Mga kawatan sa Laguna, ingat kayo kay Colonel Ely Matta

November 21, 2018

BAGO ang lahat, pinasasalamatan ng kasama natin sa hanap-buhay ang mabilis na pagresponde ng mga tauhan ni Col. Ely Matta, PD, Laguna na sila: SPO1 Christopher Dayang, PO1 Mark Anthony Burgos, at PO1 Mark Lester Soriano.

Bagama’t huli nang nai-report ang nangyaring nakawan, masusing iniimbestigahan ngayon ng mga tauhan ni Col. Matta ang pangyayari.

Kailangan lang siguro ay paigtigin pa ng PNP-Laguna ang kampanya laban sa  iligal na droga na sa tingin ng marami ay siyang dahilan kaya’t tumataas ang insidente ng nakawan at gulo sa lugar.

Pero sa pinakitang bilis-responde ng mga tauhan ni Col. Ely, naniniwala tayo na hindi magtatagal ay malalambat din ng mga pulis Calamba ang mga magnanakaw sa lugar na pinaniniwalang mga drug addict.

Pahabol lang, Col. Matta, paki sabihan mo lang ‘yung maangas na SPO2 dyan sa presinto ng Calamba.

Ayaw ni PNP Chief General Oca Albayalde ng ganyan.

* * *

Walang dahilan para hindi magtagumpay si Bureau of Customs Commissioner Rey Guerrero sa kanyang misyong linisin ang Aduana.

Ito ang paniwala ng mga waterfront observer pagkatapos na maghain ng resignation letters ang dalawampung opisyal.

Ang mga nagbitiw ay mga appointee ni Pangulong Rody Duterte.

Ang mga kusang umalis sa puwesto ay kinabibilangan ng anim na deputy commissioners at directors II at III.

Nagbitiw ang mga opisyal para bigyang laya si Guerrero na pumili ng mga taong tutulong sa kanya.

“This is a sign of support and solidarity with the new Customs chief to allow him to choose the people who will work with him in carrying out the directives  of the President,” ayon kay BoC Spokesman Erastus Sandino Austria.

Dapat lang na hayaang pumili si Guerrero ng kanyang mga opisyal para hindi niya masabi na may mga opisyal na walang malasakit sa kanyang administrasyon.

Alam naman ng marami na may mga taong isip “talangka.”

Kapag nakitang maayos ang pamamalakad ng hepe ay pilit na hinihila itong pababa.

Kaya tama lang na ang mga nakapaligid kay Komisyuner Guerrero ay mga “trusted “ niyang tauhan.

Ito ay para maiayos ang takbo ng tinatawag na “BoC Express.”

Pinupuri din natin ang mga nagbitiw na opisyal.

Ipinakita lang nila na  hindi sila kapit-tuko sa puwesto.

Saludo kami sa inyong lahat.

Bahala na si Pangulong Duterte kung tatanggapin o hindi ang inyong pagbibitiw.

Kagaya ni Guerrero at iba pang Malakanyang appointees, “they serve at the pleasure of the President.”

Kung ayaw na sa iyo ng Malakanyang, umalis ka na sa puwesto.

Huwag ng mangatuwiran!

* *  *

May mga nagsasabi na mahirap ang kalagayan ni BoC Chief Rey Guerrero.

Kailangang mahigitan niya ang nagawa ni dating Commissioner Isidro Lapeña.

Nagawa ni Lapeña na lampasan ang mga monthly collection target.

Dapat tutukan ni Guerrero ang kanyang mga tax collector sa nalalabing araw ng taon.

Hindi kasi  maiiwasan na ikumpara ang nagawa ni Lapeña pagdating ng katapusan ng taon.

Kailangang maganda ang pasok ng  pera sa Nobyembre at Disyembre.

Sa totoo lang, laging sinasabi noon ni Lapeña na kayang lampasan ng BoC ang kanilang 2018 assigned tax take.

Ang mga district collector na bigong maabot ang kanilang monthly target ay sinisibak niya agad.

Ang resulta? Gumanda ang tax collection performance ng ahensiya.

Pero sa totoo lang, hindi maganda sa long term plan ang laging pagpapalit ng mga collector at hepe ng mga section.

Paano kung gumawa na lang ng pera ang itatalaga mong collector dahil alam naman niyang hindi niya makukuha ang assigned target?

Isa pa, dapat ibalik ang sectioning. Karamihan kasi ng mga natatalaga sa bawat section ay pinag-aaralan nang husto ang mga taripang naka-assign sa kanilang section. Kaya nga mahirap silang malusutan ng droga.

Pangalawa, mahirap talagang makuha ng MICP at POM ang kanilang collection target dahil palipat-lipat ang kargamento ng ilang “malilikot” na “player.”

Meron pa ngang mga shipment na sa Davao ang port of entry, tapos isinasakay din ng local vessel pabalik ng Maynila.

Paki bantayan ang ganitong modus operandi, Commissioner Guerrero.

Bantayan mo rin ang notoryus na babaeng ismagler, na marami nang ipinahamak na opisyal!

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)