleta na ang panukalang House inquiry ay naglalayong mabusisi ng maige ang mga nangyayari sa Aduana.

Maraming sumusuporta sa panukala dahil sa talamak na katarantaduhan sa Aduana.

Ang lalakas ng loob ng mga tiwaling lingkod-bayan na magpalusot ng mga kargamento ng mga kaibigan nilang “player.”

Pero ang ginagawang “scapegoat” ay ang maliit na importer at broker na walang kakayahang magbigay ng malaking “tara.”  

Samantalang ang mga higanteng “player” na kagaya nila John  T., Jojo T., Alex R. Eric Y. Joel T., David T. at ang kanilang “hari” na siyang nagmamaniobra ng mga kargamento na si Michael Y. ay tuloy-tuloy lang ang misdeclaration, undervaluation, mis-classification, underweight at iba pang klaseng palusot. Ayon nga sa ating miron, pati daw mga abandoned shipment ay wala ng laman ang mga container dahil nailalabas ito  kasabwat umano ang ilang tauhan ng arrastre.

Ganyan kagarapal ngayon sa Aduana.

Dapat ipaliwanag ito ng mga opisyal ng OCOM, IG, ESS, lalo na ng mga taga-CIIS kung paano ito nakalulusot.

Marami kasing nakarating na sumbong sa atin na kapag kausap mo ang “magnificent 3” sa BoC, wala ka ng problema.  

Alam mo ba ‘yan Commissioner Jagger?

Magandang busisiin ito nila Cong. Marcoleta!

***

Isa na namang misdeclared shipment mula sa China na nagkakahalaga ng P3.5 milyon ang kinumpiska ng mga operatiba ng Bureau of Customs (sana hindi drawing).  

Dumating sa Port of Manila (PoM), ang kargamento ay naglalaman ng karne ng baboy at iba pang meat products.

Ang shipment ay idineklarang naglalaman ng tomato paste at vermicelli.

Hindi pa alam  kung kontaminado ng African Swine Fever (ASF) ang mga kinumpiskang karne at ibang meat products.

Sa ngayon, hindi pinapayagan ng ating mga otoridad na umangkat ng karne ng baboy mula sa China.

Isa kasi ang China sa mga bansang mayroong ASF.

***

Baha ang supply ng bigas sa merkado.

Dito takot na takot ang mga  magsasaka.

Alam nila na kapag naibenta na nila sa murang presyo ang mga ani nilang palay ay biglang mawawala ang bigas sa merkado.

Dito na biglang tataas ang presyo ng bigas.

Kaya ngayon pa lang dapat  ay alamin na ng gobyerno kung iniimbak ng mga negosyante ang binibiling palay mula sa mga magsasaka.

Kapag nagkawalaan ng bigas sa merkado, dapat salakayin ng mga otoridad ang mga warehouse ng mga negosyante.

Lahat ng mga itinatagong bigas ay kumpiskahin at ipamigay sa mga mahihirap.

Tama ba kami, Pangulong Rody Duterte?

Ipakulong lahat ng hoarder para ‘di sila pamarisan ng iba.
(Para sa inyong komento at suhesriyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)