Home>Editorial>Opinion>Mga ‘kontra-reporma’ dapat ‘malatigo’ ni Comm. Jagger

Mga ‘kontra-reporma’ dapat ‘malatigo’ ni Comm. Jagger

SA higit dalawang taon na ngayon sa puwesto ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, masasabing “tagumpay” ang marami sa kanyang mga isinulong na reporma sa ahensiya sa ilalim ng kanyang ’10-Point Reform Programs.’

Una nang “nalampasan” ni Comm. Jagger ang ‘one-year jinx’ sa mga naging Customs commissioners’ ni Pang. Rody—si Comm. Nick ‘Mang Kanor’ Faeldon at Comm. Sid Lapeña ay parehong tumagal lang nang isang taon– bago natanggal sa Aduana dahil sa mga sinabitan nilang kontrobersiya.

Matapos malampasan ang unang matinding pagsubok sa kanyang liderato, nabigyan pa ngayon ng ‘Trailblazer’s Award’ ang BOC para sa ‘Performance Governance System’ nito samantalang ilang mga yunit at collection districts na rin ang matagumpay na “nakapasa” sa ISO 9001:2015 performance system. Isang ehemplo dito ay ang POM-CCC sa ilalim ni district collector, Michael DC Vargas.

Translation? Totoong patungo na nga sa pagiging ‘world-class’ ang BOC sa ilalim ni Comm. Jagger, kaya, yeheyy!

At higit sa lahat, ‘Happy Birthday’ Comm. Jagger,! Magpakan…ton, err, magpakape ka naman ulit, hehehe!

Inaasahan na rin na sa kabila ng negatibong epekto sa ekonomiya nitong COVID-19, makukuha—at posibleng malampasan pa—ng BOC ang 2020 ‘collection target’nito na higit P506 bilyon.

Dangan kasi, kulang na lang sa higit P12 bilyon ang “diperensiya” sa koleksyon nitong buwis para sa taong ito.

At kung pagbabatayan ang “pagsisikap” ng mga ‘Customs district collectors’ na makatulong kay Comm. Jagger, katulad ni Port of Subic district collector, Atty. Maritess Martin, aba’y wala nang imposible, hindi ba, Atty. Jett Maronilla?

Take note, dear readers, buwan pa lang ng Nobyembre, nalampasan na ng PoS ang ‘annual collection target’ nito na higit P25 bilyon, kaya… ang galing mo talaga, Coll. Martin, sana, “pamarisan” ka ng iba!

***

Alam din natin na katulong ang ‘Anti-Red Tape Authority’ (ARTA) ni DG Jeremiah Belgica, sinisikap ni Comm. Jagger na mapabilis pa ang mga proseso sa kanyang ahensiya.

At dito, may “tamang duda” ang mga miron, kung ito bang mga “kontra-reporma” sa hanay ng mga bataan, ehek, kapwa-opisyal ni Comm. Jagger, ay nakahanda ba talagang sumunod sa kanya?

Translation? Tigilan na kaya nila ang pagiging mga “burukrata-kapitalista” kung saan sila na mismo ang “protektor” o kaya ay mismong mga ‘consignee’ ng ilang mga dumarating na kargamento?

Ano sa tingin ninyo, ‘House of Thebes’ at alias Sabater?

Kung ganito pa rin kasi ang sistema, Comm. Jagger, aba’y sadyang “kawawa” ang mga maliliit na importer at broker na “nakukursunadahan” nilang “pag-initan” o “pag-tripan” para lang tumigil na sa pagnenegosyo at madukwang nila ang mga kliyente!

And yes, nangyayari pa rin ito hanggang ngayon, hihihi, ayy, huhuhu!

Tingnan na lang ang masaklap na karanasan ng isang kaibigan na hindi “tinantanan” nitong ilang kurimaw d’yan sa IG at RCMG kaya natanggalan ng ‘accreditation.’

At matapos maayos ang gusot, aba’y hindi pa rin makapagnegosyo ng matino dahil ‘yung mga “naipit” na kargamento dahil nadeklarang ‘abandoned’ at naisyuhan ng WSD, yung dokumento para lang mailabas na sa pantalan ang mga ito, “namamasyal” pa rin sa iba’t-ibang mga tanggapan ng BOC—sa nakaraang tatlong buwan, araguy!

Eh, asan ang ‘ease of doing business’ sa sistemang ganyan, hindi ba, Finance Secretary Sonny Dominguez, Sir?

***

Sa kabilang banda, hindi na rin maintidihan ng mga miron kung ano ba talaga ang ‘agenda’ nitong si PACC Commissioner Grego Belgica, sa Bureau of Customs?

Bakit (daw) ba palagi siyang sumisilip sa mga operasyon nito?

Sa pagtatapos ng linggong ito, aba’y dalawang beses nang naging observer si Comm. Greco sa operasyon ng BOC.

Noong isang taon, ganito rin ang kanyang ginawa.

Napakaraming ahensiya ng gobyerno na dapat silipin nitong PACC pero bakit ba palaging “pabalik-balik” si Comm. Grego sa Aduana? Anong meron, tanong ng mga miron.

Sa totoo lang, hindi nakakatulong sa mga reporma at liderato ni Comm. Jagger at sa mga opisyal ng BOC na alam nating gumagawa ng matino at tama ang mga pasikat, ehek, ang mga aksyon, ni Comm. Grego.

Ang “dating” kasi sa publiko at sa mga opisyal ng Aduana, “walang ginagawang aksyon” si Comm. Jagger upang mareporma ang BOC kaya hanggang ngayon, pulos “TH” (tamang hinala) sa BOC itong PACC.

At mabuti sana kung ‘positive’ man lang kahit isa ang mga ‘info’ ni Comm. Greco? Eh, pulos sablay naman kaya, sino ang nakakahiya, aguy!

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight